Pinakasalan ng Mayamang Dalaga ang Mister Kahit Mahirap Pa Ito sa Daga, Lolokohin Lang Pala Siya ng Lalaki

Nanginginig si Diana, kung hindi lang hinigpitan ng nobyo niyang si Arman ang pagkakahawak sa kanyang kamay ay baka nahimatay na siya sa halu-halong emosyon na nararamdaman.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Ano? Gaga ka talaga ano?! Pinag-aral ka namin sa magandang eskwelahan, tapos ay sasama ka sa lalaking iyan?!” galit na wika ng kanyang ama.

“Sir, mahal ko po si Diana. Gagawin ko po ang lahat para-“

“Hindi kita kinakausap!” bulyaw nito kay Arman, napatungo naman ang binata.

“Daddy, wag mo naman po sanang sigawan si Arman. Magiging asawa ko na po siya kaya sana po kahit na kaunti ay i-respeto ninyo siya.” matatag na sabi niya.

Napahawak sa sentido ang kanyang ina, “Buntis ka ba? Bakit kasal agad?”

“H-Hindi po siya buntis, maniwala man po kayo o hindi ay malinis po ang hangarin ko sa inyong anak. Gusto lang po talaga naming magpakasal.”

“At saan mo ititira yan ha? Alam mo bang real estate ang business namin ng mom niya, tapos ano, mangungupahan kayo? Hah! Sanay yan na maraming bahay!” pangmamaliit ng kanyang ama.

Hindi na nakatiis pa si Diana, “Sa ayaw at sa gusto po ninyo ay sasama ako kay Arman. Hindi dahil sa pera, kundi dahil mahal ko po siya.”

“Pagsisisihan mo ito, Diana.” huling narinig ng babae bago niya patakbong hinila sa labas ang kanyang nobyo.

Napabuntong hininga ang babae, isang taon na ang nakalipas mula nang mangyari iyon. Nagpakasal na sila ni Arman, tama ang kanyang mga magulang na mahirap nga ang buhay pero hindi niya naman iyon iniinda dahil katuwang niya naman ang mabait niyang mister.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Ito ang nagtatrabaho habang siya ay taong bahay lamang, may nakuha silang murang apartment. Ayos na muna ito tutal ay wala pa naman silang anak.

Ipinagpatuloy niya na ang pagsampay sa mga damit. Tapos noon ay nagluto na siya ng hapunan, ilang minuto pa ay dumating na ang kanyang mister.

“Kumusta ang araw mo?” masayang sabi niya habang kasalo ito ng hapunan.

“Okay lang..pagod. Nga pala mahal, simula bukas hanggang sa isang Linggo OT ako ha? Wag mo na akong hihintayin at gagabihin ako ng uwi,” paalam ng lalaki.

Hindi na nag-usisa pa si Diana dahil mukhang pagod ang kanyang mister.

Ilang araw ang lumipas ay palaging masakit ang ulo ni Arman tuwing umuuwi. Hindi na ito masyadong nakakakwentuhan ni Diana.

“Oo, hindi pwede. Nandito si misis,” narinig ni Diana isang madaling araw. Kinapa niya kasi sa higaan ang kanyang mister pero wala ito, lumabas siya ng kwarto at iyon ang naabutan niya.

Ayaw niyang maghinala pero ang mga aksyon ng kanyang asawa ay nagpapakaba na sa kanya. Palagi itong may kausap sa cellphone at kapag pasimple niyang tatanungin ay mabilis nitong iibahin ang usapan.

“Sino yan?” di napigilang tanong ng babae.

“H-Hon! Bakit gising ka? Ah, si pare lang.” sabi nito at ipinakita pa ang cellphone, nakasulat nga na ‘Pare’ ang kausap nito. Tumango si Diana pero di nawala ang agam-agam niya.

Isang araw ay maagang umalis si Arman sa bahay nila, nalimutan ng lalaki ang cellphone nito. Narinig ni Diana na tumunog iyon, parang may nag-text.

Hindi niya muna pinansin pero nang sunud-sunod na ang pasok ng mensahe ay di niya na natiis. Dinampot niya na ang cellphone.

‘Pare’ na naman ang nagtext, pero base sa mga messages ay iba ang kutob niya. Binuksan niya ang una.

Nsa bahay kapa?

Baka mabasa ni Diana.

Di pala ako pwede mmya, meron akong alam mo na.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Nahawakan ng babae ang dibdib niya, di niya akalaing magagawa ito ni Arman. Isa lang naman ang ibig sabihin ng text, di makikipagkita ang kerida nito dahil may regla. At kunwari pang ‘pare’ para hindi niya mahalata! Sino’ng magkumpare ang magtatawagan ng madaling araw, aber?

Tinabla niya ang lahat para rito, magulang niya, mga kaibigan, magandang buhay- tapos ay lolokohin lang pala siya.

Nanginginig pa rin siya nang marinig niyang bumukas ang pinto, pilit niyang pinakalma ang sarili. Hindi maaaring mahalata ng mister na may alam na siya.

“Hon, naiwan ko ang..cellphone ko.” sabi nito, medyo natigilan nang makitang hawak na niya iyon.

“O, ingat ka ha.” patay malisyang sabi niya at iniabot na iyon sa lalaki.

“M-May nabasa ka ba?” tila nananantyang sabi nito.

Umiling siya, “Babasahin ko palang sana kasi may nag-text, pero dumating ka naman.”

“Sige alis na muna ako.” tila nakahinga nang maluwag na sabi nito, hinalikan siya sa noo.

Desidido na si Diana, noong araw ring iyon ay nag-empake siya. Lulunukin niya na ang pride at babalik sa kanyang mga magulang, marahil ay tama ang mga ito. Isang malaking pagkakamali ang pagpili niya sa lalaki.

Lulugo-lugong kumatok siya sa pintuan ng kanilang malaking bahay, ayaw niya nang kausapin pa ang mister dahil baka magpakatanga pa siya at magbago ang isip kapag nakiusap ito.

“Diana!” masayang sabi ng mommy niya nang makita siya.

“Mom,” malungkot niya namang sagot, niyakap siya ng ginang.

“B-Bakit bitbit mo ang mga gamit mo? Tena sa loob, may kausap ang daddy mo sa kwarto. Pero mamaya rin ay matatapos na.”

Umiiyak na napaupo siya sa malaking sofa.

“Mommy, nagkamali ako. Tama kayo ni daddy, pagsisisihan ko ang desisyon ko!” sabi niya, sabay hagulgol.

Inaasahan niya na ang mga sasabihin nito, tulad ng ‘sinabihan ka na namin’ o di kaya naman ay, ‘ayan kasi, matigas ang ulo’ pero tahimik lang ang ginang.

“Hindi mo ba gustong kausapin muna si Arman?”

Gulat na napatingin siya sa ginang, hindi ba dapat ay nagdiriwang pa ito na hihiwalayan niya na ang mister dahil una palang naman ay hindi na boto ang mga ito sa lalaki?

Bago pa siya nakapagsalita ay may mga yabag na siyang narinig na bumababa sa kanilang hagdan. Naroon ang kanyang daddy, pero ang di niya inaasahang kasunod nito ay walang iba kundi ang kanyang mister.

Si Arman.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Hon!” gulat na sabi ng lalaki, lalong nanlaki ang mata nang makita ang mga gamit na bitbit niya.

Naguluhan namang bigla si Diana, “Ano’ng ginagawa mo rito?” sabay pa nilang tanong sa isa’t isa.

Naunang nakabawi ang babae, taas noo siyang nagsalita.

“Bahay namin ito. Ikaw kamo, ano ang ginagawa mo rito? Hindi ba dapat naroon ka sa.. babae mo.” humina ang boses niya nang sabihin ang huling salita, ang sakit sakit.

“Babae? May babae ako?” gulat na tanong ni Arman.

“Wag mo akong tangahin sa harap ng magulang ko! Ilang araw kang OT kuno sa trabaho, laging may kausap tuwing madaling araw at ang text kanina ng kunwari mong ‘pare’, hindi raw siya pwede dahil meron siya! Naantala ang panloloko nyo dahil nireregla ang kerida mo! Kaya uunahan na kita, isoli mo na lang ako sa magulang ko kaysa lokohin mo ako!” umiiyak na sabi niya.

Hindi niya alam pero nadagdagan ang inis niya nang humagikgik ang kanyang ina, habang ang kanyang ama naman ay parang pinipigil ang matawa.

“Mom, Dad, ano ito? Wag nyong sabihin sa akin na kinakampihan ninyo ang lalaking iyan?”

Bago pa nakasagot ang dalawang matanda ay may tinawagan na ang kanyang mister, naka-loudspeaker pa iyon upang marinig niya.

“Hello, PARE?” sabi ni Arman, diniinan pa ang salita upang mas marinig niya,”PARE? Bakit nga ba hindi ka pwede sabi mo kanina? Meron ka kamo?”

Kakaba-kabang naghihintay si Diana ng sagot. Boses lalaki ang nagsalita!

“Oo pare, hindi ako pwede kasi may ginagawa rin akong bahay, naka-kontrata na. Sabi mo diba wag kong sasabihin ng buo dahil baka mabasa ni mareng Diana?”

Ilang minuto lang ay natapos na ang tawag. Gulong-gulo pa rin ang babae, hinawakan ng kanyang mister ang kamay niya.

“Honey, si pareng Bogart ay ang nakausap kong mangongontrata sana dahil magaling siyang gumawa ng bahay. Pero hindi nga kasi siya pwede.”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Ano ba ang nangyayari? Bakit mo siya kakausapin tungkol sa paggawa ng bahay? At bakit narito ka sa bahay ng mga magulang ko?” tanong niya.

Sa pagkakataong iyon ay daddy niya na ang sumagot,”Una sa lahat anak, gusto kong humingi ng tawad. Nagkamali ako.. kami ng mommy mo. Isang buwan matapos kayong ikasal ay bumalik rito si Arman, nakiusap na bibili siya ng bahay kahit na maliit lang. Uunti-untiin niya ang bayad. Noong una ay pinagtawanan ko siya pero pinatunayan niya ang kanyang sarili, na gusto ka talaga niyang bigyan ng magandang buhay kaya napalapit na siya sa amin ng mommy mo.

Gusto na nga naming ibigay ng libre ang bahay pero ayaw niya, gusto niyang pinaghirapan. Kaya doble ang trabaho niya, walang buwan na pumalya siya ng bayad. Ngayon nga ay natapos niya na ang downpayment kaya maaari nang galawin ang bahay na kinuha niya para sa inyo. Kaya naghahanap na siya ng gagawa noon, maglalagay ng partition, tiles, kisame at magkakabit ng kuryente.” paliwanag ng matanda.

Di makapaniwalang napalingon siya sa mister.

“Hinding-hindi ako mambababae dahil mahal na mahal kita.” madamdaming sabi ni Arman.

Hilam sa luha ang mga mata ni Diana na niyakap ang mister,”Sorry. Sorry sa hinala ko..uwi na tayo?”

Nagkatawanan na lamang ang mag-asawa, bago sila lumabas ng pinto ay tinawag silang muli ng mga magulang ng babae.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Anak, binabawi namin ang sinabi namin noon. Tama ka sa pagpili kay Arman. Wala na kaming mahihiling pa sa aming manugang. Arman..anak, patawad sa mga nasabi namin ng daddy mo.” sabi ng mommy ni Diana.

Masayang tumango ang mag-asawa. Mula noon ay lalong minahal ni Diana ang kanyang mister. Nakalipat na sila ng bahay, blessing pa na natuklasan nilang buntis na ang babae.

Lalong tumibay ang kanilang pagmamahalan dahil tamang-tama ang timpla noon ng respeto, pag-ibig, pagkakaibigan at tiwala sa isa’t isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!