Itinuring Siyang Parang Alipin ng Kanyang Madrasta, Tatlong Pirasong Papel ang Nakapagpabago sa Buhay ng Kawawang Dalaga

Maagang sumakabilang buhay ang ina ni Amy kaya naman nag asawa ng iba ang kanyang ama na si Danilo. Kahit na nagkaroon na ng ibang pamilya si Danilo ay hindi pa rin nagbago ang pagmamahal at pag-aalaga nito sa anak na siyang ikinaselos ng bago nitong kinakasama na si Maybel.

“Papa, may pasok na po ako bukas. Grade 10 na po ako. Sisiguraduhin ko pong nasa top ulit ako para sa inyo,” sabi ni Amy sa ama.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Alam kong hindi ka mahihirapan manguna sa eskwela dahil alam kong sa pag-aaral ka talaga nakatutok ngayon. Hindi talaga ako nagkamali sa pagpapalaki sa iyo,” sagot naman nito.

Habang nag-uusap naman sila ay biglang sumabat si Maybel para ipagmayabang ang kanyang anak.

“Danilo, bigyang pansin mo rin itong anak mo. Magkaklase na sila ni Amy kaya mahihirapan na ‘yang anak mo na mag top 1,” pagmamayabang ni Maybel sa anak.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Oo naman. Alam kong kaya mo rin mag top 1, Bela. Kung pwede lang na pareho kayong top 1, sigurado akong magiging masaya yun. Pero gusto kong malaman niyo na nasa top kayo o wala, basta binibigay niyo yung makakaya niyo sa pag-aaral ay masayang-masaya na ako,” nakangiting sagot ni Danilo sa dalawang bata.

Pagkatapos ng kanilang usapan ay patampong umalis si Maybel dala dala ang kanyang ang kanyang anak. Makalipas ang maraming taon ay nakapagtapos na ng pag-aaral si Amy at nagtatrabaho na bilang Field Engineer sa isang sikat na contractor’s company. Samantala, ang kapatid naman nito na si Bela ay hindi pinalad makapagtapos dahil maaga itong nabuntis ng kanyang nobyo.

Habang nasa kusina sila at kumakain ng hapunan ay bigla na lamang natumba mula sa kinauupuan si Danilo.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Pa!” sabay na sigaw ng magkapatid. Bigla naman tumayo at pinuntahan ni Amy ang kanyang ama para tingnan kung anong nangyayari sa kanya.

“Pa, ano pong nangyayari sa inyo?!” naiiyak na sigaw ni Amy habang niyuyugyog ang ama. Si Bela naman ay tumayo upang tumawag ng ambulansya. Pagkarating ng ambulansya ay agad na naidala si Danilo sa ospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay, siya ay inatake sa puso dulot ng maliit na butas simula pa lang nung ipinanganak ito.

Pagkatapos ng libing ni Danilo, tila ba nag-astang reyna si Maybel sa kanilang tahanan. Itinuring niyang katulong si Amy at inutusan ng kung ano ano para sa gawaing bahay.

“Pagkatapos mong magluto ay ipaghain mo na rin kami dahil nagugutom na kami ng anak at ng apo ko,” mataray na utos ni Maybel.

“Opo, tita. May kailangan po pala akong puntahan mamaya. Pinapatawag po ako ng boss ko sa trabaho,” magalang na sagot ni Amy.

“Sinong nagsabing pwede kang umalis? Hindi ka aalis, dito ka lang at maglinis ka ng bahay! Ito na nga lang ang silbi mo tapos aalis ka pa? Isa pa, aalis kami kaya walang tatao rito,” galit na sabi ni Maybel sa dalaga.

“Sige po. Magsasabi na lang po ako sa boss ko para po payagan ako na hindi muna pumasok sa trabaho,” mahinahon na sagot nito.

Agad namang umalis sina Maybel, Bela at ang anak nito para pumunta sa mall. Habang naiwan naman mag-isa si Amy sa bahay ay wala itong ginawa kundi maglinis ng bahay. Subalit, habang naglilinis ito ay napansin niya ang tatlong pirasong papel na nakatago sa damitan ng kanyang madrasta. Nagulat ito sa kanyang nabasa kung kaya’t agad niyang itinago ang mga papeles na kanyang nahalungkat.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Pagkauwi nila Maybel ay agad na naman itong nag-utos kay Amy ng kung ano-ano.

“Amy, ipagpainit mo nga ako ng tubig! Maliligo ako. Itiklop mo na rin yung mga damit na sinampay mo,” sabi nito kay Amy.

“Pakilagay na rin sa ref nitong mga pagkain para may kakainin pa ako mamaya ‘pag nagutom ako,” sabat naman ni Bela.

“Tama na! Tumigil na kayo! Hindi na ako makikinig sa inyo. Umalis kayo sa pamamahay ko,” nanggigigil na sagot ni Amy sa dalawa. Nagulat naman ang dalawa dahil ngayon lang nila nakitang galit ang dalaga.

“A- anong pinagsasasabi mo? Sumasagot ka na?!” mautal-utal na tanong ni Maybel kay Amy. Pagkatapos nito ay isinampal ni Amy ang mga papel na nakuha niya sa mukha ni Maybel.

“Ang lakas ng mga loob niyong gawin akong katulong dito? Ilang taon kong tiniis ang mga pagpapahirap ninyo sa akin. Minahal ka ng papa ko, at sinubukan kong mahalin ka rin. Pero paano ko gagawin iyon kung simula’t sapul ay basura ang trato mo sa akin?” sigaw ni Amy habang gulat na gulat namang nakikinig si Maybel.

“Ngayon, pagsisisihan niyong lahat ang ginawa ninyo. Talagang itinago mo pa sa akin, ‘no? Akala mo hindi lalabas ang katotohanan?” sagot ni Amy.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Laman ng tatlong pirasong papel ang Last Will and Testament ng kanyang ama na nagsasabing lahat ng ari-arian nito ay mapupuntang lahat sa kanyang anak na si Amy. Isang sulat din ang nakapaloob sa isang malaking envelope na kasama ng mga papeles.

“Anak, mahal na mahal kita. Patawarin mo ako kung maaga kitang iiwang mag-isa sa buhay. Alam kong hindi maganda ang pakikitungo sa iyo ng Tita Maybel mo. Kaya naman sa iyo ko ipapangalan at ipapamana ang lahat ng aking mga ari-arian. Dahil wala na ako sa mundong ibabaw upang ipagtanggol ka, maging malaya ka sa pagpapaalis sa kanila kung sa tingin mo’y sobra na ang ginagawa nila. Nawa’y mabuhay ka ng masaya at masagana. Nagmamahal, Papa.”

Habang umaagos ang luha ni Amy,

“Lumayas kayo ngayon sa pamamahay ko,” sigaw niya sa kanyang madrasta at sa anak at apo nito.

Walang nagawa ang tatlo kundi ang umalis sa bahay gawa ng utos ni Amy. Lumipas na lamang ang ilan pang taon at nabalitaan na lamang ni Amy na ibang biyudo naman ang pinuputakte ng mag-iina.

At tulad ng sabi ng kanyang ama, namuhay ng masaya at masagana si Amy. Tuwing gabi rin ay ipinagdarasal niya ang kanyang ama’t ina, at upang balitaan ito ng mga magagandang bagay na nangyayari sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!