Dismayado ang Binata Dahil Hindi Siya Kinampihan ng Nobya sa Harap ng Matapobreng Magulang Nito, Isang Malaking Sorpresa Pala ang Naghihintay

Magkahalong excitement at takot ang nararamdaman ni Jericho. Bitbit niya ang tatlong kahon ng biko na siya mismo ang nagluto, itinuro iyon ng kanyang ina noong nabubuhay pa ito.

Ilang buntong hininga pa at kumatok na siya sa magarang pinto ng malaking bahay, isang kasambahay ang nagbukas noon.

“N-Nariyan ba si Mr. and Mrs. Sarmiento? Pakisabi mong si Jericho ito, nobyo ng anak nilang si Lia,”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Saglit siyang minasdan ng kasambahay, pumasok ito sa loob at matapos ang ilang minuto ay bumalik rin.

“Hintayin nyo na lang raw ho sila sa salas,”

Umupo siya sa sofa. Aaminin niya, sa mga nakikita ngayon sa paligid ay lalo siyang nanliliit. Noong una ay sinadya niyang pigilan ang damdamin para sa dalaga dahil obvious naman na hindi sila bagay. Nagkakilala sila sa exclusive school noong college kung saan sila parehong pumapasok.

Ang pagkakaiba lang, si Lia ay nakapag-enroll sa eskwelahang iyon dahil mayaman ito habang siya naman ay iskolar. Ulilang lubos na siya. Di nagtagal ay di niya naman natiis at umamin na rin ng pag-ibig sa dalaga. Hanggang nagtagal ng ilang taon at ngayon nga ay nais na niyang kunin ang kamay ng nobya.

Tutal ay may trabaho na naman siya sa isang opisina sa Pasay, siguro naman ay hindi na nakakahiyang humarap sa magulang ng minamahal.

Nagising siya sa pagkakatulala nang marinig na may tumikhim sa kanyang harapan.

Napatayo siya nang makitang kanina pa pala nakamasid sa kanya ang may edad na mag-asawa.

“Ano ang kailangan mo?” masungit na sabi ng ginang.

“G-Good evening po Mrs. Sarmiento, S-Sir. Ako po si Jericho, boyfriend po ni Lia.” magalang na pagbati niya, iniabot niya pa ang kanang kamay upang makipagshake hands pero hindi naman natinag ang dalawa kaya napapahiyang ibinaba niya na lang ulit iyon at namulsa.

“Para sa inyo po pala, ako mismo ang may gawa nito.” nakangiting wika niya, kahit paano ay nawala na ang kaba niya nang masulyapan si Lia na nakatayo sa itaas na bahagi ng hagdan.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“You haven’t answered my wife’s question. Ano ang kailangan mo?” diretsong tanong ng matandang lalaki.

“Gusto ko ho sanang.. pormal hong hingiin ang kamay ng inyong anak. Maging siya ay mabibigla siguro, pero bago ko siya alukin ng kasal tingin ko po ay dapat lang na magpakilala muna ako sa inyo. Inirerespeto ko po kayo at malinis ang intensyon ko-“

“Hindi.” tipid na sabi ng ginang.

“P-po?” parang nabinging tanong niya.

“Hindi pwede. At ano ang buhay na ibibigay mo sa anak namin? Akala mo ba, hindi namin alam ang relasyon ninyo? Syempre ay ipina-bakcground check ka na namin at bumulaga sa amin na kaya ka lang nakatungtong sa school na iyon ay dahil iskolar ka. Sigurado kami na pampalipas oras ka lang ng dalaga namin kaya hindi namin siya pinagsasabihan.” sabi ng matandang lalaki.

“Sir, handa ho akong pakasalan ang inyong anak. Siguro nga ay mahirap pero gagawin ko po ang lahat para mabigyan siya ng maayos na buhay. Mahal na mahal ko po siya, kung bibigyan nyo lang po sana ako ng pagkakataon.” nakatungo nang sabi niya, medyo tinatamaan sa pangmamaliit ng magulang ng nobya.

“Hindi mo talaga naintindihan ano? Pinababayaan lang namin ang aming anak, malay ba namin na makapal pala ang mukha mo na humarap pa rito? Look at you, look at her! Ang layo ng pagitan ninyo. Imposible, kung inaakala mong makakaahon ka sa hirap ay mali ka.”

Napasulyap si Jericho sa nobya na nakatayo pa rin sa dulo ng hagdan. Para siyang humihingi ng saklolo sa babae pero titig na titig lamang ito sa kanya.

“Lia, mahal mo ako diba? Pakasalan mo ako please?” halos nagmamakaawa nang sabi niya pero wala pa ring imik ang babae.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Napahiya ang binata, malungkot na ngumiti na lamang siya sa nobya. Lulugo-lugong lumabas na siya sa malaking bahay, sino nga ba naman siya para isipin niyang ipagpapalit ni Lia ang magulang nito para sa kanya?

Ilusyonado! Ambisyoso!

Napakatanga ng kanyang puso, paano namang sasama ang prinsesa sa isang pulubi?

Hindi muna siya umuwi, dumiretso siya sa isang park at doon nagpalipas ng oras. Ang hapdi ng kanyang dibdib, sobra. Parang may nakatarak na patalim.

Iba pala ang sakit kapag harap-harapan kang iniwan sa ere. Ni hindi niya alam kung paano siya makakabangon, isang mapait na ngiti ang dumapo sa kanyang mukha nang makapa sa bulsa ang pulang kahon na naglalaman ng singsing.

Ilang buwan niya ring pinag-ipunan iyon.

Alas dose na ng gabi nang mapagpasyahan niyang umuwi. Naglakad lang siya, gusto niyang mapagod ng todo para paghiga ay tulog agad. Para hindi niya na maisip pa ang dalaga.

Pero napakunot ang noo niya nang matanaw ang isang pigura na tila nakatalungko sa pinto ng kanyang apartment.

Sa tabi nito ay may dalawang malalaking bag, unti-unti siyang lumapit sa tao.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Excuse me, nakaharang ka sa aking pinto..Lia?” gulat na gulat na wika niya nang tumingala ang dalaga.

“A-Ang tagal mo namang umuwi,” sabi nito at nahihiyang ngumiti.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” bigla ang dagsa ng pag-aalala sa kanya lalo nang mapansing napakarami nang kagat ng lamok ang braso ng babae.

Bigla nalang itong humagulgol,”Sorry. Sorry kung nabigla ako kanina to the point na hindi na ako nakakilos. Sorry kung hindi kita naipagtanggol, di ko inasahan na pupunta ka roon at haharap na mag-isa. Pero eto na ako, handa akong pakasalan ka kahit anong buhay pa ang ibigay mo sa akin. Handa akong sumugal basta kasama kita.”

Nanlaki ang mata ni Jericho,”Tumakas ka sa inyo?!”

Nakangusong tumango ang babae,”Hindi na naman ako menor de edad. Pwede na akong magdesisyon ng sarili ko. At isa pa, gusto nilang lumayo ako sayo. Hindi ko iyon kaya kasi mahal na mahal kita-”

Hindi na natapos pa ng dalaga ang sasabihin dahil hinalikan na siya ng nobyo. Noong gabing iyon ay sa sahig natulog si Jericho habang sa papag naman si Lia, inirerespeto niya ang nobya at nais lamang angkinin ito kapag kasal na sila.

Napapalakpak ang dalawang batang nakikinig,”Ang galing daddy! Nasaan na po ang prinsesa ngayon?” tanong ng isa.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Napangiti si Jericho, “Well, nasa kusina at nagluluto ng pancakes natin- o ito na pala.” sabi niya, sabay tayo at niyakap ang misis na nakangiting pumasok sa kwarto.

“Mamaya na ituloy ang kwentuhan, meryenda muna tayo ha? Day off ni daddy today kaya manonood tayo ng movie,” masaya namang sabi ni Lia.

Ilang taon na ang nakalipas mula nang magpakasal sila, at masaya ang babae dahil hindi siya nagkamali ng desisyon. Pinatunayan ni Jericho sa kanyang magulang ang hangarin nito, nagsumikap mabuti ang lalaki hanggang makapagpatayo sila ng sariling negosyo.

Ngayon ay maganda na ang kanilang buhay, mayroon na rin silang dalawang anak.

Basta tunay ang pag-ibig, hahamakin ang lahat at walang pagsubok na hindi malalagpasan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!