Gustong Malaman ng mga Empleyado Kung Sino sa mga Kasamahan ang Salaulang Gumamit ng CR, Hindi Sila Makapaniwala sa Kanilang Natuklasan

“Bakit, Mon? Anong problema?” tanong ng kanilang supervisor na si Alfie.

“Sir, mayroon na namang hindi nagbuhos sa toilet. Umaalingasaw pa sa baho!”

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Napapakamot na lang sa ulo si Alfie dahil paulit-ulit na itong nangyayari sa kanilang opisina. May kung sinong hindi pinindot ang flush ng toilet pagkatapos gumamit, kaya ang resulta ay nagkalat ang dumi sa palibot nito.

Naaalarma na ang mga empleyado kung sino ang araw-araw na lang ay kababuyan ang ginagawa sa panlalaking palikuran.

“Isang linggo na po na ganyan ang nangyayari. Buti sana kung hindi kami nakakaamoy ng nakasusulasok na amoy sa tuwing pumapasok kami sa CR, e hindi pa man kami nakakapasok sumasakit na ang ulo namin sa baho,” inis na sabi ni Allan.

“Sir, maglagay kaya tayo ng CCTV sa loob ng CR?” suhestyon ni Mitoy.

“Oo nga, sir. Para malaman natin kung sino ang gumagawa ng kababuyan na iyan,” ani Mon.

“Huwag kayong mag-alala at isasangguni natin iyan kay boss,” sabi ni Alfie sa mga kasama.

Ilang araw matapos ang pag-uusap ng mga empleyado ay nagpatuloy pa rin ang nagkalat na dumi sa toilet. Hindi na naman gumamit ng flush ang magaling nilang kasamahan.

Sa pantry ay usap-usapan ang nangyayari sa kanilang opisina.

“Sa palagay niyo, sino kaya ang walang kahihiyan na gumagawa noon sa CR?” tanong ni Mon.

“Wala akong ideya. e. Hindi naman maaaring oras-oras nating bantayan ang mga pumapasok at lumalabas sa CR. Magmumukha lang tayong tanga,” wika naman ni Allan.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ano na bang balita sa balak na pagpapakabit ng CCTV?” tanong ni Alice, ang isa nilang babaeng katrabaho na nag-aalala na rin sa nangyayaring kababalaghan sa opisina.

“Wala pang balita, e. Mukhang ayaw aksyunan ni boss ang kababuyan sa sarili niyang kumpanya,” sabi ni Mitoy.

“Ang hirap kasi dito, kapag kapakanan na ng mga empleyado ang usapan ay nagbibingi-bingihan na ang mga nasa posisyon,” bulong ng babae.

“Alam niyo, puwede naman nating balewalain ang problemang ito, pero hahayaan na lang ba natin na namamayani ang ganyang klaseng pag-uugali? May karapatan tayong magreklamo dahil gumagamit rin tayo ng CR at lahat tayo ay may responsibilidad na panatilihing malinis at maayos ito,” hayag ni Mitoy.

“Nakausap ko nga si Ate Ruby na isa sa mga maintenance na naglilinis ng CR. Inis na inis siya nung nakaraang araw dahil nagpakalat na naman ng t*e sa toilet ang tinawag niyang Mr. Bagsik dahil sa mabagsik na amoy na ikinakalat ng salarin,”  bunyag pa ni Alice.

“Mr. Bagsik? Bagay na bagay sa kanya ang tawag sa kanya,” natatawang sabi ni Mon.

“Hay naku, kung alam niyo lang na halos isumpa ni Ate Ruby ang taong iyon na nagpapakalat ng lagim sa CR ng mga lalaki. Sabi nga niya na ayaw na raw niyang linisin ang palikuran ninyo kung araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay makikita niya ang ganoong senaryo.”

“Kausapin ulit natin si Sir Alfie. Sa kanya na lang tayo humingi ng tulong,” suhestyon ni Allan.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Kinaumagahan ay nilapitan nila si Alfie para magtanong kung ano na ang magagawang paraan ng kanilang boss sa problema nila.

“Sir, wala pa rin po bang aksyon si boss tungkol sa mga hinaing natin?” bungad ni Mitoy.

“Ang nais po sana namin ay maparusahan sa lalong madaling panahon ang walang delicadeza at walang kasing kapal na mukha na empleyadong nambababoy sa CR ng mga lalaki,” ani Allan.

“Mabuti at kinausap ninyo ako tungkol diyan. Dahil wala pa ring sagot si boss sa problemang iyan ay naisip kong gumawa na lang ng paraan. Nakahiram ako ng CCTV na maaari nating gamiting panghuli sa taong salaula na gumagamit ng CR. Huwag ninyong ipagsasabi ang napag-usapan natin ha. Kailangan na walang ibang makaaalam para tiyak na mahuhuli natin ang loko,” hayag ni Alfie sa mga kasama.

Lihim na ikinabit ni Alfie ang CCTV sa loob ng CR ng mga lalaki para malaman na nila kung sino nga ba ang misteryosong tao na gumagawa doon ng milagro.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Nang sumunod na araw ay naghasik na naman ito ng lagim. Hindi na naman nito ginamit ang flush sa toilet kaya agad na tiningnan ng mga nag-aalalang empleyado ang resulta sa CCTV. Hindi sila makapaniwala at sabay-sabay pa silang nagkatitigan sa kanilang nakita. Laking gulat nila nang malaman na ang taong gumagawa ng kababalaghan sa CR at sinabihan nila na walang delicadeza ay ang mismong BOSS ng kumpanya na si Mr. Hernandez.

“Totoo ba ‘to, si boss ang salarin?” wika ni Alfie sa di makapaniwalang tono.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Sabay-sabay nilang kinausap ang kanilang boss at ipinakita rito ang napanood nila sa CCTV. Labis-labis ang pagkapahiya ni Mr. Hernandez sa natuklasan ng kanyang mga empleyado. Sinabi ng lalaki na nakasanayan nito na hindi pinipindot ang flush o nagbubuhos ng tubig kapag gumagamit ng toilet. Dahil galing sa mayamang pamilya ay may mga katulong naman ito na gumagawa noon. Nangako ang kanilang boss na hindi na uulitin ang ginawa at matututo ng maging malinis sa paggamit ng kanilang palikuran.

 Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *