Para Makuha ng Tiyuhin at Tiyahin ang Mamanahin ay Pinagtangkaan ng mga Ito ang Buhay ng Kanilang Pamangkin, Wala Silang Kaalam-alam na Babalik Ito para Sila ay Singilin

Disi-siyete anyos noon si Vangie nang maulila sa ang mga magulang dahil sa isang aksidente kaya ang nangalaga sa kanya ay ang kanyang tiyuhin at tiyahin. May malawak na lupain ang kanilang pamilya kaya naman hindi nagdalawang-isip ang dalawa na tumayong pangalawang magulang sa kanya ngunit ang pananatili ng mga ito sa malaki nilang bahay ay naging impyerno para kay Vangie dahil sobra siyang pagmalupitan ng mga nagmagandang loob kuno niyang mga kamag-anak.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Hoy, Vangie, nasaan ka bang babae ka at marami pa akong ipag-uutos sa iyo?!” sigaw ng tiyahin niyang si Cora.

“Naglinis po ako ng bakuran, Tiyang,” aniya habang pawis na pawis na humarap sa galit na tiyahin.

“Kahit kailan ay ang bagal mong kumilos!” anito sabay sabunot sa kanyang buhok at pingot sa magkabilang tainga.

“Tiyang, maawa po kayo masakit po!” pagmamakaawa niya.

“Hindi talaga kita tatantanan hangga’t hindi ka nagtitino. Hala, pasok at tambak pa ang mga gagawin mo dun!” galit na wika ng babae saka siya hinila papasok sa loob ng bahay at pakaladkad na dinala sa kusina.

Maghapon siyang pinagtatrabaho sa sarili niyang bahay. Kadalasan ay hindi rin siya pinapakain ng tiyahin at tiyuhin niya. Kapag may mali siyang nagagawa ay bugbog agad ang abot niya sa tiyuhing si Ismael at ikinukulong pa siya sa bodega. Nagtitiis na lamang si Vangie dahil wala rin naman siyang magagawa at ibang mapupuntahan.

Isang araw ay dumating ang abogado ng kanyang mga magulang sa malaking bahay para ibalita ang tungkol sa kanyang mamanahin.

“Malapit ka nang mag-disi-otso, hija. Kapag tumuntong ka sa edad na iyon ay makukuha mo na ang iyong mamanahin sa iyong yumaong mga magulang,” wika ng abogado.

“Ano naman ang mamanahin ng pamangkin ko?” tanong ni Ismael.

“Mapapasakanya ang bahay na ito at ang buong lupain na nasasakupan ng kanyang ama na si Edgardo. Mapupunta rin sa kanya ang negosyong pinaghirapan ng kanyang mga magulang,” bunyag ng abogado.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Nang malaman nina Cora at Ismael ang tungkol sa mana ay pinagplanuhan nila kung paano sa kanila ito mapupunta. Sinabi ng abogado na mapupunta lang sa iba ang mamanahin ng dalaga kapag ito ay nama*ay. Naisip ng mag-asawa na ipapaslang ang pamangkin para sila ang makakuha ng mana. Di naman sinasadyang narinig ng dalaga ang plano ng dalawa kaya napadesisyunan niyang tumakas. Umalis siya sa malaking bahay at nagpakalayu-layo.

Napadpad si Vangie sa Maynila. Dahil bagong salta lang doon ay hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin kaya nag-isip siya ng paraan para mabuhay sa napuntahang lugar. Dahil nakatuntong naman siya sa high school ay naghanap siya ng trabaho para may ipantawid sa araw-araw. Masuwerte naman siyang nakakita. Natanggap siya bilang waitress sa isang restaurant at kasama na roon ang kanyang matutuluyan. Isang umaga habang nagsisilbi sa mga kustomer ay napansin siya ng isang binata.

“Miss, bago ka dito ‘no?” tanong ng binata na naka-uniporme na pamasok.

“Oo, g-galing ako sa probinsiya at pumunta dito sa Maynila para magtrabaho,” aniya.

“Kaya pala. Ako nga pala si Janus. OJT ako diyan sa katapat niyong gusali. Palagi ako ditong kumakain kaya napansin kita,” anito.

Dahil sa araw-araw na nagkikita ang dalawa ay naging malapit sa isa’t isa sina Vangie at Janus. Hanggang dumating sa punto na pati istorya ng buhay ng dalaga ay ikinuwento sa binata.

“Ganoon nga ang nanyari kaya napilitan akong pumunta dito sa siyudad para takasan ang tiyuhin at tiyahin ko,” sabi niya sa kausap.

“Paano ang mamanahin mo? Wala ka bang planong ipaglaban iyon?” taong ng binata.

“Wala na rin akong habol sa manang iyon, Janus. Dalawampu’t isang taong gulang na ako at siguradong sa kanila na napunta ang mga ipinamana sa akin ng aking mga magulang dahil ang tagal ko nang hindi nagpakita. Baka nga ang alam nila ay wala na ako.”

Nalungkot ang binata sa pinagdaanan ng dalaga. Hindi nito inakala na pagdaraanan ni Vangie ang lahat ng ikinuwento nito. Mas lalong naging malapit ang dalawa hanggang sa mahulog na ng tuluyan ang damdamin nila sa isa’t isa. Sinagot ni Vangie si Janus at sila ay naging magkasintahan. Lumipas ang ilang buwan ay nagyaya na ng kasal ang binata pero bago niya sabihin iyon sa nobya ay siya naman ang may ipagtatapat sa dalaga.

“M-may ipagtatapat ako sa iyo, mahal. Matagal ko ng gustong sabihin ito pero napangungunahan ako ng kaba, e.” nauutal na sabi ng binata.

“Ano naman iyon?” takang tanong ng dalaga.

“Nung nagkakilala tayo sa restaurant ay sinabi kong isa akong OJT sa pinapasukan kong opisina ngunit hindi iyon totoo. Ang totoo ay isa akong abogado sa law firm na katapat ng inyong restaurant. Nagpanggap lang ako noon dahil kapag sinabi ko ang tunay kong pagkatao ay baka mailang kang kausapin ako. Patawarin mo ako, mahal ko,” pagtatapat ni Janus sa nobya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ha? Abogado ka? Kaya pala minsan ay malalim kang magsalita. Bakit hindi mo sinabi sa akin? At bakit naman ako maiilang? Proud nga ako at masuwerte dahil may nobyo akong abogado,” wika ng dalaga.

“Kung gayon ay hindi ka galit?”

“Hindi. Wala akong dapat ikagalit.”

“Ngayon nasabi ko na sa iyo ang totoo, may sasabihin pa ako sa iyo,” anito.

“At ano pa ang sasabihin mo?” nakapamewang na tanong ni Vangie.

“W-will you marry me?” tanong ni binata habang inilahad sa kanyang harapan ang isang mamahaling singsing.

Napaluha si Vangie sa tanong ng nobyo. Hindi niya inakala na gusto na siyang pakasalan ni Janus.

“Ano ba pang isasagot ko, e ‘di YES!” maluha-luhang sabi ni Vangie.

Tuwang-tuwa naman si Janus sa desisyon ng nobya na magpakasal sa kanya. Ipinakilala siya nito sa mga magulang at di nagtagal ay ginanap ang kanilang kasal. Ngayong mag-asawa na sila ay matutupad na ni Janus ang lihim niyang plano para sa asawa.

Isang araw ay kinausap ni Janus ang misis tungkol sa isang bagay.

“Mahal, may sasabihin ako sa iyo,” seryosong wika ng mister.

“Bakit, may problema ba mahal?”

“Pinaimbestigahan ko ang tiyuhin at tiyahin mo. At napag-alaman ko na naghihirap na sila ngayon. Ang lupang ipinamana sa iyo ay kanilang napabayaan. Nalugi rin ang negosyong iniwan sa iyo ng mga magulang mo,” hayag nito.

“Ano? Paano mo nalaman?” gulat na tanong ni Vangie.

“Hindi na iyon mahalaga. Gusto mo bang bawiin ang lupa na nararapat sa iyo? Matutulungan kita, mahal.”

Saglit na ipinikit ni Vangie ang mga mata at nag-isip. Mayamaya ay nabuo ang isang desisyon.

Samantala, may hindi inaasahang bisita naman ang mag-asawang Cora at Ismael.

“Sigurado ka, may gustong bumili ng aming lupain?” takang sabi ni Cora sa isang may edad na lalaking nagsadya sa kanilang bahay.

“Tama po. Nakahandang magbayad ng malaking halaga ang aking kliyente makuha lang niya ang inyong lupain kasama ang malaking bahay na ito,” anito.

“Pumayag ka na, Cora. Tutal ay matagal nang napabayaan ang lupain na iyan ni Edgardo. Tanggapin mo na para magkapera tayo,” sulsol ni Ismael.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Dahil sa malaking halaga ang kapalit ay napilitan ang mag-asawa na ibenta ang kinamkam nilang ari-arian mula kay Vangie. Dumating ang araw kung saan nakahanda nilang makaharap ang taong bumili ng lupain at malaking bahay.

“Magandang araw, ako si Janus Madrigal at ako ang Abogado ng bagong may-ari ng inyong lupain at ng malaking bahay na ito,” pakilala ni Janus sa sarili.

“Ikinagagalak ka naming makilala. So, nasaan na ang nakabili ng aming lupain?” masayang tanong ni Cora.

“Ako. Ako ang bagong may-ari ng inyong lupain at ng bahay na ito!” matigas na wika ni Vangie nang pumasok sa kuwarto kung saan ginaganap ang bayaran.

“I-ikaw? Paanong nangyari na…”

“Opo. Ako si Vangie, ang inyong pamangkin na matapos maulila sa mga magulang ay itinrato niyong parang basahan. Pinagmalupitan at pinagtangkaan pa aking buhay ngunit hindi kayo nagtagumpay. Napasa-inyo man ang manang ipinagkaloob sa akin ng aking namayapang mga magulang ay hindi niyo man lang ito pinahalagahan at sa halip ay pinabayaan niyo lang. Ngayon ay babawiin ko na ang nararapat na sa akin. Mabuti na lang at nakilala ko si Janus, ang aking asawa. Tinulungan niya akong makuha ang lupain at ang bahay na ito na kaisa-isang alaala nina Papa at Mama,” bunyag niya.

Napahiya ang mag-asawa nang malaman na ang kanilang pamangkin na pinagmalupitan noon ay ang nakabili ng lupain at malaking bahay na kanilang tinitirhan. Sa sobrang kahihiyan ay wala ng ibang nasabi pa ang mga ito kundi ang salitang ‘patawad’.

Hindi na nagsampa ng kaso si Vangie laban sa kanyang tiyuhin at tiyahin sa pagtatangka sa kanyang buhay. Hinayaan niya itong umalis sa malaking bahay at nagpakalayo-layo na ang mag-asawa na hindi man lang tinanggap ang perang pinagbilhan ng bahat at lupa.

“Salamat, Janus sa lahat ng ginawa mo sa akin. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa iyo,” sabi ni Vangie sa asawa.

“Isang halik lang sa labi ay sapat na mahal ko,” wika ng mister.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ikaw talaga, pilyo ka!” kinikilig sa sabi ni Vangie sabay halik sa labi ang asawa.

Nang mabawi ni Vangie ang lupain ng kanyang mga magulang at ang malaking bahay ay napagdesisyunan nilang mag-asawa na doon na manirahan at palaguing muli ang lupain na matagal na pinabayaan ng kanyang tiyuhin at tiyahin. Ngayon na naibalik na ito sa kanya ay nakahanda siyang gawin ang lahat para maibalik sa dati ang lupaing bunga ng dugo at pawis ng kanyang mga magulang  at sa tulong na rin ng kanyang pinakamamahal na asawang si Janus.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!