Iniyakan ng Babae ang Hindi Pagsipot ng Mapapangasawa sa Kanilang Kasal, May Dahilan Pala ang Lalaki Kung Bakit Hindi Ito Nakarating

Matagal ng magkasintahan sina Tristan at Margaux kaya napagdesisyunan nila na magpakasal na. Nang sumapit ang espesyal na araw sa buhay ni Margaux ay hindi niya inasahan na ang pangarap na kasal ay mauuwi lang sa isang bangungot.

“Margaux, Margaux, may nakakita kay Tristan na umalis! Sumakay daw ng bus papuntang Maynila,” hinihingal na sabi ng pinsang si Jimmy.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Hindi! Hindi iyan magagawa sa akin ni Tristan,” napahagulgol siya sa sobrang kahihiyan dahi hindi siya nito sinipot sa araw ng kanilang kasal.

“Walang hiyang lalaki. Walang isang salita!” galit na sabi ng kanyang ama.

Maging ang mga magulang ni Tristan ay dismayado sa ginawang pagtalikod ng kanilang anak sa kasintahan nito.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Isa nang sikat na artista si Tristan Angeles. Kabi-kabila ang kanyang mga proyekto mapa-telebisyon man o pelikula. Napakarami rin niyang mga iniendorsong produkto at serbisyo kaya isa siya siya pinakamalaking personalidad sa bansa.

“Good job, Tristan! Siguradong ikaw na naman ang mananalong Best Actor sa gaganaping awards night sa Sabado,” masayang balita ng kanyang manager.

“Talaga?” ‘di makapaniwalang tanong ng lalaki. “Napakalaki ng utang na loob ko sa iyo, Jojo kundi dahil sa iyo ay hindi ko mararating ang kasikatang ito,” aniya sa kaibigan.

“Ikaw ang may gawa niyan, Tristan. Dahil iyan sa mga pagsisikap mo, kaya nararapat lang ang kasikatang tinatamasa mo,” nakangiting sabi ng lalaki.

“Wala na akong mahihiling pa. Isa na lang ang kulang sa buhay ko at gusto kong tulungan mo ako, Jojo,” aniya sa seryosong tono.

“At ano naman iyon?”

Samantala, sa karinderya na pag-aari nina Mang Gusting at Aling Lia ay abalang nag-eestima ng mga kumakaing kustomer si Margaux nang may biglang tumawag sa kanya.

“Mama, mama!”

Napalingon si Margaux at nakita ang pitong taong gulang niyang anak na babae na si Allyson. Patakbong tumakbo palapit sa kanya ang bata.

“Mama, nakauwi na po ako galing sa eskwela!” masayang bati ng bata.

“Mabuti naman at nakauwi ka na, anak. Magbihis na ka na sa loob para makakain ka na ng pananghalian,” aniya rito sabay halik sa pisngi ng anak.

“Kay gandang bata talaga ng apo ko. Manang-manang sa iyo, Margaux!” sigaw ng kanyang ama.

“E, kanino pa ba magmamana ang anak natin kundi sa akin na nanay niya,” hirit naman ni Aling Lia.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Inay, Itay, nagmana siya sa inyong dalawa. Guwapo at maganda ang lolo at lola e!” natatawa niyang sabi.

Nang biglang may pumaradang sasakyan sa labas ng kanilang karinderya. Maya-maya ay bumaba sa sasakyan ang isang lalaki at hinahanap si Margaux.

“Magandang tanghali po, nariyan po ba si Ms. Margaux Dela Rosa?” tanong ng may ka-guwapuhang lalaki.

“A-ako po si Margaux Dela Rosa. B-bakit po anong kailangan nila?” aniya sa nagtatakang boses.

“Ako nga po pala si Carlo, taga-Maxi Channel po ako. Nanalo po kasi kayo sa promo kung saan makakatanggap kayo ng libreng movie tickets?” anito.

“Promo? Parang wala akong matandaan na ganoon?”

Nang biglang sumabat si Aling Lia.

“Aba, e baka iyan iyong sinalihan ko nang nakaraang araw. Pero teka, kung nanalo ang ipinadala kong entry ay bakit pangalan ng anak ko ang hinahanap niyo at hindi ako?” tanong ng babae.

“A, e hindi ko rin po alam misis. Kailangan po kasi na si Ms. Margaux ang kumuha ng kanyang premyo dahil siya po ang nakapangalan sa listahan namin. Maaari ba kayong maimbitahan sa opisina namin sa Maynila para kunin ang iyong premyo? Ipapalabas sa telebisyon ang pagkuha mo ng movie tickets kaya kailangan na naroon ka. At saka gusto ka ring makilala ng namamahala ng kontes,” wika ng lalaki.

“Pumayag ka na, anak. Wala namang mawawala, e. Isama mo tuloy si Allyson sa Maynila para makapamasyal din ang apo ko. Sasamahan kayo ng pinsan mong si Jimmy,” sabad ni Mang Gusting.

Nagtataka man sa nangyayari ay napapayag na rin si Margaux. Nang araw na iyon ay bumiyahe sila papuntang Maynila para kunin ang napanalunang movie tickets. Pagdating sa opisina ay pinapasok sila ng lalaki sa isang pribadong kuwarto. Nagpaalam ito na susunduin ang namamahala sa kontes na sinalihan. Ito raw mismo ang mag-aabot ng kanyang premyo. ‘Di naman nagtagal ay pumasok na sa loob ng kuwarto ang ‘di nila inaasahan na makita sa lugar na iyon.

“T-Tristan?” gulat na wika ni Margaux nang makita ang dating nobyo.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ako nga, Margaux. Kumusta ka na? Ako ang nagpapunta sa iyo dito. Pinlano ko ang lahat. Pinakiusapan ko ang aking manager na si Jojo na magpanggap bilang staff at kunwaring ipaalam sa iyo na nanalo ka ng premyo dahil alam ko na kapag ako ang nagpasabi ay hindi ka pupunta,” hayag ng lalaki.

“Ang kapal din ng mukha mo ‘no! Matapos mo akong hindi siputin sa kasal natin, ngayon ay magpapakita ka sa akin na parang walang nangyari? Ano ang naging kasalanan ko sa iyo, Tristan para gawin mo ang kahihiyang iyon sa akin?” naiiyak na sabi ng babae.

“Patawarin mo ako, Margaux. Hindi ko ginusto na hindi sumipot sa kasal natin. Ang totoo niyan, papunta na ako sa simbahan ng araw na iyon ngunit may mga lalaking humarang sa akin kasama ang pinsan mong si Jimmy. Iginapos nila ako at sinabi ng pinsan mo na hindi na matutuloy ang kasal dahil hindi ako gusto ng itay mo para sa iyo. Hindi lang iyon, isinakay nila ako sa van at dinala sa isang lumang bodega at ikinulong para tuluyang mailayo sa iyo. Mabuti na lamang at nakatakas ako sa lugar na pinagdalhan sa akin. Sinubukan kong humabol sa simbahan ngunit nang dumating ako ay wala ka na. Nakausap ko ang pari na magkakasal sana sa atin, may iniabot siyang sulat at nakalagay doon na kung babalik man ako ay huwag na akong magpapakita sa iyo at sa iyong pamilya dahil tinatapos mo na ang lahat sa atin,” bunyag niya sa babae habang iniabot kay Margaux ang sulat.

Nang makita ang sulat ay nagulat ito.

“Teka, hindi ganito ang sulat kamay ko!” nagtatakang sabi ng babae.

“Alam ko. Kaya nagkaroon ako ng hinala na nagsisinungaling ang pari na nagbigay sa akin ng sulat. Kaya bumalik ulit ako sa simbahan para magtanung-tanong. Kinausap ako ng isa sa mga sakristan doon at mayroon siyang ipinagtapat sa akin. Nakita raw niya ang pinsan mo na iniabot ang sulat sa pari at sinabing ibigay sa akin kapag bumalik ako,” bunyag pa niya.

Galit na nilingon ni Margaux ang pinsang si Jimmy na nakayuko na sa kinaupuan at wala ng mukhang maiharap sa kanila.

“Totoo ba ang sinasabi niya, Jimmy? Sagot!” pasigaw na tanong ni Margaux.

“O-oo, totoo iyon pinsan. Patawarin niyo ako. Napag-utusan lang ako ni Tiyo Gusting. Hindi niya talaga matanggap na mapupunta ka lang sa isang kagaya ni Tristan na isang simpleng trabahador lang sa pabrika kaya inutusan niya ako at ang aking mga kaibigan na dukutin si Tristan para hindi makarating sa inyong kasal. Siya rin ang gumawa ng sulat at inutos niya sa akin na ibigay sa pari kung sakaling bumalik siya sa simbahan,” pagtatapat ng lalaki.

Napahagulgol si Margaux sa kanyang nalaman. Hindi siya makapaniwala na niloko siya ng sariling ama. Na ito ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang kasal nila ng lalaking pinakamamahal niya.

“H-hindi ko alam na iyon ang balak ni Itay. P-pero bakit hindi mo ako binalikan matapos mong malaman ang totoo?” tanong ng babae.

“Sinadya kong hindi na muna magpakita sa iyo. Gusto kong ayusin muna ang buhay ko kaya nagpakalayu-layo ako. Masuwerte naman na nakilala ko si Jojo, ang aking manager. Ipinasok niya ako bilang extra sa pelikula at telebisyon hanggang sa makilala ako bilang isang sikat na aktor. Inayos ko ang aking sarili para sa muli naming pagkikita ng iyong ama ay maipamukha ko sa kanya kung ano man ang narating ko ngayon. At sa muli nating pagkikita ay mas may maipagmamalaki na ako sa iyo. Kahit kailan ay hindi nawala ang nararamdaman ko sa iyo, Margaux. Mula noon hanggang ngayon ay ikaw pa rin una at huling babae na aking mamahalin.”

“T-Tristan, kahit kailan ay hindi rin kita nakalimutan sa puso at isipan ko. Mahal na mahal pa rin kita. Aaminin ko sa iyo na umasa pa rin ako na muli kang babalik sa piling ko. Saka, Tristan may kailangan ka ring malaman,” ani Margaux.

“A-ano iyon?”

“Noong araw na hindi ka sumipot sa kasal natin ay may ipagtatapat sana ako sa iyo,”

“Ano, Margaux?”

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ipagtatapat ko sana sa iyo na nagdadalantao ako. Ipinagbubutis ko noon ang ating anak, Tristan. At ito na siya, si Allyson. Anak natin,” sabi ng babae saka ipinakilala kay Tristan ang bata.

“T-totoo ba? Siya ang anak natin?” maluha-luhang wika ng lalaki sabay lapit kay Allyson at niyakap nang mahigpit.

Nang biglang nagsalita ang bata na kanina pa seryosong nakikinig sa pag-uusap nila.“Mama, ibig pong sabihin may Papa ako?” inosente nitong tanong.

“Oo, anak. Siya ang Papa mo!”

Sa sobrang tuwa ay niyakap ng bata ang kanyang ama. Masayang-masaya si Allyson dahil sabik ito sa pagmamahal ng isang ama kaya nang makilala si Tristan ay para itong binigyan ng laruan sa sobrang kasiyahan.

“Patawad kung ngayon lang bumalik si Papa. Pangako ko sa iyo, anak na magkakasama-sama na tayong tatlo ng Mama mo,” wika ni Tristan sabay halik sa noo ng kanyang anak.

“Yehey, may Papa na ako! May Papa na ako!” sigaw ng bata.

“Paano ba iyan. Okay na kami ng anak natin. Tayo, puwede bang maging okay ulit?” tanong ni Tristan.

Tumango si Margaux at niyakap ang lalaki. “Oo naman. Ngayong nagbalik ka na ay hindi na kita hahayaang mawala pa ulit. Salamat at binalikan mo kami, mahal ko.”

“Hinding-hindi na ako aalis sa buhay niyo ng ating anak. Ipinapangako ko na hindi na nila tayo mapaghihiwalay pa.” ani Tristan.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Bumalik silang lahat sa probinsya at hinarap ang ama ni Margaux. Inamin naman ni Mang Gusting ang ginawa. Sinabi nito na natakot lang ito sa kinabukasan ng anak kapag ikinasal ito kay Tristan. Pinagsisihan naman ng lalaki ang ginawang pangingialam sa buhay ng magkasintahan. Humingi ito ng tawad sa mga nagawang kasalanan at nangakong hindi na muling panghihimasukan ang buhay ng kanyang anak. Natuloy rin ang naudlot na kasalan at sa pagkakataong iyon ay wala na talagang nakapigil sa pag-iisang dibdib nina Tristan at Margaux.

Naging malaking balita ang kasalang naganap na pinagpiyestahan ng media at mga tiga-hanga ng lalaki. Marami naman ang natuwa at kinilig sa love story ng dalawa. Kinainggitan din ng mga kababaihang tagahanga ni Tristan ang misis nitong si Margaux dahil ito na raw ang pinakasuwerteng babae dahil ito ang inibig at pinakasalan ng kanilang idolo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!