Sinuntok at Dinuraan ng Binatilyo ang Kuya nang Malamang Pusong Babae Ito, Napaluhod Siya Nang Mabunyag ang Sikreto ng Kapatid

Tatlong taon na ang nakalipas nang pumanaw sa malubhang sakit ang ama ng magkapatid na Jansen, 19 taong gulang at Jaryl, 15 taong gulang. Ang kanilang ina naman ay binawian rin ng buhay dahil sa panganganak sa bunso.

Kaya ulilang lubos na ang dalawa, napilitang tumigil sa kolehiyo si Jansen dahil siya na ngayon ang ama at ina ng kanyang kapatid. Kailangan niyang mag-sakripisyo para rito.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Kuya, saan nga ulit ako magko-kolehiyo?” tanong ni Jaryl sa kapatid isang umaga.

“Aba, ikaw ang bahala. Depende yan, kung saan ka makakapasa ng iskolar. Kaya nga galingan mo para sa magandang eskwelahan ka makapunta,”

Tumangu-tango ang binatilyo, “Wala kang pasok ngayon kuya?” tanong niya muli. Nagtatrabaho ang kapatid niya sa isang pabrika malapit sa kanila, kapag naman maagang nakakauwi ay nakiki-pasada ito sa sidecar ng kapitbahay para dagdag kita.

“Ano’ng wala, pwede ba iyon. Edi wala tayong kinain, sige na lalakad na ako. Pumasok ka na rin mamaya ha? Alas siyete ang klase mo diba?” sabi ni Jansen, dinampot ang lumang bag at akmang palabas na sa kanilang barung-barong nang muli siyang tawagin ng kapatid.

“Kuya yung bayad ho pala sa project ko, hanggang Biyernes nalang raw. Sabi kasi ng mga kaklase ko po ay hindi raw nila ang isasama sa listahan ng mga nagpasa kapag hindi ako nag-ambag sa grupo nila. Mahal raw kasi iyon eh.”

Saglit na nag-isip si Jansen,”Magkano nga ulit?” sabi niya bago binunot ang pitaka.

“Tig-350 po kami.”

“S-sige. Iaabot ko sa’yo bago mag-Biyernes ha?” sabi nito, kahit ang totoo ay namomroblema. Mukhang mangungutang na naman ito sa amo sa pabrika.

Mabilis lumipas ang mga araw, sumapit ang Miyerkules. Ginabi na ng uwi si Jaryl dahil marami silang ginagawa sa eskwela, nagpasama pa nga siya sa mga kaklase para ipaalala sa kuya niya ang bayad sa project. Baka kasi akala nito ay nanloloko lang siya.

Ang rinig niya, hindi ito pinautang ng amo sa pabrika. Pero nangako naman ang kuya niya na gagawa ng paraan.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Jaryl bilisan na natin. Hahanapin na ako nito sa amin eh. Sabi ko naman kasi mag-tricycle na eh!” reklamo ng isang kaklase niya.

“Sayang ang trenta pesos ano! Tsaka hindi rin makakadaan ang tricycle, ayan o, may program sa basketball court. Ang daming tao.” nguso niya.

Ah, ito ang taunang Miss Vekla. Mahilig magpa-ganito ang kanilang barangay captain kasunod ng Flores de Mayo. Aliw na aliw naman ang mga tao sa lugar nila.

“P*ta Jaryl tingnan mo yung isang bekla naka-pang darna o! Laughtrip ang hayop,” sabi ng mga kaibigan niya.

Natawa rin naman si Jaryl, nawili silang lahat sa kakanood. Pero nawala ang ngiti niya nang i-announce kung sino ang nanalo.

“At ang Miss Vekla 2019 natin, ayan si Kap ang magsasabit ng sash, Jansen Pulido! Ang Bea Alonzo ng looban!” sabi ng host.

Nagpalakpakan ang mga tao habang nanigas ang binatilyo sa kanyang kinatatayuan.

“Pulido? Ka-apelyido mo? Ay, kuya mo!” sabi ng mga kaklase niya.

Kumaway-kaway ang kuya niyang tadtad ng kolorete ang mukha, naiiyak pa ito nang abutan ng trophy. Pero bumakas ang gulat sa mukha nang masulyapan siya.

Tumakbo siya sa kanila, nakakahiya! Pesteng buhay ito, ulilang lubos na nga ay puro kahihiyan pa ang ibibigay ng kuya niya! Baka kaya nagigipit sa pera ay pinag-iipunan ang gown sa pageant!

“Jaryl, Jaryl hayaan mo muna akong-” sabi ng kuya niya na nasa likod niya na pala pero hindi na ito nakapagsalita dahil sinalubong ito ni Jaryl ng pagkalakas-lakas na suntok.

“Nakakadiri ka! Nakakahiya ka Jansen! Hindi kita Kuya, nakakahiya ka wala akong kapatid na binabae! Baboy, kadiri!” paulit-ulit na sabi niya habang pinagsususuntok ito.

Pinagtitinginan na sila ng mga kapitbahay. Bago siya umalis ay dinuraan niya pa ito sa mukha.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Nagtatakbo siya palayo. Bahala na kung saan siya makarating, halu-halong emosyon ang kanyang nararamdaman. Dinala siya ng kanyang mga paa sa isang park.

Marami ring tao roon, palibhasa ay may tiyangge. Napasulyap siya sa isang pamilya na masayang kumakain ng inihaw na hotdog. Hawak ng ama ang inumin habang ang ina naman ay abalang umalalay sa dalawang anak nitong lalaki, tinutulungang hipan at wag matuluan ng ketchup ang mga damit.

Isang mapait na ngiti ang rumehistro sa kanyang mukha. Nang mawala ang mga magulang nila, ang kuya Jansen niya ang naging nanay at tatay niya. Kinalimutan nito ang sariling kabataan at sumabak sa pagbabanat ng buto para may maipakain sa kanya.

Eh ano naman kung b*kla ito? Sumobra yata siya. Pinahid niya ang luha at nagsimula nang maglakad pauwi.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Inabutan niya ang kapatid na nakatalungko sa pinto ng kanilang barung-barong. Hindi na ito naka-gown at wig pero puno pa rin ng kalat na make up ang mukha, umiiyak.

“K-Kuya..”

Lumingon ito sa kanya, mapait na napangiti.

“Sabi ko na, uuwi ka eh.” sinenyasan siya nitong tumabi rito.

Patakbo niya itong niyakap at paulit-ulit na humingi ng tawad, “Sorry kuya. Okay lang sa akin kahit na ano ka pa, maniwala ka. Nabigla lang ako kanina. Hindi ka nakakadiri.. kapag may nagsabi sayo noon ay ako mismo ang susuntok sa bibig nila.

Mahal kita kuya kahit na ano pa ang kasarian mo. Tayo ang magkasangga,”

“Yan ang kapatid ko,” proud na sabi ni Jansen.

Naputol ang pag-uusap nila nang marinig nilang tumikhim ang host kanina. Napalingon sila pareho.

“Naka-istorbo ba ako sa drama? Sorry ha, iaabot ko lang itong premyo mo. Tsaka.. yung gown at wig ko ha? Paki-soli mo nalang. Infairness, ang galing mong magpanggap na beki,”

Gulat na napatingin si Jaryl sa kapatid,”Nagpanggap ka lang?”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Natatawang tumango si Jansen.

“Ay hindi mo alam?! Hala, nagmakaawa iyan sa organizer na isali siya kahit na hindi siya veks! Gagalingan niya raw, need kasi ng money para sa project mo yata. Ay ang drama ninyong magkapatid!” natatawang sabi nito bago kumekendeng na nag-martsa paalis.

Lalo namang naiyak si Jaryl, di bale nang mapahiya..para sa kanya ay gagawin ng kuya niya ang lahat.

Mula noon ay nangako siyang mamahalin ito lalo, pinagbuti niya ang pag-aaral hanggang makatapos siya sa kursong Engineering. Nang makaipon ay pinag-aral niya rin ang kanyang kuya Jansen, ngayon ay pareho na silang graduate.

Magka-sosyo sa isang negosyo, si Jansen ay may sarili nang pamilya habang si Jaryl naman ay ikakasal palang. Malaki ang pasasalamat niya, dahil alam niyang hindi niya mararating ang lahat ng ito.. kung hindi dahil sa kanyang ulirang Kuya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!