Dahil Kinakapos sa Pera ay Nagpasya ang Lalaki na Magtrabaho sa Saudi ngunit Naging Madalang ang Pakikipag-usap Nito sa Asawa, nang Komprontahin ng Misis ay Napahagulgol Ito sa Sinabi Niya

Kahit mainitin ang ulo at pala-away si Julian ay nagustuhan pa rin siya ng katrabaho niyang si Lea. Marami ang nagtataka kung bakit sinagot ng babae ang lalaki samantalang kilalang napakabait ni Lea. Siya ang hinahangad ng mga kalalakihan sa kanilang opisina. May taglay na kagandahan, katalinuhan at pasensyosa pa kaya nang malaman ng mga ito na kay Julian lang ito bumagsak ay laking panghihinayang ng mga ito.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ano kayang nakita ni Lea sa g*gong si Julian? Sa dinami-rami ng lalaki ay iyon pa ang natipuhan?” sabi ng isa nilang katrabahong lalaki.

“Hindi ko rin alam, pare. Mas marami pang mas matino kaysa kay Julian pero ang lalaking iyon pa rin ang pinili niya,” napapailing na wika naman ng isa pa nilang ka-opisina.

Ang hindi alam ng mga ito ay narinig pala ni Julian ang mga sinabi nila. Sa sobrang galit ay gusto nitong sugurin ang dalawang lalaki, mabuti na lang at pinigilan siya ni Lea.

“Aba ang mga g*gong ito, gusto yatang mabangasan ang mga mukha,” gigil na sabi ng lalaki.

“Ano ba, Julian? Tama na, huwag mo nang patulan! Puwede ba pigilan mo iyang pagiging mainitin ng ulo mo.”

Siguro kung hindi pinigilan ni Lea ang nobyo ay nakipagbasag-ulo na ito sa mga kasama nila sa trabaho. Kapag nagsimula na kasing mag-init ang ulo ng lalaki ay hindi na ito mapipigilan na makipag-away. Kaya tuloy nagdadalawang-isip ang mga magulang ni Lea sa pakikipagrelasyon niya rito.

“Napag-isipan mo na ba, anak ang plano mong pagpapakasal kay Julian? Hindi ko mawari ngunit masama ang kutob ko sa lalaking iyan. Mukhang hindi siya gagawa ng mabuti. Napaka-mainitin ng ulo, kaunting pagkakamali mo lang ay pasigaw ka niyang kausapin. Baka mamaya kapag kasal na kayo ay lumabas ang tunay niyang kulay,” nag-aalalang sabi ng kanyang ina.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Inay, kilala ko po si Julian. Oo at mainitin nga ang ulo niya at mahilig sa away pero kahit kailan ay hindi niya ako pinagbuhatan ng kamay. Mahal na mahal ko po ang aking nobyo,” pagtatanggol ni Lea sa lalaki.

Hindi nagtagal ay nagsama na ang dalawa at nagkaroon ng isang anak. Dahil wala pang naiipon ay napagkasunduan nila na ipagpaliban muna ang pagpapakasal at mag-ipon muna para dito kaya napilitang lumipat ni Lea ng kumpanyang pagtatrabahuhan dahil sa mas mataas na suweldo na inialok sa kanya sa bagong inaplayang trabaho.

Noong una ay maayos pa ang resulta ng naging desisyon ni Lea na iwan ang asawa sa kanilang pinapasukang opisina ngunit pagsisimulan pala iyon ng hindi nila pagkakaunawaan. Isang gabi, ay narinig niya na panay sa pagdadabog sa kusina ang mister.

“O, ano na naman ang problema mo at nagdadabog ka? Bakit ang init na naman ng ulo mo?” nagtataka niyang tanong.

“Nagtatanong ka pa, e ‘di ba napagalitan na naman ako ng tatay mo dahil bakit daw kinakapos na naman tayo? At bakit hindi ko raw mabilhan ng masarap na pagkain ang anak natin. Pinamukha na naman niya sa akin na wala akong kuwentang asawa at ama dahil mas malaki ang suweldo mo kumpara sa suweldo ko,” inis na wika ni Julian.

“Para namang hindi mo kilala si Itay. Ganoon lang iyon magsalita, prangka pero wala naman yata siyang masamang ibig sabihin dun.”

“Huwag kayong mag-alala. Kapag naaprubahan ang aplikasyon ko sa Saudi ay mas malaki na ang maiuuwi ko sa pamilya natin at mas makakapag-ipon ako para sa ating kasal. Hinding-hindi na ako mamaliitin at bubulyawan ng mga magulang mo na pinababayaan ko kayong mag-ina,” matapang na sabi ng mister.

‘Di nagtagal ay natuloy nga na mangibang bansa si Julian. Nagtrabaho siya sa Saudi bilang construction worker at tinupad nga nito ang sinabi na magpapadala ng malaking halaga. Mula nang magtrabaho sa ibang bansa ay hindi na kinakapos si Lea sa mga gastusin sa bahay. Ang kapalit naman noon ay naging madalang na ang pag-uusap nila ng asawa dahil palagi nitong sinasabi na abala ito sa trabaho. Isang araw ay nagkaroon ng pagkakataon si Lea na kumustahin ang mister sa pamamagitan ng video call.

“Hello, mahal! Miss ka na namin ng anak mo! Kay tagal mong hindi nagparamdam, a. Masyado ka bang busy sa trabaho?” tanong niya rito.

“A, e pasensya na ha, marami lang talaga akong ginagawa kaya bihira na akong tumawag sa inyo. Kumusta si Jonjon, makulit pa rin ba?” tanong ni Julian.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ayos lang mahal. Ayun, makulit at malikot pa rin ang anak mo. Mas lalo nga yatang naging pasaway mula nang umalis ka. Ka-kailan ka ba babalik? Malapit nang matapos ang kontrata mo at medyo malaki na rin ang naiipon natin. Puwede ka nang umuwi dito at magsimula na lang tayo ng negosyo. Sapat na rin ang naipon nating pera para sa ating kasal.”

“Uhm, i-iyon nga rin ang balak ko, mahal. K-kaso baka raw ma-extend pa ang kontrata ko, e. Marami pang trabaho ang ipapagawa sa amin kaya imbes na makakauwi na ako ngayong taon ay sa susunod na taon pa ako makakabalik sa Pilipinas at saka ganoon din ang nangyari sa kontrata ni Lilian,” hayag ng lalaki.

Nagpanting ang tainga ni Lea nang marinig ang pangalang Lilian sa bibig ng mister.

“T-teka, teka, Lilian? D-diyan din siya nagtatrabaho? Kailan pa, bakit hindi mo sinabi sa akin agad?” may inis sa tono ng babae.

“A, e oo, mahal. D-dito rin siya nagtatrabaho bilang domestic helper naman. Hindi ko na sinabi sa iyo kasi baka kung ano ang isipin mo. H-huwag kang mag-alala dahil may asawa na rin siya.”

“Kahit na, naglihim ka pa rin sa akin. Kaya ba madalang ka nang tumawag sa akin, kahit sa video call ay hindi ka na rin nagpaparamdam ay dahil ba sa kanya? Sagutin mo ako, Julian!”

Ang Lilian na tinutukoy ni Lea ay ang dating nobya at first love ni Julian. Kaya nag-aalala siya sa maaaring gawin ng mister.

“Look, may pamilya na rin si Lilian at kahit narito siya ay bihira naman kaming magkita at hindi na rin kami nag-uusap. Kaya wala kang dapat ipag-alala, mahal,” giit ng lalaki.

Lumipas ang ilang linggo mula nang mag-usap ang mag-asawa. Dumaan ang mga araw na mas lalong dumalang ang komunikasyon nina Lea at Julian sa isa’t isa. Kung dati ay tatlong beses sa isang linggo sila nag-uusap gamit ang video call, ngayon ay halos hindi na nagpaparamdam ang lalaki. Kaya gumawa ulit ng paraan si Lea para kausapin ang asawa. Isang gabi ay naaktuhan niya itong naka-online sa Facebook. Nag-chat siya na tatawag siya rito at nagdahilan na may importante siyang sasabihin. Pinagbigyan naman siya nito na mag-usap sila sa Facebook chat.

“Mahal, kumusta ka na? Bakit ba hindi ka na tumatawag? Nagtatanong na si Jonjon kung bakit hindi mo na raw siya kinakausap,” aniya.

“Busy lang ako, Lea,” tanging naisagot ni Julian sa tanong ng misis.

“Busy? Palagi na lang iyan ang dahilan mo sa akin, Julian. Buti sana kung ako lang e, kaso tinatanong ka sa akin ng anak mo. Hindi mo ba maaaring gawan ng paraan na tumawag sa amin kahit isang beses na lang sa isang linggo? Baka naman kasi may iba ka ng pinagkakaabalahan diyan kaya nakakalimutan mo na kami ng anak mo? Alam na alam mo ang sinasabi ko, Julian,” hayag ni Lea sa mister.

“Ano bang sinasabi mo? Ang hirap sa iyo, ako na nga ang nagpapakahirap magtrabaho dito, ako pa ang masama! Hindi ba puwedeng bigyan ko man lang ng panahon ang sarili ko na magpahinga dahil napapagod din ako, Lea!” inis na wika ng lalaki.

“Napapagod? Napapagod ka na ba sa amin ha? Siguro dahil iyan kay Lilian ‘no? Siya ba, Julian? Napapagod ka na sa amin ng anak mo dahil nariyan na si Lilian at kasama mo di ba? Bakit, nagkabalikan na ba kayong dalawa ha?!”

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Oo, kami na nga ulit ni Lilian. Iyan ang gusto mong marinig ‘di ba? Tama ka, Lea. Nagkabalikan na kami ni Lilian. Dalawang linggo ang nakalipas nang sagutin niya ako ulit at binigyan ng pangalawang pagkakataon ang naudlot naming pag-iibigan. Si Lilian naman talaga ang una at huling babaeng minahal ko kaya nang makita ko siyang muli ay hindi ko na sinayang ang pagkakataon para mapalapit muli sa kanya,” bunyag ni Julian.

Napahagulgol si Lea sa ipinagtapat ng asawa. Hindi siya makapaniwala na magagawa siya nitong saktan ng ganoon. Kay bilis nitong nagdesisyon na balikan ang dating nobya.

“P-paano ako, Julian? Paano ang anak natin? Ibig sabihin ay sa una pa lang ay niloko mo lang ako at pinaniwalang mahal mo ako? Sabihin mo nga sa akin ang totoo, ginawa mo lang ba akong panakip-butas kay Lilian? Kahit kailan ba ay hindi mo ako nagawang mahalin?” tanong ni Lea habang patuloy pa rin sa paghagulgol.

“I’m sorry, Lea. Sinubukan ko pero kahit anong gawin kong pilit ay hindi talaga kita minahal. Tanging si Lilian lang ang nasa puso at isipan ko. Isa siya sa mga dahilan kung bakit nagdadalawang isip ako na pakasalan ka dahil ayokong matali sa babaeng hindi ko naman tunay na iniibig. Minsan nga ay inisip ko na hindi na lang sana tayo nagkakilala para hindi na kita nasaktan ng ganito. Patawarin mo ako. Ikaw na sana ang magpaliwanag kay Jonjon sa mga nangyari dahil wala na akong balak bumalik. Ang lahat ng ipon ko ay sa inyo nang mag-ina. Magagamit mo iyon sa pagsisimula ninyo ng anak natin,” seryosong wika ng kausap.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Hindi na nagawa pang ituloy ni Lea ang pakikipag-usap sa lalaki at agad na binaba ang cell phone. Umiyak man siya ay huli na dahil nagtiwala siya kay Julian na ito na ang taong makakasama niya habang buhay at sa hirap at ginhawa. Maling-mali na sinagot niya ito agad. Sana ay pinakinggan niya ang mga magulang na pag-isipan ang pakikipagrelasyon rito, hindi sana siya nasasaktan sa ginawa nitong panloloko.

Gusto man niyang idaan sa ligal na proseso ang lahat ngunit hindi naman sila kasal ng lalaki kaya mahina ang kanyang laban. Mas pinili na lang ni Lea na kalimutan ang masamang karanasan at ibinigay ang lahat ng kanyang atensyon sa trabaho at sa anak na si Jonjon.

Mabilis na umusad ang panahon at naka-move on na si Lea sa pinagdaanan niyang sakit kay Julian. Naipaliwanag na rin niya sa anak na hindi na sila babalikan ng ama nito at naunwaan naman iyon ng bata. Nabalitaan na lang niya na nakipaghiwalay rin si Lilian kay Julian dahil sumama ito sa ibang lalaki. Naisip ni Lea na iyon na marahil ang KARMA kay Julian sa ginawa nitong pagtalikod sa kanilang mag-ina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!