Dinaya ng Taxi Driver ang Metro Dahil Di Naman Nakakaintindi ang Pasaherong Amerikano, Tulala Siya nang May Matuklasan Tungkol Rito

Isang taon nang taxi driver si Eman, huling semester niya na sa kolehiyo dalawang taon na ang nakalilipas nang magloko siya. Ayos na rin iyon, matagal niya na rin namang gustong tigilan ang pag-aaral dahil para sa kanya, aksaya lang iyon sa oras.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Naglayas siya sa kanila, kung kani-kaninong mga kaibigan nakitira hanggang mapadpad siya sa pagmamaneho ng taxi. Isa siya sa mga driver na kung tawagin ay ‘buwaya’. Bukod kasi sa may daya na ang metro na pinapaikot- ikot niya pa para lang mapataas ang presyo, lantaran rin kung manghingi siya ng dagdag sa mga pasaherong wala nang choice.

Napangisi si Eman nang matanaw ang isang matandang lalaking foreigner na hila-hila ang isang malaking maleta. Kasalukuyan siyang nasa airport, ito ang paborito niyang pilahan dahil kadalasan ay walang barya ang mga OFW na umuuwi, wala ring ideya kung magkano na ang pamasahe kaya tiba-tiba siya.

“Ser! Taxi?” alok niya rito.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Can you take me here?” sabi nito at iniabot ang kapirasong papel na may nakasulat na address ng isang malaking hotel sa BGC, Taguig.

Mukhang malaki ang mape-pera niya, hindi marunong mag-tagalog!

“Sure! Just add 500 to the fare ha? You know, traffic in Manila..poor drivers. After all, it is so hard to find another cab this time,” sabi niya agad.

Saglit na nag-isip ang matandang foreigner. Ilang sandali pa ay nagsalita ito, “Okay.”

Isinakay na ito ni Eman, sinadya niyang dumaan sa maraming pasikot-sikot kahit pa may shortcut naman. Nasa stoplight sila nang mag-ring ang cellphone niya.

“Hello? Hannah? Mamaya ka na tumawag, tang *na may naisakay akong Kano! Mukhang mayaman. Marami akong iuuwi mamaya, konting uto lang dito maglalabas ‘to ng lilibuhin,” tatawa-tawang sabi niya sa nobya habang sinusulyapan pa sa salamin ang matandang foreigner na walang kaalam-alam na ito na ang tinutukoy niya.

Nang matapos ang tawag ay nginitian niya ang pasahero, “Sorry ser. My mother asking for money, she’s sick. I came from poor family, I am the breadwinner so I have to work hard,” pag-iimbento niya. Lumungkot pa ang ekspresyon para mukhang nakakaawa.

Umiling-iling naman ang matandang foreigner. Isang oras at kalahati ang nakalipas ay narating na rin nila ang destinasyon ng pasahero.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“2,300 ser. Sorry, my meter broke a while ago but I saw that the fare is 1800. Plus the 500 that you promised me,” sabi niya.

Walang imik na bumunot sa wallet ang matanda at inabutan siya ng tatlong libo.

“Keep the change ser?” nagniningning ang mga matang tanong niya.

“Sorry, I won’t have peso in my wallet if I let you keep the change. I still haven’t converted my dollars here,” paliwanag nito.

“T*ngina naman, magpapapalit pa ‘ko.” inis na sabi niya.

Lumabas siya sandali ng taxi, nagtanong sa gwardya ng hotel pero wala rin itong ipapalit. Pinara niya ang isa pang taxi na natanaw, pero napailing nang makalapit iyon.

Pag minamalas ka nga naman, si Kaloy pa. Isa ito sa mga kasamahan niyang taxi driver pero hindi sila close. Kabaligtaran kasi niya ay tapat ang driver at mabuti ang hangarin. Para sa kanya, ang ipokrito nito.

Asar siya lalo na at ilang beses na itong napaparangalan dahil nagsasauli ng mga naiiwang bag.

“Pare, bakit?” tanong nito, ibinaba ang bintana ng minamanehong taxi.

Nasa likod na rin pala ni Eman ang matandang foreigner. Wala na siyang choice.

“Palitan mo nga ito, o kahit pahingi na muna ako ng 700 dyan. Mamaya ko nalang ibabalik sa opisina. Wala akong barya eh, 2300 ang metro ni Ser.”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Eman, 2300 ang siningil mo kay Sir? Diba sa airport lang kayo galing?” gulat na sabi nito.

“Pare wag ka nang makialam basta palitan mo nalang,” matabang na sabi niya rito.

“Mali kasi ang ginagawa mo eh. Pare naman, kaya tayo nasisirang mga driver dahil sa ganyang gawain eh.”

“T*ngina naman walang basagan ng raket. Pinakialaman ba kita sa pagpapakabayani mo? Kung ikaw ayos lang na nagiging bato ang pera, ako hindi! Wag mo kong tulad sayo, ang ganyang katapat hindi yayaman tandaan mo yan!” mataas ang boses na sabi niya rito.

Sasagot pa sana si Kaloy nang mapalingon sila pareho sa nagsalita sa likod.

“Oh my God daddy! Bakit naman hindi mo sinabing uuwi ka pala tonight? Ikaw talaga!” isang babae ang nakayakap sa matandang foreigner.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Well, alam mo namang mahilig akong mang-surprise. Isa pa, may mabait na driver na naging tapat sa akin.”

Hindi nakaimik si Eman, marunong magtagalog ang foreigner?! Ibig sabihin pala ay naintindihan nito ang pinagsasabi niya kanina!

Napasulyap sa kanilang dalawa ang dalaga, “Hello po. Pasensya na po kayo, ang daddy ko kasi mahilig talagang magpanggap. Nakasanayan niya na iyon para malaman kung sino ang magiging honest sa kanya at sino ang mananamantala,”

Nakangiting nilapitan ng matandang foreigner si Kaloy, habang si Eman naman ay nanigas na lamang sa kinatatayuan.

Nag-resign na si Kaloy bilang taxi driver dahil binigyan siya ng matanda ng malaking pera para magsimula ng negosyo, inani niya ang kabutihan niya sa matanda.

Si Eman naman ay nagsisisi pa rin hanggang ngayon. Mali siya, yumayaman pala ang matapat sa kapwa. Dahil nakikita ng Diyos kung sino ang gumagawa ng kabutihan at ibinabalik iyon ng doble pa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *