Naniniwala sa Hula ang Babae kaya Ipinahula Niya Kung Sino ang Nakatadhana Sa Kanya, Laking Panghihinayang Niya nang Makilala Ito

Bata pa lang ay naniniwala na sa hula si Basha. Para sa kanya, nagkakatotoo lahat ng hula sa kanya. Halimbawa ay minsang nagkaroon ng sunog sa kanilang lugar, bago pa man iyon nangyari ay nagpahula siya sa isang matanda sa Quiapo at ang sabi sa hula ay magkakaroon raw ng malaking sunog sa isang lugar sa Maynila. Nagkatotoo nga ang hula.

Nahirapang apulahin ng mga bombero ang apoy sa nagliliyab na bahay na malapit lang sa kanilang tinitirhan, mabuti na lang at nakagawa rin ng paraan ang mga bombero. Kaya simula noon ay malaki na ang tiwala niya sa hula.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Isang araw, dinalaw na naman niya ang suki niyang manghuhula para magpahula.

“Aling Taning, magandang araw po!” bungad niya sa matanda.

“O, Basha napadalaw ka. Magpapahula ka na naman ba?”  

“Opo, may gusto po kasi akong malaman sa hinaharap,” aniya.

“At ano naman iyon hija?”

“Gusto ko pong malaman kung sino ang lalaking nakatadhana sa akin.”

“Aba, iyon lang ba, matutulungan kita hija. Halika at umupo ka,” yaya ng matanda sa harap ng mesa na may mga nakalahad na baraha.

Pinabalasa sa kanya ang mga baraha at pinapili siya ng tatlo. Nang ibaligtad ng matanda ang kanyang mga napili ay tinitigan nito iyon ng mabuti. Napansin ng babae na tila may binabasa ito sa baraha na hindi naman niya mawari. Mayamaya ay sinagot na siya ng manghuhula.

“Napakaganda ng iyong hinaharap, Basha. Nakikita ko na ang lalaking makakatuluyan mo ay narito lang sa paligid. Nakasuot siya ng kulay pulang polo shirt at kulay itim na pantalon. Paglabas mo dito ay tiyak kong magkakasalubong ang inyong landas,” sabi ng manghuhula.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Talaga po, magkikita kami ng aking prince charming?” kinikilig na wika ni Basha.

“Oo, at kapag nakita mo na siya ay huwag mo nang pakakawalan.”

Gaya ng dati ay binayaran niya ng limang daang piso ang matanda. Nagtaas na nga ito ng singil mula sa dalawang daan ay naging limang daan na.

Excited siyang lumabas ng bahay ng manghuhula. Agad siyang naglakad-lakad at pilit na hinanap ang sinabi ni Aling Taning na lalaking naka-pula.

Ngunit isang oras na siyang nagpapaikot-ikot sa buong Quiapo ay wala pa rin siyang nakikita o nakakasalubong man lang.

“Hayyy, nasaan na kaya siya?” aniya at nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga.

Mayamaya ay may dumaan sa harap niya. Isang guwapong lalaki na nakasuot ng kulay pulang polo shirt at naka-itim rin na pantalon.

“Dyusko, nagkatotoo ang hula ni Aling Taning. Dumaan na siya!” tuwang-tuwang sabi ng babae.

Palihim niyang sinundan ang lalaki at humantong sila sa isang Chinese restaurant na kung saan maraming kustomer ang kumakain. Kitang-kita niya nang umupo ito sa isang mesa. Nang makitang bakante ang katabi nitong upuan ay pinakiusapan niya ang lalaki kung maaari siyang tumabi rito.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Hi, may nakaupo ba? Maaari bang makisalo?” aniya.

Nginitian siya ng lalaki.

“Sige lang, miss,” anito.

Sa simpleng pagsasalita pa lang nito ay parang kinuryente na ang babae. Maganda ang boses nito na lalaking-lalaki. Napagmasdan rin niya sa malapitan ang hitsura nito. Moreno ang lalaki na may manipis na bigote sa mukha na bumagay sa maamo nitong mukha.

Nang umorder ng pagkain ang lalaki ay umorder din siya ng sa kanya. Habang kumakain ay hindi pa rin maalis ang tingin ni Basha sa lalaking nakatadhana sa kanya. Nang bigla niyang marinig na tumunog ang cell phone ng lalaki.

“Hello, papunta ka na ba?” tanong nito sa kausap.

“Sino kaya ang kausap ng prince charming ko?” ani Basha na patuloy na nangangarap ng gising.

Nang ibaba ang hawak na cell phone ay napansin siya ng lalaking kaharap.

“Miss, may hinihintay ka rin ba?” anito.

“A, e w-wala naman. Naisipan ko lang na kumain dito. I-ikaw, paborito mo rin bang pumunta dito para kumain?”

“Oo, masasarap kasi ang mga pagkain nila dito, e. At m-magaganda rin ang mga babae dito,” makahulugan nitong wika habang nakatitig sa malayo.

Halos maihi na sa kinauupuan si Basha sa sobrang kilig na nararamdaman. Sa isip niya ay siya ang pinatutungkulan ng lalaki.

“A, e ano naman ang ibig mong sabihin?” sabi niya sa mahinhing boses.

Nang biglang may bumasag sa pag-iilusyon niya dahil sa boses ng babae na kanyang narinig.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Good evening, Hon. Kanina ka pa ba?” wika ng isang magandang babaeng lumapit sa kinaupuan nila at hinalikan sa labi ang guwapong lalaki.

Halos madurog ang puso ni Basha nang malaman na ang babaeng dumating ay ang asawa ng lalaki na nakasuot ng kulay pula. Pinatotohanan iyon nang makita niya ang suot na singsing ng mag-asawa na hindi niya napansin kanina na suot ng lalaki dahil sa wala siyang ginawa kundi titigan ang mukha nito.

“Nakakainis naman si Aling Taning, ngayon pa siya sumablay sa hula niya kung kailan na nahuhulog na ako dito kay pogi!” inis niyang bulong sa sarili.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Ang inakala niyang lalaki na itinadhana sa kanya ay hindi na pala malaya at may asawa na. Kung nagkataon ay magiging kabit pa pala siya kung hindi niya agad nalaman ang totoo. Napagtanto ni Basha na hindi pala lahat ng hula ay nagkakatotoo, ang iba ay gawa-gawa lang at PAASA.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *