Iritado na ang mga Pasahero dahil sa Sobrang Bagal na Pagmamaneho ng Drayber ng Jeep, Nanlambot ang Kanilang mga Puso Nang Malaman ang Dahilan Nito

Dalawang dekada nang drayber ng jeep si Tatay Pedro. Masasabing naging maganda ang naging bunga ng kanyang paghahanap-buhay dahil nagawa niyang pag-aralin ang kanyang mga anak kasabay ang mapakain ang kanyang pamilya higit pa sa tatlong beses sa isang araw.

“Tay, malapit na po pasukan namin,” bati ng anak ni Pedro sa kanya pagkauwi nito galing byahe.

“Oo nga, James. ‘Wag kayo mag-alala, na-enroll ko na kayo ni Jess sa paaralan. Galingan niyo ulit sa pag-aaral ha? Ga-graduate ka na sa elementary, kaya’t galingan mo pa para makapagtapos ka ng pag-aaral at hindi ka magaya sa akin,” masayang sagot naman nito sa anak.

“Jess! May pasalubong ako sa inyo. Alam ko gusto mo ito,” sigaw naman ni Pedro habang hinahanap si Jess.

“Ano po iyon, ‘tay?” sagot naman ni Jess habang nagmamadaling lumabas ng banyo.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ito yung gusto mong laruan ‘di ba?” nakangiting tanong ng ama habang sinusuklayan ang manika na hawak nito.

“Hala! Opo, papa. Matagal ko na pong pangarap ang magkaroon ng ganyan! Thank you po,” sagot ng anak kay Pedro habang hinahalikan ito sa pisngi.

“Oh, mga anak! Tara na at kumain na tayo nang sabay-sabay. Naihanda ko na ‘yong pagkaing inuwi ng tatay niyo,” sabi ni Imelda na siyang asawa ni Pedro. Pagkakain ay agad na gumayak ang mga bata ng pantulog para maagang makapaglaro sa labas kinabukasan. Kinausap naman ni Imelda ang asawa tungkol sa kanyang pagmamaneho ng jeep.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Pedro, alam kong napakasipag mo sa paghahanap-buhay. Pero ang tanging hiling ko lang, bawas bawasan mo ang pagiging kaskasero mo sa pagmamaneho ha? Baka magaya ka sa nabalita kanina, nawalan bigla ng preno yung jeep na minamaneho kaya walang nagawa kundi ibunggo yung jeep,” sabi nito kay Pedro.

“Ganoon ba? O sige, makakaasa kang iaayos ko na para iwas huli at disgrasya,” nakangiting sagot ni Pedro sa asawa.

Makalipas ang ilang linggo ay pumapasada si Pedro sa kanilang lugar malapit sa eskwelahan ng kanyang mga anak. Napansin niyang maluwag ang kalsada kung kaya’t ipinaharurot nito ang kanyang minamanehong jeep. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang bata ang hindi niya nakita tumatawid sa pedestrian lane sa tapat mismo ng eskwelahan.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Sinubukan niyang tapakan ang preno ngunit isang malakas na galabog ang kanyang narinig, matapos noon ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay sa lakas ng impact ng pagkakabunggo. Nagising na lamang siyang nakahiga sa isang ospital na napapaligiran ng mga pulis.

“Pedro? Narito sila upang hulihin ka at arestuhin sa salang pagkakabunggo sa isang binatilyo,” hagulgol ng kanyang misis. Nabuhay naman daw ang binatilyo ngunit ayaw palagpasin ng mga magulang niya ang nangyari, dahil ayon sa kanila ay dapat maging aral ito sa iba pang mga drayber na dapat ay nag-iingat sa pagmamaneho.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Napakatagal na lumipas ng tatlong taon na nasa loob ng piitan si Pedro. Ang asawa niya ang tanging kumayod upang maipagpatuloy ng kanilang mga anak ang pag-aaral. Kaya naman pagkalabas na pagkalabas niya mula sa pagkakakulong ay bumalik ito sa pagmamaneho ng jeep, dala-dala ang aral na dapat ay todo-ingat na siya kahit pa tila maluwag ang mga kalsadang kanyang pinapatakbuhan.

“Manong! Ano ba naman iyan? Ang bagal mo naman magpatakbo! Malelate na ako sa trabaho ko,” sabi ng isang galit na pasahero nito.

“Oo nga, manong. Ang luwag luwag ng kalsada pero ‘di mo manlang iharurot yung jeep mo!” gatong pa ng isa.

“Pasensya na po kayo. Nag-iingat lang po,” nakangiting sagot nito sa mga pasahero.

“Walang tao, walang sasakyan. Saan ka nag-iingat? Sa anino ng jeep mo?” pikon na tanong ng isa pang pasahero.

“Hayaan niyo na si tatay, baka may rason kung bakit mabagal ang pagpapatakbo niya ng jeep,” sabat ng isang nagmamalasakit na pasahero.

“Paano naman kami? Male-late na kami sa mga trabaho namin,” sagot ng isang pasahero. Bigla naman pinahinto ni Pedro ang minamanehong jeep at dahan-dahang humarap sa mga pasahero. Gulat naman ang mga ito dahil kahit nakangiti sa kanila si Pedro ay tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata nito. Tatanungin na sana nila kung bakit umiiyak ito pero naunahan silang magsalita nito.

“Pasensya na po kayo mga mahal kong pasahero. Nag-iingat lang po ako. Baka kasi makabangga ako ng biglang tatawid na tao. Dati po kasi, sa lugar mismo na ito ay ipinaharurot ko ang jeep na ito sa kadahilanang maluwag ang kalsada, ngunit sa hindi inaasahan ay nagmadaling tumawid ang isang estudyante at nahagip ko siya,” bungad nito sa mga pasahero.

“Sa tatlong taon na pagkakakulong ko? Hindi lang po pera ang nawala sa akin. Kundi ang tiwala ng aking misis, at ng aking mga anak. Kaya ngayon, pagpasensiyahan niyo na po ang pagpapatakbo ko. Gusto ko lang naman hong makasiguro na walang mapapahamak na tao, at gusto ko lamang na maibalik na ang tiwala ng aking pamilya sa akin,” patuloy nito.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Pagkatapos nito ay naiwang tulala ang mga pasahero ni Tatay Pedro. Napagtanto nilang tama ang lalaki.

“Oo nga naman! Kung maaga kayong babangon sa umaga, hindi kayo mahuhuli sa pagpasok! Huwag ninyong iasa ang pagmamadali sa mga drayber na ang gusto lamang ang kumita para sa kanilang mga pamilya,” wika ng isa.

Isa-isang humingi ng tawad ang mga pasahero. Itinuloy na lamang ni Pedro ang pagbabagong-buhay, at ‘di nagtagal ay nakuha na rin niyang muli ang tiwala at pagmamahal ng kanyang asawa’t mga anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!