Masayang Masaya ang Binata nang sa Wakas ay Magkanobya na, Ngunit Naging Sunod Sunod Din ang Pagkawala ng mga Gamit Niya

Sa wakas, matapos ang panliligaw na halos umabot sa kalahating taon ay sinagot na rin ni Myrna si Jojo. Mula pa noong kolehiyo ay magkakilala na ang dalawa, ngunit nang magkatrabaho ay saka lamang sinimulang ligawan ng binata ang dati pa niyang inaasam-asam na binibini.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Salamat, Myrna. Ipinapangako ko sa’yong habambuhay kitang mamahalin,” ‘ika ni Jojo sa kanyang kasintahan.

“Sana nga’y hindi magbago ang pagtingin mo sa akin,” sagot naman ng dalaga.

Unang nobya ni Jojo si Myrna. Pangako niya kasi sa kanyang ina na magnonobya lamang siya kapag sigurado na siyang iyon na ang babaeng gusto niyang pakasalan. Mabait, maganda, magalang, at masipag sa trabaho. Ilan lamang iyon sa mga namumukod-tanging katangian ni Myrna kaya naman siguradong-sigurado na siya dito.

Isang araw, matapos ang kani-kanilang trabaho ay sinundo ni Jojo ang dalaga upang makipagdate.

“Punta naman tayo sa mall, mahal. Hindi na kita naipapasyal e,” wika ng binata.

“O sige ba! Tara,” sagot ni Myrna sabay sakay sa sasakyan ng nobyo.

Nagmula sa mayamang pamilya si Myrna, kaya naman ginagawa ni Jojo ang lahat upang maibigay rito ang lahat ng hinihiling nito. At dahil maganda na rin ang posisyon niya sa trabaho, hindi siya nahirapan sa pagbibigay ng mga luho at kagustuhan nito.

“Babe, gusto mo ba nito? Bagay sa’yo ‘tong lipstick na ‘to!” sabi ni Jojo habang hawak hawak ang isang pulang lipstick.

“Ay hindi na, babe. Mayroon na ako niyan e. Ayos lang, sa susunod na lang,” nakangiting sabi nito.

Nang palabas na sila sa isang kilalang make-up store, isang saleslady ang nagmamadaling tumakbo papunta sa kanila.

“Ma’am! Sir! Hindi niyo pa po nababayaran ang mga kinuha ninyo,” anito.

“Ha? Wala naman kaming binili o kinuha e,” nagtatakang paliwanag ni Jojo.

Nagtataka ang mukha nang saleslady, sabay turo nito sa bulsa ni Myrna.

“Ay, sorry. Hindi ko sinasadya. Nakalimutan kong dinala ko pala,” aniya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Agad namang binayaran ni Jojo ang ilang make-up na hindi raw sinasadyang mabitbit ni Myrna. Paniwalang-paniwala siya na nakalimutan lamang itong bayaran ng kanyang nobya.

Lumipas ang ilang mga araw, nagising si Jojo sa katok sa kanyang pintuan. Laking gulat niya nang makita ang nobya na nakatayo sa harapan ng kanyang bahay.

“Babe? Bakit? Hala, makalat ang bahay ko, nakakahiya!” hiyang-hiyang sabi ni Jojo.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ano ka ba? Ako nang bahala. Maligo ka na. Aalis tayo, ‘di ba?” sagot ni Myrna sabay pasok sa bahay ng nobyo.

Matapos maligo ni Jojo, laking gulat niya pagkalabas niya ng kanyang banyo.

“Wow, babe! Sobrang linis! Ang bilis mong magligpit ha? Nakakahiya, grabe,” ‘ika nito.

“Sus! Masanay ka na. Kapag may sarili na tayong pamilya, sinisiguro kong malinis palagi ang ating bahay,” nakangiting sagot nito.

Matapos magbihis ay agad nang umalis ang dalawa patungong sinehan gamit ang sasakyan ni Myrna. Buong araw silang namasyal at kumain sa kung saan-saan. Alas syete ng gabi nang maisipan nang umuwi ng dalawa.

Nang makauwi si Jojo, agad niyang hinanap ang kanyang laptop upang simulan ang trabaho na pinauwi sa kanya ng kanyang boss.

“Hala, nasaan na ‘yon? Pati ‘yong cellphone ko na para sa trabaho, hindi ko makita,” nagtatakang bulong nito sa sarili habang hinahalughog ang kanyang bahay. Sigurado siyang naroon lang iyon dahil bago siya matulog kagabi ay gamit gamit niya pa ang kanyang laptop.

Naisipan niyang tawagan ang kanyang nobya upang magtanong.

“Babe? Nakita mo ba ang laptop ko? Pati na rin ‘yong cellphone ko na pang-opisina. Bago ka kasi maglinis ay narito pa iyon e,” anito.

Takang-taka si Jojo dahil bigla na lamang nag-iiyak ng napakalakas ang dalaga.

“Pa- patawarin mo ako, babe. Aaminin ko na!” umiiyak nitong sabi.

“Ha? Alin? Ayos lang naman kung hindi mo nakita. Baka nga naiwan ko sa office,” sagot ni Jojo.

Binaba ni Myrna ang cellphone, ngunit maya-maya lamang ay dumating ito sa bahay ng binata. Laking gulat ni Jojo nang makita ang nobya, na bitbit ang kanyang laptop at cellphone.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“May sakit ako, Jojo. Klepto, iyan ang tawag sa akin ng ilang nakakakilala talaga sa akin. Mula pa bata ako, kahit pa kaya naman naming bilhin, tila ba hindi ko mapigilan ang pagkukupit o pagnanakaw ng mga gamit,” umiiyak nitong sabi.

“Hindi ko naman planong kunin ito e. Ang totoo’y mayroon naman ako nito, at isa pa ay boyfriend kita. Pero hindi ko talaga mapigilan! Sorry! Mahal na mahal kita, Jojo. Pero maiintindihan ko kung ayaw mo na sa akin,” patuloy na paliwanag ni Myrna, sabay takbo papalayo sa bahay ng kanyang nobya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Ngunit bago pa siya makatakbo ay agad na siyang napigilan ng binata.

“Babe? Naiintindihan ko. Okay? Kumalma ka. Please. Mag-usap tayo,” ani Jojo.

Matapos uminom ng isang baso ng tubig ay kahit papano’y nahimasmasan ang dalaga.

“Kleptomaniac? ‘Yan ba ang sakit mo?” tanong ni Jojo.

“Oo, iyon nga. Kahit anong pigil ko, hindi ko maiwasan na maglikot ang kamay ko,” muli na namang naiyak ang dalaga.

“Babe, alam mo? Ganyan din ang sakit ng mama ko. Gayunpaman, tinanggap siya ng buong pamilya namin. Lalong lalo na ng papa ko. Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita,” nakangiting sabi ni Jojo habang niyayakap si Myrna.

Kinabukasan, dinala ni Jojo ang nobya sa doktor mismo ng kanyang ina upang simulan na ang therapy nito. Nadadala naman pala sa pakikipag-usap ng psychologists at specialists ang lagay ng kanyang nobya. Kaya naman ilang buwan lamang ang lumipas ay gumaling na si Myrna.

“Salamat, babe. Maraming salamat. Akala ko’y iiwan mo na ako dahil sa kahihiyang ginagawa ko,” ‘ika ni Myrna.

“Babe, mahal na mahal kita. At wala akong planong hindi tuparin ang mga ipinangako ko sa’yong kailanma’y hindi kita iiwan. Kaya isang tanong lamang ang sasambitin ko…”

“Will you marry me?” wika ni Jojo sabay luhod sa harap ng kanyang nobya.

“YES! Oo, Jojo! Oo!”

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Tatlong buwan lamang ang lumipas at nagpakasal na ang dalawa, at masaya silang namuhay ng magkasama. Pinatunayan ni Jojo na kayang lampasan ang kahit na anong pagsubok basta’t pag-ibig at pag-unawa ang paiiralin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!