Ikinahiya ng Dalagita ang Pagtitinda Nila ng Tocino at Longganisa, Iyon Pala ang Babago sa Buhay ng Kanyang Pamilya

Maagang nabalo si Aling Cecilia kaya mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang tatlong anak. Kahit mahirap ang buhay ay desidido siya na igapang ang pag-aaral ng mga anak kaya lahat ng raket ay pinasok na niya hanggang sa maisip niya na magtinda na lang ng tocino at longganisa.

Natutunan niya ang paggawa nito nang turuan siya ng isang kaibigan kaya ginawa niya iyong negosyo. Inutusan rin niya ang mga anak na ibenta ang tindang tocino at longganisa sa eskwelahan ng mga ito ngunit hindi gusto ng isa niyang anak na si Steph ang ideyang iyon.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Inay naman, nakakahiya pong magdala niyan sa eskwelahan. Pagtatawanan ako ng mga kaklase ko!” maktol ng anak.

“Anong nakakahiya, e iyan ang bumubuhay sa atin ngayon. Huwag ka nang magreklamo diyan at sundin mo na ang utos ko!” aniya sabay abot ng plastic bag na may lamang paninda.

Walang nagawa si Steph kundi sundin ang utos ng ina at nakasimangot na dinala sa eskwelahan ang panindang tocino at longganisa.

Pagpasok niya sa klase ay agad siyang inusisa ng mga kaklase.

“O, Steph, may dala ka na namang tocino at longganisa? Gagawin mo na namang palengke itong classroom,” nang-iinis na sabi ng isa niyang kaklaseng lalaki.

“Magtinda ka na lang kaya sa talipapa at huwag ka nang pumasok dito,” pang-aasar ng isa pa.

Nainis siya sa sinabi ng mga kaklase kaya binulyawan niya ang mga ito.

“Hoy, kung wala kayong sasabihing maganda at kung hindi kayo bibili nitong tinda ko ay manahimik na lang kayo!”

Maya-maya ay pumasok na sa silid-aralan ang kanilang guro na si Ginang Ramos. Nagulat sila dahil may ipinakilala itong bagong estudyante.

“Good morning, class! Mayroon kayong bagong kaklase. Siya si Eileen, galing siya sa Brunei at lumipat siya dito sa Pilipinas para mag-aral.”

“Magandang umaga sa inyo!” masayang bati ng batang babae.

Sa tabi ni Steph pinaupo ni Ginang Ramos ang bagong estudyante. Agad naman siyang nakipagkilala rito.

“Hi, kumusta? Ako nga pala si Steph!” bati niya.

“Hello, I’m Eileen. Galing kami ng aking pamilya sa ibang bansa. Habang narito kami ay dito muna nila ako pinag-aral,” hayag ng kaklase.

“Ganoon ba. Mabuti naman at mayroon na akong bagong makakasama. Palagi kasi akong tinutukso ng mga kaklase ko, e!”

“Ha, bakit naman?” taka nitong tanong.

“Pinatatawanan nila ang pagtitinda ko ng tocino at longganisa. Pinagbebenta kasi ako ni inay dito sa eskwelahan. Ito kasi ang negosyo namin, e,” sabi niya rito.

“Wow, paborito ko ang tocino at longganisa! Maaari ba akong um-order sa iyo?” masayang tanong ng kaklase.

“Oo naman. Ilan ba ang o-orderin mo?”

“Tig-isang balot ng tocino at longganisa, please! Kailan ko ba babayaran? Wala kasi akong dalang pambayad, e.”

“Ayos lang. Ilista ko na lang muna. Maaari mong bayaran bukas,” aniya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Natuwa si Steph dahil bumili agad ang bago nilang kaklase ng tinda niya. Naibenta naman niya ng araw na iyon ang lahat ng paninda kaya pag-uwi sa kanila ay tuwang-tuwa ang kanyang ina.

“Ang galing mo pa lang magbenta, anak, e. Naubos ang pinadala kong tocino at longganisa. Ano, payag ka na araw-araw na ang pagdadala mo ng mga paninda natin sa eskwelahan niyo?” tanong ni Aling Cecilia.

“Inay, nagkataon lang iyon kasi may bago akong kaklase na buwena manong bumili ng tinda niyo kaya naubos,” aniya habang nagkakamot ng ulo.

“Ang suwerte naman kung ganoon at siya ang buwena mano mo. Sana palagi siyang bumili sa iyo anak.”

“Sana nga po. Kasi sabi niya paborito daw niya ang tocino at longganisa kahit hindi halata sa hitsura niya. Napakaganda niya, inay at mukhang may kaya sa buhay kaya hindi ko inasahan na bibili siya ng tinda niyong tocino at longganisa.”

Kinaumagahan, pagdating sa klase ay nilapitan agad siya ni Eileen.

“Steph, ito nga pala ang bayad ko sa kinuha kong tocino at longganisa nang nakaraang araw. Napakasarap ng pagkakagawa, nagustuhan din ng mga magulang ko kaya gusto nilang makausap ang inay mo,” anito.

“Bakit daw?” tanong niya rito.

“Hindi ko alam, e. Basta gusto nilang makilala at makausap ang inay mo. Kaya iniimbitahan namin kayo sa bahay ngayong darating na Sabado. Sana makapunta kayo.”

“S-sige, sasabihin ko sa kanya.”

Sinabi niya sa ina ang paanyaya ng kaklase. Kahit nagtataka ay pumayag si Aling Cecilia na makipagkita sa mga magulang ni Eileen. Pinuntahan nila ang address na ibinigay ng kaklase at laking gulat nila nang makita ang malaking bahay sa harapan nila.

“Anak, sigurado ka na dito nakatira ang kaklase mo? Aba, mukhang mayaman ang pamilya nila, kita mo ang laki at ang gandang bahay, o!” manghang wika ni Aling Cecilia.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Opo, iyan lang naman po ang sinulat niyang address, e.”

Pinindot nila ang doorbell na nasa labas ng malaking gate. Maya-maya ay may nagbukas ng pinto at bumungad sa kanila ang kaklaseng si Eileen.

“Steph! Mabuti naman at nakarating kayo! Kayo po ba ang nanay ni Steph?” listang tanong ng bata.

“Oo hija ako nga. Ikaw pala ang sinasabi nitong anak ko na kaklase niya. Tama nga ang sinabi niya, napakaganda mong bata,” puri ng babae.

“Ay salamat po. Ikinagagalak ko po kayong makilala,” ani Eileen at nakipag-kamay kay Aling Cecilia. “Tuloy po kayo, kanina pa po sila maghihintay!” yaya nito.

Nang makapasok sila sa loob ng malaking bahay ay mas lalo silang namangha dahil punung-puno ng mamahaling kagamitan ang buong sala na parang makikita lang isang palasyo. Di nagtagal ay sinalubong sila ng may edad na babae at lalaki at isang matandang lalaki na nakasuot ng magarang damit.

“Kayo ba ang magulang ng kaklase nitong aming anak?” masayang tanong ng may edad na babae.

“Opo, ako nga,” nahihiyang sagot ni Aling Cecilia.

“Ikinagagalak namin kayong makilala. Ako si Erminda at ito ang aking asawa na si Dionisio. At nais ko ring ipakilala ang AMO namin na si Mister Rakim, siya ang isa sa pinakamayamang negosyante sa Brunei at siya talaga ang nagpapunta sa inyo dito. Nagustuhan niya ang tocino at longganisa na binili sa inyo ng aming anak. Pinapunta niya kayo dito dahil nais niyang isali sa menu sa itatayo niyang negosyong restaurant dito sa Pilipinas ang inyong tocino at longganisa.

Gusto niya na ihain mo doon ang mga gawa mo. Babayaran ka niya ng malaking halaga. Bukod sa malaking bayad ay nais niyang doon ka na rin magtrabaho at pag-aaralin din niya ang anak mo gaya ng ginawa niya sa aming mag-asawa at sa aming anak. Namasukan kami ng aking mister bilang kasambahay at personal driver ni Mister Rakim. Napakabait niyang amo at napakamatulungin kaya nang magustuhan niya ang aming serbisyo ay palagi na niya kaming kasa-kasama kung saan siya magpunta.

Pinag-aaral din niya ang aming anak na si Eileen at parang pamilya na ang turing niya sa amin. Napakasuwerte niyong mag-ina dahil nagustuhan niya ang tinda niyong tocino at longganisa,” paliwanag ng babae.

Hindi makapaniwala sina Aling Cecilia at Steph na masasarapan ang banyagang amo ng mga magulang ni Eileen sa kanilang tocino at longganisa. Napakalaking oportunidad nito para sa kanila dahil malaking tulong ito sa kanilang pamilya. Agad na nakipagnegosasyon si Aling Cecilia kay Mister Rakim at tinanggap ang alok nito.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Alas singko na nang hapon nang sila ay makauwi.

“Inay, ang suwerte naman natin, biruin niyo nagustuhan ni Mister Rakim ang inyong tocino at longganisa. Binigyan ka pa niya ng trabaho at pag-aaralin pa niya ako,” tuwang-tuwang wika ni Steph.

“Magpasalamat tayo sa kaklase mong si Eileen, kung hindi siya bumili ng tinda natin ay hindi iyon matitikman ni Mister Rakim,” sabi ni Aling Cecilia sa anak.

“Oo nga po inay. Bukas po ay magbabaon ako ng tocino at longganisa, bibigyan ko po si Eileen paborito niya iyon, e. Pasasalamat ko na rin sa kanya.”

“Naku, huwag na anak. Bibigyan ko na lang siya ng tig-isang balot.”

“Sorry po pala inay kung dati ay naiinis akong magdala ng paninda sa eskwelahan. Hindi ko po akalain na iyon pa ang magdadala ng magandang kapalaran sa atin.”

“Kalimutan mo na iyon, anak. Ang mahalaga ay natutunan mong pahalagahan ang pinagkukunan natin ng kabuhayan. Tandaan mo, dahil sa tocino at longganisa ko ay nakakapag-aral kayong magkakapatid at natutustusan ang mga pangangailangan natin dito sa bahay kaya mahalin mo ang negosyo natin anak dahil darating ang panahon na ipapamana ko iyan sa inyo,” paalala ni Aling Cecilia.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Di nagtagal ay naitayo na ang restaurant ni Mister Rakim at kinuha nito si Aling Cecilia para mamahala ng negosyo. Patok din ang kanyang tocino at longganisa kaya ito ang binabalik-balikan ng mga kustomer. Pinag-aral din ng mabait na dayuhan si Steph hanggang sa kolehiyo. Lahat ng magagandang bagay na dumating sa kanila ay dahil sa naiibang lasa at sarap ng homemade tocino at longganisa ni Aling Cecilia na ginawa sa pinaghalong sipag, tiyaga at pagmamahal.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!