Pinagtawanan ng Binata ang Lolang Nagsasalita sa Gitna ng Kalsada Tungkol sa Diyos, Sa Huli ay Supalpal Siya Dahil Nagkatotoo ang mga Sinasabi Nito

Nagtatrabaho sa isang opisina sa Makati si Brad. Sa Cavite pa siya nakatira at kung hindi lang talaga nangangailangan ang kanyang pamilya ay hindi siya magtitiis sa araw-araw na pahirapang biyahe.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Isang hapon, nag-aabang ng jeep papuntang terminal ng bus ang binata nang isang pamilyar na eksena ang nadaanan niya.

Napapailing na minasdan niya na lamang ang ale, may edad na ito at nakatayo gitna ng kalsada. May hawak itong rosaryo at isang malaking karatulang nakalagay ang nakasulat ay ‘Mahal tayo ng Diyos’.

“Ayos ang modus eh,” komento niya. Narinig naman siya ni Michael, ang kanyang kasamahan na kasabay niyang umuwi dahil nakatira rin sa Cavite.

“Paano naman naging modus? Mukha namang hindi nanghihingi ng pera,”

“Sus, eh bakit niya gagawin yan aber? Kung wala naman siyang mapapala. Sanay na ako sa mga ganyan, ginagamit ang kahinaan ng mga tao sa relihiyon para makakuha ng simpatya,” nakangisi pang sabi niya.

Sasagot pa sana ang kanyang officemate nang mapatahimik sila pareho dahil sumigaw ang ale.

“Narito lang ang Diyos! Sa puso at isip natin, hinding hindi siya mawawala! Basta maniwala lang tayo, kahit na gaano kahirap ang buhay ay hindi niya tayo pababayaan!” pangaral nito. Walang masyadong pumapansin sa matandang babae, dinadaan-daanan lang ito ng mga tao.

Ilang sandali pa ay dumating na ang jeep na hinihintay nila, sumakay na ang magkaibigan pero tanaw pa rin ni Brad ang matanda. Naka-baston ang ale na naglakad palayo, katabi nitong maglakad ang binata na anak yata nito, naka-jacket ang lalaki.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Tingnan mo, maski na anak nya ay ikinahihiya ang ginagawa ng matandang iyon. Eh halos magtakip na ng hood ng jacket maitago lang ang mukha eh, parang wala lang choice.” natatawang komento niya.

Napailing na lamang si Michael,”Ikaw talaga. Hindi naman namalimos o? Anak ka dyan. Hayaan mo na nga ang lola, kung ganyan sya magpakita ng pananampalataya niya.”

Hindi na sumagot pa si Brad pero sa isip-isip niya, talaga ba? Siya nga mismo ay hindi naniniwalang may Diyos, kasi kung meron, nasaan na ito? Kung totoo ang mga sinasabi sa simbahan na makapangyarihan raw, kesyo, ayaw na naghihirap ang sanlibutan, bakit may nagugutom? Bakit may nagkakasakit? Nasaan ito?

Kinabukasan ay hindi magkasabay na umuwi sina Michael at Brad dahil nag-overtime pa sa opisina ang huli. Nauna nang umuwi si Michael habang ito si Brad, pag minamalas nga naman ay wala nang dumaraang jeep. Wala na ring masyadong tao sa kinatatayuan niya at mukhang bubuhos pa ang ulan.

“O ano na, Lord, where na you?” pang-aasar niya. Kumulog ng malakas at siyang buhos ng ulan na kay lalaki ng patak.

Sumilong siya sa kapirasong bubong na nakita, mukhang matatagalan pa siya rito. Nagulat na lamang siya nang may magsalita sa kanyang tabi.

“Gabi na, ingat ka sa pag-uwi.”

Nang lingunin niya, hindi ba’t ito ang anak ng ale na laging nangangaral? Hindi niya man makita ang mukha nito ay natatandaan niya naman ang suot nitong jacket.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Oo eh, minamalas ako. Bakit pala hindi mo kasama ang nanay mo? Hindi yata siya nakapagdasal sa Diyos ayan tuloy umulan,” may halong pang-aasar na sabi niya.

“Hindi ko siya nanay.. anak ko siya.”

Napalingon naman si Brad sa kausap, “Pareho pa kayong may toyo! Pare, sa edad niyang iyon ay may tatay pa siya? Adik ka yata eh. Pa-gamot ka sa nanay mo pag may time kayo. Kaysa sa ibang tao siya nagdarasal, unahin niya muna kamo ang anak niya.”

Inaasahan niya nang magagalit ang kausap pero narinig niyang tumawa ito ng pagak, tapos ay hindi niya alam kung saan nagmula pero bigla na lamang itong may iniabot na mahabang payong sa kanya.

“Umuwi ka na. Hinihintay ka na ng pamilya mo. Lagi mong tandaan, na hindi mo man nakikita ang Diyos, hindi ibig sabihin ay hindi na Siya totoo. Lagi siyang nariyan, binabantayan ka at ginagabayan sa mga desisyon mo sa buhay. Sana, isang araw, maniwala ka..anak.”

Inabot ni Brad ang payong pero natulala siya sa mga narinig mula rito, may kung anong hagod ang salita nito na parang dumiretso sa kanyang puso. Nanlaki rin ang mata niya nang mapansin ang palad nitong butas sa bandang gitna.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Tulala pa rin siya, di niya na namalayan kung saan nagpunta ang lalaki. Natauhan lamang siya nang may dumaang jeep.

Kinabukasan ay mag-isa ulit siyang umuwi, bitbit niya pa rin ang payong. Sinadya niyang hanapin ang matanda upang ibalik ang payong ng anak nito.

“Lola..”mahinang tawag niya. Hindi man naririnig nito ang pangungutya niya dati ay nahihiya pa rin siya sa kanyang sarili.

Nagulat pa siya nang sa ibang direksyon tumingin ang ale, “Sinong nariyan? Ano ho ang maitutulong ko?”

Iwinagayway niya ang kanang kamay sa harapan nito pero hindi kumukurap ang matanda,”B-Bulag ho kayo?” gulat na tanong niya.

Nalilito man ay tumango ang ale,”Bakit hijo?”

“Wala naman po lola. Ibabalik ko lang po sana ang payong po ng anak ninyo na ipinahiram niya sa akin kagabi.”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Ang matanda naman ang nagulat ngayon,”Anak? Wala akong anak hijo. Mag-isa lang ako lagi rito, matandang dalaga ako.”

“Kung ganon, sino ho iyong lagi ninyong kasamang maglakad? Kasabay nyo pa ngang tumawid at palaging nakahawak sa inyo? Iyon hong nakajacket na puti na..may butas ang kamay?” sunud-sunod na tanong ni Brad, napakalakas ng tibok ng kanyang puso.

Umiiyak ang ale habang napangiti, “Sabi ko na sa inyo, totoo ang Panginoon. Hindi niya ako pinababayaan.”

Pag- uwi sa bahay ay agad na nagdasal ang lalaki, humingi ng tawad sa kanyang pagdududa. Tila sinagot ng Diyos ang lahat ng kanyang agam-agam.

Hindi na niya muli pang nakita ang lalaking nakaputing jacket pero tiyak ni Brad na iyon ay ang Panginoon. Gaano man kahirap ang buhay ay ipinaalala lamang nito na kailanman ay hindi ito bumitaw sa mga anak, laging nakabantay at nakagabay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!