Isinauli ng Mag-Asawang OFW ang Sobreng May Malaking Pera sa Kanilang mga Amo, Ito ang Iginanti sa Kanila ng mga Arabo

Nagdesisyon ang mag-asawang Renato at Evelyn na magtrabaho sa ibang bansa dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas at para na rin mapag-aral nila sa kolehiyo ang kanilang tatlong anak. Nagtrabaho sila sa Saudi bilang mga kasambahay.

Si Evelyn ay tiga-linis, tiga-laba, tiga-plantsa at tiga-luto samantalang ang mister na si Renato ay hardinero naman ng mag-asawang Arabo na kanilang mga amo. Masuwerte sila sa mga amo dahil mababait at madaling pakisamahan ang mga ito. Ang mga ito pa mismo ang nagtatanong sa kanila kung kumain na sila o kung napapagod na sila sa trabaho. Pinagpapahinga rin sila kapag nakaramdam na sila ng sobrang pagod.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Sa loob ng pitong taong paninilbihan nila sa mga ito ay naging mapagbigay rin ang mga amo sa kanila. Kapag nagpapadala sila ng balikbayan box sa Pilipinas ay nagbibigay sa mga ito ng maaari nilang ipadala sa kanilang mga anak gaya ng mga damit, pabango at sapatos kaya sa isip ng mag-asawa ay wala na silang mahihiling pa sa mga amo nila.

Isang araw, dumating sa buhay nila ang pinakamahigpit na pagsubok sa kanilang katapatan sa mga amo. Nakatanggap sila ng tawag sa kanilang panganay na anak.

“Hello, Jessica, ano at napatawag ka, anak?” tanong ni Evelyn.

“Ma, bukod po sa ipinadala ninyong balikbayan box, nagpadala rin po ba kayo ng pera?” tanong ng anak sa kabilang linya.

“Hindi. Kakapadala lang namin noong nakaraang linggo di ba? Alam niyo naman na kapag nagpapadala kami diyan ay hiwalay ang pera at ang balikbayan box,” paliwanag niya rito.

“E, mayroon po kasing sobre na naglalaman ng maraming perang riyal na nakasilid sa bulsa ng jacket na kasama sa balikbayan box.

“Totoo ba iyang sinasabi mo anak?” nabiglang tanong ng babae.

“Opo, Ma. Para sa atin po ba ang perang iyon?” tanong ng anak.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Ipinaalam ni Evelyn sa asawang si Renato ang sinabi ng anak ngunit wala rin itong alam tungkol doon. Ipinagtaka nila kung paano napunta sa balikbayan box ang nasabing pera. Sinubukan din nilang tanungin ang mga amo tungkol sa sobreng may lamang pera ngunit wala ang mga ito sa bahay at nagpaalam na magbabakasyon. Nag-usap muna ang mag-asawa at muling binalikan sa kabilang linya ang anak.

“A, e Jessica ang mabuti pa ay itago niyo muna ang perang iyan. Hindi namin alam kung paano iyan napunta sa ipinadala naming balikbayan box. Wala rin ang mga amo namin kaya wala kaming mapagtanungan tungkol diyan. Huwag na huwag niyong gagalawin ang pera naiintindihan niyo? Hangga’t hindi namin nalalaman ang totoo. Malapit na rin naman kaming umuwi diyan para magbakasyon, dalawang linggo mula ngayon kaya saka na natin iyan pag-usapan,” sabi ni Evelyn.

“Opo, Mama. Kayo po ang masusunod,” magalang na wika ng anak.

Di naman nagtagal ay sumapit na ang araw ng kanilang pagbisita sa Pilipinas. Bago sila umalis ay dumating na ang mga amo galing sa bakasyon pero bago umalis ay tinanong ni Evelyn ang among babae kung may naaalala itong pera na nasa loob ng sobre.

Sinabi sa kanya ng amo na wala naman itong natatandaan sa pera na nakalagay sa sobre, payo naman nito na tanungin din ang asawa nito kung mayroon itong alam tungkol doon ngunit ang mister nito ay muling umalis para sa isang business meeting kaya hindi na nila akausap pa. Kailangan na rin kasi nilang makapunta ng maaga sa airport para hindi sila mahuli sa biyahe.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Pagdating sa bansang sinilangan ay masaya silang sinalubong ng mga anak at kamag-anak nila.

“Ma, Pa, maligayang pagdating po! Na-miss namin kayo!” masayang bati ng kanilang mga anak.

“Miss na miss din namin kayo ng Papa ninyo!” maluha-luhang wika ni Evelyn.

“Tara po sa loob. Naghanda po kami ng makakain. Alam namin pagod kayo sa biyahe,” yaya ni Jessica.

Matapos na kumain at magpahinga ay tinanong ng mag-asawa sa mga anak ang tungkol sa nakuhang pera.

“Nasaan na ang perang nasa sobre?” tanong niya.

Binuksan ni Jessica ang tokador at inilabas doon ang sobre na naglalaman ng perang riyal.

Nang makita ng mag-asawa ang laman ng sobre ay napamulagat ang dalawa.

“Diyos ko, kay laking pera nito, a! Bakit kaya ito napunta sa balikbayan box?” manghang sambit ni Evelyn.

“Sinisiguro ko na pera iyan ng ating mga amo. Napasama lang sa jacket na ibinigay nila. Kailangan natin iyang isauli sa kanila,” sabi ni Renato.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Agad nilang napagkasunduan na ibalik sa mga amo ang sobreng may pera. Nang matapos ang kanilang bakasyon ay dinala pabalik sa Saudi ang mga perang riyal. Nagulat at hindi makapaniwala ang kanilang mga Arabong amo nang ibalik nila sa mga ito ang perang napasama sa kanilang balikbayan box.

Sinabi ng lalaking amo na aksidenteng nailagay niya ang sobreng may lamang pera sa jacket na ipinamigay sa kanila. Puring-puri ng mga amo ang dalawa at sinabing sila ang pinakamatapat sa lahat ng naging kasambahay ng mga ito.

Dahil sa nangyari ay naging lubos na malugod ang mga amo sa mag-asawa, at bumuhos ang biyaya sa kanilang pamilya. Pinabibisita ang mga anak nila sa Saudi sa tuwing sumasapit ang bakasyon at pinatitira ng libre sa kanilang tahanan, at may pakimkim pang pera para sa pamamasyal, pagkain at pamimili.

Tuwing magbabakasyon naman ang mag-asawa sa Pilipinas ay binibigyan sila ng mga amo ng Php50,000 na panggastos, bukod pa sa libreng ticket pauwi taon-taon. Tinulungan din silang makapagpatayo ng napakagandang bahay sa kanilang bansa, at dinagdagan pa ang perang pambili nila ng sasakyan para may nagagamit sila tuwing sila ay nagbabakasyon. Labis-labis ang pasasalamat nina Renato at Evelyn sa kabutihan ng kanilang mga amo kaya mas lalo nilang pinagbuti ang kanilang trabaho.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Iba talaga kung gumanti ang tadhana, kung ano ang itinanim ay siya ring aanihin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!