Nalasing ang Dalaga at Di Sinasadyang Maamin na Lihim Niyang Iniibig ang Bestfriend, Kakaiba ang Naging Reaksyon ng Binata

Matalik na makaibigan sina Lenard at Sophia. Magkaibigan din ang kanilang mga magulang kaya kahit anong oras ay puwede silang pumunta sa bahay ng isa’t isa.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Hoy, gising na, tapos nang tumilaok ang manok di ka pa rin bumabangon diyan!” sigaw ni Lenard sa kaibigan.

“Buwisit kang lalaki ka! Huwag kang istorbo sa pagtulog ko, maaga pa nambubulahaw ka na!” inis na sabi ni Sophia.

“Maaga ka diyan, malapit na pong mananghalian mahal na prinsesa!Baka nakakalimutan mo, may pasok tayo!” bulyaw ng binata.

Napabangon na rin ang dalaga sa inis.

“Heto na po babangon na!” anito at padabog na bumangon sa kama.

Paglabas ng kuwarto ay sandaling humigop ng kape ang dalaga saka naligo ng kaunting oras. Pagkatapos ay mabilis na nagbihis. Paglabas niya ng bahay ay nakaabang na agad si Lenard sa kanya.

“Ano best tara na?” yaya ng binata.

Akmang sasakay na sa motor si Sophia ay agad siyang sinaway ng kaibigan.

“Teka, teka, sandali!” pigil ni Lenard at tiningnan mula ulo hanggang paa ang dalaga.

“Bakit, anong problema sa suot ko? Disente naman ha!” taka nitong sabi.

“Tingnan mo nga ang sarili mo. Naka-mini-shirt ka, tapos fitted blouse na halos lumuwa na ang dibdib mo! Magpalit ka nga!” inis na sagot ng binata.

“Kainis ka naman, e! Nagmamadali na nga akong magbihis tapos papapalitan mo lang ang suot ko? Hindi!”

“Eskwelahan ang pupuntahan natin at hindi party, okay? Kaya magpalit ka na! Bilisan mo!”

Sa sobrang inis ay padabog na naglakad pabalik sa loob ng bahay si Sophia at nagpalit ng damit.

Habang nasa eskwelahan ay walang kibuan ang dalawa ngunit hindi nakatiis si Lenard at kinausap ang dalaga.

“Galit ka ba sa akin?” tanong niya rito.

“Sino ba naman ang hindi magagalit sa ginawa mo kanina, aber?” pabalik nitong tanong sa kanya.

“Sorry na, kasi alam mo naman na concerned lang ako sa iyo, ayaw ko na nababastos ka.”

“Oo na, sige na. Tapos ka na mag-explain? At mag-aaral pa ako sa library,” sabi ni Sophia sa kaibigan at tumalikod na pero napansin niya na hindi pa rin umaalis ang binata kaya naman binalikan niya ito.

“E, bakit hindi ka pa umaalis diyan?”

“Hindi ako aalis dito, kasi galit ka pa rin, e!” sagot nito.

“H-hindi na. Okay na nga. Alam ko naman na concerned ka lang sa akin, e,” wika niya rito.

“Totoo ba iyan, hindi ka na galit ha?” paninigurado pa nito.

“Ang kulit mo naman. Sinabing hindi na.”

“Sige, patunayan mo na hindi ka na galit sa akin!”

Lumapit si Sophia kay Lenard at binigyan ito ng mabilis na halik sa pisngi.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“O, ayan ayos na ba iyan?” tanong niya sa binata.

“Parang hindi ako kumbinsido, isa pa nga,” nakakalokong biro ni Lenard.

“G*go ka talaga!” aniya sabay suntok sa dibdib ng kaibigan.

“Ikaw naman naglalambing lang sa iyo, e. Hindi mo pa mapagbigyan.”

“Tigil-tigilan mo ako, Lenard!”

“Oo na po, sungit!” natatawa nitong sabi.

Habang naglalakad pauwi ang magkaibigan ay si Sophia naman ang humirit.

“Alam mo sa tingin ko, kapag nagkaroon ka ng girlfriend, sasakit ang ulo sa iyo,” aniya.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” tanong ng binata.

“Kasi sa akin pa lang na bestfriend mo, e sobrang higpit mo na. What more kung girlfriend mo na diba?”

“Alam mo, kapag nagka-girlfriend ako, araw-araw ko siyang itatratong parang prinsesa,” mayabang na sagot ni Lenard.

“E di wow!” tanging nasabi niya habang pilit ang pagngiti.

“O, e bakit ganyan ang hitsura mo?” tanong ng binata nang mapansin ang mukha ni Sophia.

“W-wala lang. Naisip ko lang na kapag nagka-girlfriend ka na siyempre lahat ng atensyon mo nasa kanya na, balewala na ako sa iyo,” malungkot niyang sagot.

“Uy, ito naman nalungkot agad. Kung may magugustuhan naman ako ay ikaw ang unang-una kong pagsasabihan,” anito.

“Pangako?”

“Pangako! Dapat ikaw din ha, kapag may nanligaw sa iyo ay ako dapat ang unang makakaalam,” pahabol nitong sabi.

Tumango lang si Sophia sa kausap.

Isang araw habang naglalakad papunta sa canteen ay nakita niya ang kaibigang si Lenard na may kasamang babae. Naka-akbay pa ang kanyang bestfriend sa magandang babaeng kausap nito. Bigla siyang nakaramdam ng lungkot sa tagpong iyon. Para bang may kung anong kumurot sa kanyang puso.

Kinagabihan ay dinalaw siya nito sa kanilang bahay.

“Hi best! May dala akong burger. Tara at pagsaluhan natin! Maghapon kitang hindi nakita, a. Masyado ka yatang busy. Nami-miss kita kapag hindi tayo nagkikita, e,” wika ni Lenard.

“Talaga lang ha. Nami-miss mo ako, pero hindi mo man lang ako magawang tawagan o i-text man lang,” pabalang na sagot ni Sophia.

“Pasensya ka na, best. Busy lang talaga ako.”

Nagpanting ang tainga ng dalaga sa sinabing iyon ni Lenard.

“Busy saan? Sa girlfriend mo?” sarkastikong tanong niya rito.

“Ha?” taka nitong tanong na nakakunot ang noo.

“Huwag ka ng magmaang-maangan pa. Nakita kita kanina na may kasamang babae,” bunyag niya sa kaibigan.

“A, si Arrianne? Kaibigan ko lang iyon. Bakit hindi ka lumapit para naipakilala kita sa kanya,” tanong nito sa kanya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Para ano pa?” aniya sa nagtatampong tono.

“Teka nga, ano ba ang problema mo? Nagseselos ka ba?”

Napakagat-labi si Sophia sa sinabi ng binata.

“H-hindi a! A-ano naman ang karapatan kong magselos aber? M-mag-bestfriend lang naman tayo di ba?”nauutal niyang sabi.

“O-oo na naman. Mag-bestfriend lang tayo. Hayaan mo, ipapakilala ko siya sa iyo,” tanging nasabi ni Lenard.

Sabado ng gabi ay nagkayayaan ang iba pa nilang kaibigan na magpunta sa bar. Isinama ni Lenard ang kaibigang si Arriane. Buong gabing hindi pinansin ng dalaga ang kanyang bestfriend. Uminom ito nang uminom ng alak para maitago ang inis na nararamdaman pagkatapos ay nakipagsayawan sa mga lalaki nilang kaibigan na nakainom na rin.

Napansin ni Lenard ang ginawang iyon ni Sophia at halatang nainis ang binata kaya nagpagpasyahan nitong umuwi na. Inihatid muna nito si Arriane sa sakayan bago binalikan sa loob ng bar si Sophia saka pagalit na hinila palabas. Pilit naman itong kumakalas sa pagkakahawak niya.

“Puwede ba bitiwan mo ako, nasasaktan ako!” sigaw ni Sophia.

“Ano ba ang problema mo? Bakit ka ba nagkakaganyan?” diretsahang tanong ni Lenard sa dalaga.

“Ano bang pakialam mo sa akin, bestfriend mo lang ako di ba? Bumalik ka na sa babae mo, baka sabihin niya iniistorbo ko pa kayo!” bulyaw nito.

“Sophia, please stop it!” sigaw ng binata habang hinahaplos ang noo.

“Ang hirap kasi sa iyo, napaka-manhid mo!” wika ng dalaga.

“A-ano ang ibig mong sabihin?”

“Hindi mo pa rin ba maintindihan? Mahal kita, Lenard. Mahal na mahal kita! Kahit anong pigil ko sa sarili ko na huwag kang gustuhin dahil bestfriend lang ang turing mo sa akin, ikaw pa rin ang isinisigaw nitong puso ko. Kahit ilang beses ko isaksak sa isip ko na talagang imposibleng maging TAYO, wala, e ikaw pa rin ang nandito at patuloy na nagsusumiksik dito,” bunyag ni Sophia habang itinuturo ang dibdib nito.

“T-totoo ba ang narinig ko? Mahal mo ako?” di makapaniwalang tanong ni Lenard.

Hindi namalayan ni Sophia na nawalan na pala siya ng malay dahil sa sobrang kalasingan.

Alas-diyes na ng umaga nang magising si Sophia. Napansin niya na nakahiga siya sa kanyang kama.

“S-sino ang nag-uwi sa akin dito?” takang tanong sa sarili.

“Magandang umaga!” bati sa kanya ng isang pamilyar na boses.

“L-Lenard?” gulat niyang sabi nang makita ang binata na pumasok sa kanyang kuwarto.

“I-ikaw ba ang naghatid sa akin pauwi?” aniya.

“Sino pa ba? At may nalaman ako,” natatawang wika ng binata.

Napakunot ang noo ni Sophia.

“At ano naman ang nalaman mo?” tanong niya sa nagtataray na tono.

“Nalaman ko na mahal mo ako,” bunyag nito.

“P-paano mong nalaman?”

“Hindi mo ba natatandaan na sa sobrang kalasingan mo ay ipinagtapat mo iyon sa akin kagabi, inamin mo sa akin na mahal na mahal mo ako, na ako lang ang nariyan sa puso mo.”

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Pinamulahan ng pisngi si Sophia. Bigla niyang naalala na ang nangyari nang nagdaang gabi. Bumalik sa alaala niya ang ginawang pagtatapat sa binata.

“Aminin mo na! Bistado ka na, e!” nang-iinis nitong sabi.

“Oo na. Totoo ang sinabi ko. Mahal kita, ano masaya ka na?!” sigaw ni Sophia.

“Sabi na nga ba. Kaya pala pinagseselosan mo si Arriane, e. Wala kang dapat ipag-alala, dahil kaibigan ko lang siya. May nagmamay-ari na rin kasi ng puso ko, e.” pagtatapat ni Lenard.

Nagulat ang dalaga sa ipinagtapat ng kaibigan.

“S-sino?”

“Ay sus, ang hina mo naman. Halika nga rito!” anito sabay hila kay Sophia patayo sa kama. Sinimulan nitong halikan siya sa noo, sa ilong, magkabilang pisngi pati na rin sa labi.

“Aba, sobra ka na ah. Abusado ka na!” singhal ng dalaga sabay hampas sa binata.

“Bakit mo ako hinampas? Iyon ang nararamdaman ko sa iyo, Sophia. Mahal din kita. Matagal na. Hindi ko lang ipinapahalata dahil ang akala ko rin noon ay bestfriend lang ang turing mo sa akin. I love you too!”

Napaluha si Sophia nang sabihin ni Lenard na mahal din siya nito. Agad naman iyong pinahid ng binata.

“Tahan na. Ayokong nakikitang umiiyak ang mahal ko,” bulong nito sa kanya.

“I love you so much, Lenard. S-Sigurado kang mahal mo ako ha?” aniya.

“Tinatanong pa ba iyan?” sagot nito saka siniil siyang muli ng halik sa mga labi. Mas matagal at puno ng pananabik. Matapos ay nagkangitian sila at mahigpit na nagyakap.

“I love you..my bestfriend.” sabay nilang wika sa isa’t isa.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Ang pag-ibig nga naman, gaano man itago ay lalabas at lalabas pa rin. Sadya talagang makapangyarihan at mahiwaga.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!