Wasak ang Puso ng Babae Dahil Magkapatid Pala Sila ng Kanyang Nobyo, Lalo Siyang Napaiyak nang Matuklasan ang Mas Matinding Lihim

Apat na taon na ang relasyon ni Kendra sa kanyang nobyong si Nilton. Sabay pa nga silang gumraduate ng college, at ngayon ay magkatapat lang ang opisinang pinapasukan nila. Wala na siyang mahihiling pa, mabait ang lalaki, responsable, may respeto, tanggap ng pamilya niya- bonus pang gwapo.

Singkit ang mata nito at matangkad, may dimples pa nga kaya kapag ngumiti ay parang matutunaw sa panlalambot ang tuhod ni Kendra.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Babe, pasensya ka na ha? Kinailangan kasi naming mag-overtime eh. Hindi ko rin inasahang ganito, basta i-text mo nalang ako once you get home ha?” sabi ni Nilton isang hapon. Karaniwan ay inihahatid siya nito at dahil sabay sila ng uwian.

Ngayon lang nangyari na may overtime ang lalaki. Nais magtampo ni Kendra, paano naman ay anniversary nila ngayon. Ni hindi man lang naalala ng lalaki, nagtataka pa itong nakamasid kung bakit nakasimangot siya habang sinasamahan siya nitong maghintay ng taxi.

“Why is my baby sad?”

“Wala ka ba talagang naaalala?” nakangusong tanong niya, hay. Baka sobrang busy sa trabaho, ito ang first time na nakalimutan ni Nilton ang importanteng araw nila. Dati ay nagdi-dinner sila o kaya ay nanonood ng sine.

Ngumiti ang binata, “Of course meron. Happy Anniversary baby,” sabi nito at hinalikan siya sa noo.

Ganoon nalang? Ayos na sana ang walang regalo. Ang nakakatampo ay kung hindi niya pa ipinaalala, malilimutan na nito.

“Happy Anniversary,” malungkot niyang sagot.

“Baby, busy lang ako sa trabaho. Alam mo namang para sa ating dalawa rin ito ‘di ba?”

Nakakaunawang tumango na lamang si Kendra. Nang makarating siya sa kanila ay tahimik niyang hinubad ang sapatos. Papasok na siya sa loob nang mapansin niya ang isang pares ng sapatos sa tapat ng kanilang pinto.

May bisita?

Pinihit niya ang seradura, hindi naman pala naka-lock.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Well, kailangan na nating magmadali dahil mamaya ay darating na ang anak ko.” boses ng kanyang ina, mukhang excited ito. Napangiti naman si Kendra dahil mula nang mawala ang kanyang daddy anim na taon na ang nakalilipas ay ngayon niya na lamang ulit naringgan ang masayang boses ng babae.

Pero nawala ang ngiti niya nang marinig ang kausap nito, “Alam ba niya ang tungkol sa atin?”

Si Tito George? Ang daddy ni Nilton!

“I don’t think so. kailangan pa ba? I mean, baka maguluhan lang ang mga bata kapag nagkataong malaman nila na nagkaroon tayo ng relasyon noon.. lalo na si Kendra. Ang alam niya ay ang mister ko lang ang naging boyfriend ko, wala siyang ideya tungkol sa’yo.”

Natakpan ni Kendra ang kanyang bibig, parang sasabog ang ulo niya sa mga rebelasyong naririnig. At bakit nagkikita ng palihim ang dalawa?

“Well. Hindi naman lingid sayo na daddy ako ni Kendra..”

Hindi na itinuloy pa ng dalaga ang sasabihin at nagmamadaling umalis sa bahay nila. Manhid ang buong katawan niya, ang tangi niyang nararamdaman ay ang sakit sa kanyang dibdib.

Una, dahil naglihim ang kanyang mommy sa pagkatao niya. Sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit si tito George pa? Pakiramdam niya ay isa siyang malaking kasinungalingan. Pangalawa, at ang pinakamasakit, hinding hindi sila maaaring magkatuluyan ni Nilton..dahil kapatid niya pala ito!

Nanginginig na tinawagan niya ang nobyo,agad naman itong sinagot ng lalaki.

“Hello babe? Are you home?” tanong nito sa kabilang linya.

Hindi magawang sumagot ni Kendra, nakatakip ang kanang kamay niya sa bibig. Umaasang maiiwasang marinig ng nobyo ang kanyang mga hikbi.

“Hey babe? What’s up?” may bahid na ng pag-aalala ang boses ng binata.

“N-Nilton, I’m sorry. Kailangan na kitang pakawalan.”

“What?!”

“Sabi ko kailangan na kitang pakawalan. May mga bagay na kahit gustuhin natin ay hindi pwede. Hindi uubra sa mata ng tao at sa mata ng Diyos-“

“Nasaan ka?!” putol nito sa sinasabi niya. Ayaw na sanang sabihin pa ni Kendra pero mapilit ang binata, nabanggit niya na rin. Gusto niya rin sanang mayakap ito, kahit sa huling pagkakataon bago mabunyag ang katotohanan.

Ilang minuto lang ay naroon na si Nilton, humahangos ito at pawisan.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Ano ba ang sinasabi mo?” kunot noong tanong nito sa kanya.

“Pag uwi ko kanina ay di ko inakalang naroon ang daddy mo sa bahay namin. Narinig ko sila ng mommy, magkarelasyon sila dati. Pero hindi iyon ang mas masakit, dahil hindi pala talaga ako anak ni Papa Tom. Ang daddy mo, si tito George ang totoo kong ama, magkapatid tayo!” pagtatapat niya tapos ay napahagulgol na.

Tahimik lang ang binata at niyakap siya, walang imik na iginiya siya nito sa kotse bago nag-drive papunta sa kanila.

“Please, hindi pa ako ready na makita sila,” humihikbing sabi ni Kendra. Pero hindi nagpatinag ang lalaki, sinulyapan lang siya tapos ay bumalik na sa pagmamaneho.

Nang makarating sa bahay ay hawak kamay na pumasok ang dalawa sa loob. Nagulat pa si Kendra dahil naroon rin pala si tita Bianca, ang nanay ni Nilton.

“Anak? Napapano ka?” nag-aalalang tanong ng mommy niya dahil namumugto ang kanyang mga mata.

“Mom. alam ko na ang lihim mo. Narinig ko kayo kanina ni tito George. Alam ko na anak niya ako!”

“Ha?!” sabay-sabay na tanong ng tatlo, paglingon niya kay Nilton ay tila pinipigil nito ang matawa.

“Wag na kayong mag-maang maangan!”

“Anak, tumingin ka na ba sa salamin? Ayan at kamukhang kamukha ka ng Papa Tom mo! Siguro nga ay mali ng kaunti na hindi ko nabanggit na ex boyfriend ko pala si George, pero ang mahalaga naman ay magkakaibigan na kami dahil maging ang tita Bianca mo ay malapit sa akin,” paliwanag ng kanyang ina.

Naguluhan naman si Kendra, “K-Kung ganoon, ano pala iyong sinasabi mo tito George kanina.. na daddy kita? Tsaka, bakit kayo nandito sa bahay namin?” sunud-sunod na tanong niya.

Sumagot naman si George,”Kendra, limang taon kami sa Amerika ng tita Bianca mo bago nabuo si Nilton. Doon nagbuntis ang misis ko at doon na rin ipinanganak ang anak namin kaya imposibleng maging anak kita. At kung bakit kamo kami nandito..” binitin nito ang huling sasabihin, sinulyapan ang anak na may kinukuha na pala sa bulsa.

Napalingon si Kendra sa binatang nakaluhod na sa kanyang tagiliran.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“K-Kaya sila nandito, baby, at kaya sinabi ng daddy na anak kana rin niya ay dahil.. dahil gusto ko nang maging parte ka ng pamilya namin. Pasensya kana kung hindi kita naihatid, kasi naman ay nagkaroon ng problema sa binili kong singsing dahil alas sais pa raw maide-deliver kaya kinailangan kong gumawa ng kwento para lang mapauwi kana.

Nakausap ko na ang mommy mo, at ngayon ay mamamanhikan na kami. Baby.. hindi ko nakalimutan. Happy anniversary, and will you marry me?” madamdaming tanong ni Nilton.

“Oh..my..goodness.” tanging nasabi ni Kendra kaya maging mga magulang nila ay natawa. Umiiyak na tumango siya at niyakap ang binata.

Tatlong buwan ang naging preparasyon sa kanilang kasal, ngayon ay mayroon na silang isang anak. Natatawa pa rin si Kendra tuwing maaalala ang kakaibang kwento nila.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Minsan ay mapagbiro talaga ang tadhana. Palagi lang nating lakasan ang ating loob, tiyak namang hindi magtatagal ang mga pagsubok at sisikat rin ang araw.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!