Inasahan ng Dalaga na Mas Malaki ang Mamanahin Dahil Mas Matalino Siya sa Kapatid, Supalpal Siya nang Mabuklat ang Huling Habilin ng Ama

Hinimas ni Savana ang sentido, sumasakit ang ulo niya dahil sa dami ng trabaho rito sa Amerika. Palibhasa ay mataas na ang kanyang posisyon. Dumagdag pa ang daddy niya sa Pilipinas na hinahanap raw siya, sabi ng kapatid niyang si Angel ay baka raw makakapagbakasyon siya kahit na isang linggo lang nanghihina na ang kanilang ama.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Labag man sa kanyang kalooban ay inasikaso niya na rin ang pag-uwi, sasamantalahin niya na dahil kailangan niya na ring lakarin ang papeles para sa mamanahin niya sakaling sumakabilang buhay na ang kanyang ama.

“Where is he?” tanong niya kay Angel nang makarating na siya rito sa Pilipinas.

“Natutulog sa kwarto niya ate, baka pwedeng mamaya ka na pumasok dahil hirap siyang dalawin ng antok. Ngayon lang nakakabawi, kapag hindi sumusumpong ang hapdi,” sabi ng dalaga.

Namasdan ni Savana ang kapatid, kabaligtaran niya ito. Kung siya ay taas noo palagi, sigurado sa sasabihin at matalino, ito naman ay mahiyain, palaging nagkakamali at hindi ganoon kagaling.

Kaya nga siguro siya ang favorite ng kanilang ama. Nang magkasakit ang matanda ay kaga-graduate niya lamang ng kolehiyo, aba, hindi niya maaaring ipagpalit ang career para lang rito. Sabi niya ay kumuha nalang ng nurse tutal ay marami naman silang pera, pero ang kapatid niya ang nagprisinta na mag alaga sa lalaki.

Ayos lang iyon, tutal ay tiyak nya namang hindi magtatagumpay sa buhay si Angel dahil nga mahina ang ulo nito. Bagay lang rito na magbantay sa bahay.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Nagising siya sa pagkakatulala nang muling magsalita ang kanyang kapatid, “Kumusta ang Amerika ate? Ang trabaho mo, magkwento ka naman. Ilang taon rin tayong hindi nagkita,” nakangiting wika nito.

“Maski na magkwento ako ay hindi mo rin naman maiintindihan. Ingles ang usapan namin doon ng mga ka-trabaho ko, tsaka kung sakali rin naman na ibahagi ko sa iyo ay may mga salitang maguguluhan ka. Business terms, iyon ngang mga nakapag-aral ay hirap na umunawa, ikaw pa kayang hindi nakatungtong ng kolehiyo?”

Napatungo ang dalaga sa kanyang winika, halatang nasaktan. Pero mabilis itong nagpaskil ng ngiti sa mukha, “Kape ate? Tubig? Ano ang gusto mong meryenda?”

Bumuntong hininga si Savana,”Angel, nasasayang ang oras ko. I have to talk to dad na about sa mana. Marami kaming kailangang i-settle tungkol sa negosyo ng pamilya, dito sa bahay at kung paano ima-manage ang mga naiwan niya,” kumislap pa ang mata ng dalaga. Maisip niya palang ang mamanahin niya ay napapangiti na siya.

Siguro ay bibigyan niya naman ang kapatid, baka puhunan para magsari-sari store ito or kapirasong bahagi ng bahay. Masasayang lang ang pera kung pagkakatiwalaan niya ito ng malaki.

“Pasensya kana talaga, kasi kakatulog niya lang. Kawawa naman ang daddy kung-“

“Come on, shut up. Hindi ko na problema kung magising siya. Edi patulugin mo ulit! That’s your job, iyon na nga lang ang ginagawa mo ay magrereklamo ka pa,” asar na sabi niya bago nagmartsa paakyat sa hagdan at dire-diretsong umakyat sa kwarto ng matanda.

Ginising niya ang ama, ni hindi man lang naisip na hagkan ito matapos ang matagal na panahong hindi nagkikita. Diretsa niya na itong tinanong tungkol sa mana, ngumiti naman ang matanda.

“Syempre ay naayos ko na iyan, wag ka nang mag-alala anak. Everything is settled.”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Ilang linggo lang ang lumipas ay pumanaw na rin ang matanda. Iyak nang iyak si Angel habang si Savana naman ay hindi na mapakali tinatabunan palang ng lupa ang ataul ng tatay nila. Mana na agad ang iniisip niya.

Pag-uwi sa bahay ay agad niyang tinawagan ang abogado ng kanyang ama upang basahin ang last will and testament.

“Angel, mamaya na yang pagliligpit mo ng gamit ng daddy. Makinig na muna tayo dito kay attorney, mahalaga ito. Baka sabihin mo ay ginogoyo kita pag nalaman mo kung gaano kaliit ang sa iyo,” sabi ni Savana sa kapatid.

Humikbi ang dalaga, “Hindi naman mahalaga ate kung magkano ang makuha ko. Mas gusto ko pa rin kung narito ang daddy,” malungkot na sabi nito.

Napairap si Savana, “Sige na attorney pakibasa nyo na po,” nakangisi niyang sabi.

“Sige po. Actually dalawa itong iniwan ng daddy ninyo, isang last will at isang liham para sa inyong dalawa.”sabi ng matandang abogado, sinimulan nang buklatin ang mga papel.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Inayos pa nito ang salamin bago muling nagsalita, “Savana will get 50 thousand pesos, habang si Angel naman ang makakakuha ng lahat ng ari-arian ng inyong ama.”

Nakanganga ang dalawa, namula ang buong mukha ni Savana.

“Ano na? Iyon na yon? Baka nagkapalit ng pangalan!” galit na wika niya.

Umiling ang attorney. “Mas mabuti po sigurong basahin ko ang liham para malinawan tayo,”

“Mas mabuti nga! Dalian mo na at ma-aaltapresyon ako sa mga sinasabi mo!”

Savana at Angel,

Para sa iyo muna panganay ko, oo tama ka na habang lumalaki kayo ay ikaw ang paborito ko. Di hamak kasi talagang mas strong ka at mas marunong kaysa sa iyong kapatid. Kaya nga mas maliit ang mana mo dahil alam ko naman na kahit saang parte ka ng mundo mapadpad ay mabubuhay ka, dahil nga magaling ka.

Sa akin namang si Angel, bagay sa iyo ang pangalan mo anak. Dahil sa kabila ng favoritism ng daddy, hindi nagbago ang pagmamahal mo sa akin kahit harap-harapan kita kung ikumpara sa ate mo noon. Siguro nga ay kulang ka sa utak anak pero sobra sobra ang iyong puso at ngayon ko lang naisip na mas mahalaga pala iyon. Alam kong hindi masasayang ang pagpapamana ko sa iyo ng lahat. Salamat at hindi mo ako iniwan, anak.

Mahal ko kayo pareho.

Daddy

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Hindi makapaniwala si Angel, masaya siya hindi dahil sa minana kundi dahil nakikita rin pala ng kanyang ama ang pagmamahal niya para rito.

Si Savana naman ay umiiyak na tumakbo palabas, akala niya ay paborito siya ng daddy niya pero ngayon ay mas pinamanahan nito ang kanyang kapatid. Ngayon niya lang naisip ang kanyang pagkukulang, sa kabila ng tagumpay ay nakalimutan niya at inabandona ang ama. Magsisi man siya ay huli na.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!