Nawalan ng Gana ang Babae nang Magsimulang Mapanot si Mister, Maibabalik Pa Kaya ang Dati Nilang Pagmamahalan?

Nakilala ni Racquel si Anton maraming taon na ang nakakalipas nang minsang magbakasyon siya sa isang beach kasama ang kanyang mga kaibigan. Sa unang sulyap pa lamang ay agad nang napaibig ang dalaga sa binata.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Paano ba nama’y bukod sa matangkad nitong pangangatawan, 6-pack abs, at gwapong mukha, gustong gusto ni Racquel ang mahaba at malago nitong buhok.

Ilang taon matapos ang kanilang unang pagtatagpo ay ikinasal na ang dalawa. Hindi naman maikubli ng dalawa ang saya dahil bukod sa pisikal na atraksyon ay tila ba “match” sila sa isa’t isa at itinadhana dahil karamihan sa hilig ng babae ay hilig din ng lalaki.

Sa kabila ng halos anim na taon nilang pagsasama, parang sinaksak sa puso si Anton nang minsang maulinigan niya ang kanyang asawa habang kausap nito ang kanyang kaibigan.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Mars! Si Anton, napapanot na ah?” wika ni Jasmine, kaibigan ng kanyang misis.

“Sinabi mo pa! Diyos ko! Ilang taon pa lang siya? Alam ko normal sa lalaki ang napapanot kapag nagkakaedad na. Pero mars, wala pang kwarenta si Anton pero paubos na ang buhok niya!” tila ba nandidiring sabi ni Racquel sa kaibigan.

Malakas na nagtawanan ang dalawa, na labis namang ikinabahala ni Anton. Narinig niya rin kasing nawawalan na raw ang gana ang kanyang misis sa tuwing nakikitang unti-unting nauubos ang buhok sa tuktok ng kanyang ulo. Kaya naman agad ding pumunta si Anton sa CR upang tingnan ang lagay ng kanyang buhok, saka lang niya napansin na tunay ngang unti-unti na itong nawawala.

Lumipas ang mga araw at ramdam na ramdam na ni Anton ang panlalamig ng kanyang asawa. Kaya naman tulad ng dati, minabuti niyang kausapin na ito upang magkalinawan na sila.

“Racquel, mahal, may problema ba tayo?”

“Ha? Wala naman. Bakit?”

“Narinig ko kasi ang usapan niyo ni Jasmine noong nakaraang araw. Ayaw mo na ba sa akin? Dahil napapanot na ako?” hiyang-hiyang tanong ni Anton.

“Oo! Alam kong hindi mo kasalanan, Anton! Pero hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lamang nag-iba ang pagtingin ko sa’yo!” hiyaw ni Racquel sa asawa.

Habang patuloy itong nagsisisigaw ng kanyang mga hinaing, bigla na lamang siyang napahawak sa kanyang dibdib.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Oh, mahal, bakit?! Anong nangyayari sa’yo?” nag-aalalang tanong ni Anton.

“Ang dibdib ko, sobrang kirot! Aray!”

Agad isinugod sa ospital si Racquel. Ilang oras matapos ang pagsusuring mga doktor, napag-alamang may malaking tumor pala sa kaliwang dibdib ang babae at kinakailangan ang agarang operasyon at pagtanggal nito upang mapigilan ang paglaganap ng tumor.

“Mahal, huwag kang mabibigla, pero kailangan nating ipatanggal ang kaliwang suso mo upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa iyong katawan,” balita ni Anton sa asawa.

Katunayan ay wala namang magagawa pa si Racquel. Ang tanging paraan upang mapigilan ang sakit ay ang pagtatanggal ng kanyang dibdib. Kaya naman sa araw na ring iyon ay isinagawa ang operasyon.

Isang buwan matapos ang operasyon, minabuti ni Racquel na kausapin ang kanyang asawa.

“Anton? Mahal mo pa rin ba ako kahit kulang na ako?” tanong ni Racquel sa asawa.

“Ha? Ano ka ba? Kahit ano pang tanggalin sa’yo, hinding-hindi mababawasan ang pagmamahal ko,” sagot nito.

At bigla na lamang napahagulgol ang babae.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Patawarin mo ako. Naging napakababaw ko. Siguro ay dahil na rin iyon sa pang-aasar ng ilan pa sa mga kaibigan ko. Pero maniwala ka, Anton. Mahal na mahal kita. At gusto kong malaman mo na hindi ko sinasadya ang mga nasabi ko sa’yo noong gabing nag-away tayo,” paliwanag ni Racquel habang mahigpit na nakayakap sa kanyang mister.

“Shh… Tahan na, mahal at baka mabinat ka,” nakangiting sagot nito.

Naalala ni Racquel na hindi lamang siya sa pisikal na anyo ni Anton napamahal, kundi sa napakabuti at bukal nitong kalooban. Simula noon ay ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maging mabuting asawa sa kanyang mister. Araw-araw rin niyang ipinapaalala sa kanyang mister na kahit kaunti na lamang ang buhok nito sa ulo ay siya pa rin ang pinakagwapong mister sa buong mundo.

Hindi nagtagal ay bumalik na sila sa ospital para sa huling check-up, at napag-alaman na tuluyan nang magaling si Racquel. Sa kasamaang palad ay hindi na kakayanin ng kanyang katawan ang magbuntis. Kaya naman isang desisyon ang kanilang sabay na napagkasunduan: ang mag-ampon mula sa bahay-ampunan.

Mula noon ay naging napakaganda ng pagsasama ng dalawa kasama ang kanilang anak. At dahil sa mga pagsubok na naranasan nila, lalo pang nagtibay ang kanilang pagsasama na umabot hanggang sa kanilang pagtanda.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!