Ang Babae Lamang ang Palaging Nasusunod sa Kanilang Relasyon, Iyak Siya Isang Araw na Mapuno ang Kanyang Nobyo

Anim na taon nang nagsasama bilang magkasintahan sina Melrose at Henson. Nagkakasundo naman sila sa lahat ng bagay at tanggap ng kani-kanilang pamilya kung ano man ang mayroon sila. Sa kanilang dalawa ay si Melrose ang mas bukas sa komunikasyon kumpara kay Henson. Tahimik lang kasi ang binata at may pagka-mahiyain kumpara sa nobya na madaldal at pala-kuwento. Ang problema lang, ang babae lang rin ang palaging nasusunod.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Babe, may sasabihin sana ako sa iyo,” seryosong sabi ni Henson.

“Sure, ano naman iyon, babe?” nakangiting tanong ni Melrose sa nobyo.

“Napagplanuhan kasi naming magkakabarkada na mag-mountain climbing ngayong darating na Sabado. Matagal na namin iyong napag-usapan kaya magpapaalam sana ako sa iyo na baka kung puwede akong sumama sa kanila?”

“Babe, di ba may pupuntahan tayo sa Sabado? Nangako ka na magde-date tayo nun. Minsan na nga lang tayo magkasama ng mahaba-habang oras, tuwing Sabado at Linggo na nga lang tayo nakakalabas  at nakakapamasyal, e. Baka naman puwedeng sa susunod na linggo na lang kayo mag-mountain climbing? Sabihin mo na lang sa mga kabarkada mo na i-resched, okay lang ba?”

“O-okay, babe. Sabihin ko na lang sa kanila na sa susunod na linggo na lang namin ituloy ang mountain climbing,” mahinang sabi ng lalaki.

“Thank you, thank you babe! Sabi nga ba at pagbibigyan mo ako, e,” tuwang-tuwang wika ni Melrose sabay yakap nang mahigpit sa nobyo.

Sa loob ng anim na taon ay ganoon ang takbo ng kanilang relasyon. Palaging si Melrose ang nasusunod sa kanilang dalawa at si Henson ang palaging umuunawa sa kagustuhan ng nobya.

Minsan ay niyaya ni Henson si Melrose na magpunta silang dalawa sa beach. Tutal ay isineselebra naman nila ang kanilang anibersaryo bilang magkasintahan.

“Ano babe, magpapa-book na ako ng ticket papuntang Palawan.  Magaganda ang beach doon, siguradong mare-relax tayong dalawa,” wika ng lalaki.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“May sasabihin kasi ako sa iyo, babe tungkol diyan.”

“Ano?”

“H-hindi kasi ako papayagan nina Papa kapag tayong dalawa lang, e. Papayag lang sila kung kasama ang kapatid kong si Menchie,” hayag ng dalaga.

“P-pero anniversary natin iyon, hindi ba natin puwedeng ma-solo muna ang isa’t isa?” tanong ng nobyo.

“Pasensya ka na, iyon ang kondisyon nina Papa, e. Wala akong magagawa,” anito sa malungkot na boses.

“Ano pa bang magagawa ko. Sige, maaari mong isama ang kapatid mo,” lulugo-lugong sabi ng lalaki.

Natuloy ang bakasyon nilang dalawa kasama ang kapatid ng dalaga. Kahit paano nairaos naman nila ang kanilang anibersaryo, iyon nga lang ay hindi na-solo nina Melrose at Henson ang isa’t isa dahil palaging nakabuntot sa kanila ang kapatid. Maging sa higaan ay magkakatabi pa silang natutulog. Kaya halos hindi nahawakan ng lalaki ang nobya.

Ilang araw matapos nilang makabalik sa bakasyon ay nagpaalam ulit si Henson sa nobya na pupunta naman sa kaarawan ng matalik nitong kaibigan.

“Babe, magpapaalam sana ako sa iyo. Birthday ngayon ni Kyle at nangako ako na pupunta sa bahay nila kasama ng iba pa naming kabarkada,” paalam ng lalaki.

“Naku, babe puwede bang pass ka muna diyan? Magpapasama sana ako sa iyo na bumili ng birthday gift para kay Mama, e,” wika ng dalaga.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Nangako kasi ako sa bestfriend ko na naroon ako sa espesyal na araw niya, e. Kahit ngayon lang, babe pagbigyan mo naman ako,” pagsusumamo ng nobyo.

“Pero mahalaga rin ang regalo para kay Mama. Wala namang pasok bukas kaya puwede mo siyang puntahan sa kanila. Ako muna ang samahan mo, please?” pakiusap ng dalaga.

Napapikit na lang si Henson at matipid na nginitian ang nobya.

“Okay, babe. You win,” anito.

Nang sumunod na buwan ay naging mas madalang ang pagkikita ng magkasintahan dahil ipinadala si Henson ng kumpanyang pinagtatrabahuhan nito sa Davao at doon nadestino ng dalawang linggo kaya tawag at text na lang ang magiging komunikasyon nila. Ngunit kahit sa mga paraang iyon ay hindi nagparamdam ang lalaki. Nag-aalala na nga ang dalaga kung bakit hindi man lang tumatawag o nagte-text sa kanya ang nobyo samantalang nangako sila na kukumustahin ang isa’t isa kahit magkalayo sila.

Hindi nagtagal ay bumalik na rin si Henson, natapos na ang trabaho nito sa Davao ngunit napansin ni Melrose na may nagbago rito. Kung dati ay sobrang lambing nito sa kanya kapag magkasama sila, sa pagbabalik nito ay tila nabawasan ang lambing na iyon. Nag-aalala rin siya kung bakit hindi na siya nito dinadalaw sa bahay nila simula ng magbalik ito ngunit isang araw ay nagulat siya nang bigla itong magpakita sa kanya.

“O, babe, bakit ngayon ka lang ulit bumisita? Alam mo ba na tinatanong ka sa akin nina Papa?” ani Melrose sa nobyo sabay yakap rito nang mahigpit.

“Maaari ba tayong mag-usap?” seryosong tanong ng lalaki.

Napansin ng dalaga na halos hindi man lang siya nito niyakap. Wala man lang itong reaksyon nang yakapin niya. Naramdaman niya ang panlalamig ng lalaki.

“Ano naman ang pag-uusapan natin? Huwag mong sabihin na magpo-propose ka na sa akin ng kasal?” excited niyang tanong.

“Ayoko na, Melrose. Pagod na ako,” anito.

Nagpanting ang tainga ng dalaga sa sinabi ng nobyo. Pinilit niya ang sarili na nagkamali lang siya ng pandinig.

“What? H-hindi kita maintindihan, babe?” nagtataka niyang tanong.

“Sabi ko, ayoko na. Sakal na sakal na ako sa relasyon natin Melrose. Ang akala ko ay kaya ko pang tiisin ang pakikisama sa iyo pero wala na talaga, e. Wala na akong nararamdaman sa iyo,” bunyag ng lalaki.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“S-sabihin mo na nagbibiro ka lang. Hindi totoo iyang mga sinasabi mo, niloloko mo lang ako ‘no!” aniya sa nanginginig na boses.

“Totoo ang mga sinabi ko. Nang madestino ako sa malayo ay napagtanto ko na ang dami kong oras na sinayang, ang dami kong pinalagpas dahil sa sobrang paghihigpit mo sa relasyon natin. Ang dami kong hindi nagawa, mga hindi napupuntahan, mismong pagpunta sa birthday ng bestfriend ko na itinuring ko ng kapatid, ay hindi ko nadaluhan dahil sa ayaw mo.

Noong anniversary natin, hindi man lang tayo nagkaroon ng pagkakataong makapagsarilinan. Kung tutuusin ay puwede mo namang ipaglaban sa mga magulang mo. Gusto mo ay ikaw na lang palagi ang nasusunod at ako ang palaging susunod sa iyo. Sa anim na taong pinagsamahan natin ngayon lang ako nagkaroon ng boses, Melrose, ngayon lang!” hayag ni Henson.

Hindi na napigilan ng dalaga na mapaiyak.

“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin na ganyan pala ang nararamdaman mo? Na nasasakal ka na, na nahihirapan ka na? E, di sana ay nalaman ko na sumusobra na pala ako. Ang daya mo, Henson. Ngayon mo lang hinayaan na sumabog ang nararamdaman mo samantalang wala akong kaalam-alam na naghihimagsik na pala ang kalooban mo sa akin. Tapos ay sasabihin mo na ayaw mo na at pagod ka na? Itatapon mo lang ang anim na taon?”

“Sorry, Melrose pero ayoko na talaga. Sa ating dalawa ay ikaw na lang ang nagmamahal. Kaya please, huwag na nating pahirapan ang isa’t isa,” anito.

“May mahal ka na bang iba?” biglang tanong ng dalaga.

Napapikit ang lalaki at sa muling pagmulat ng mga mata ay sinagot ang tanong ni Melrose.

“Oo at mahal ko na siya. Noon pa. Sa kanya ko naramdaman na ako ay malaya.”

Halos madurog ang puso ni Melrose sa ibinunyag ng nobyo.

“Noon pa? I-ibig sabihin, may mahal ka ng iba noong tayo pa? At wala rin akong kamalay-malay?” sunud-sunod na tanong ng dalaga.

Tumango lang si Henson na nangangahulugan na tama ang mga sinabi niya.

Gusto ni Melrose na ipaglaban ang nobyo ngunit nang malaman na may iba na itong mahal ay gumuho na ang kanyang pag-asa na maaayos pa nila ang kanilang relasyon.

“Kasalanan ko ito, e. Naging mahigpit ako sa iyo sa lahat ng bagay. Hindi kita binigyan ng kalayaan sa mga simpleng kagustuhan mo. Siguro nga ay hindi ako naging mabuting nobya sa iyo pagdating sa ganoong aspeto pero isa lang ang sinisiguro ko sa iyo, minahal kita, Henson. Mahal na mahal kita.

Kung hindi ka na masaya sa akin ay maluwag kong tatanggapin dahil ganoon kita kamahal. Kung mas magiging masaya ka sa piling ng babae na bago mong mahal ay pinapalaya na kita. Patawad sa lahat, Henson. Salamat din sa lahat ng pagmamahal at sakit na ibinigay mo sa akin. Lalo na sa sakit, dahil ito ang gagawin kong inspirasyon para tuluyan ka nang makalimutan. Makakaalis ka na,” sabi niya sa lalaki.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Walang ibang nasabi si Henson kundi “Sorry’ bago tuluyang lumabas sa pinto.

Naisip ni Melrose na kung hindi sana sumobra ang paghihigpit niya kay Henson ay hindi siya nito magagawang iwan at ipagpalit sa iba. Ipinangako niya sa sarili na hindi na niya panghihimasukan ang kagustuhan ng mga taong nagmamahal sa kanya at natuto na rin siyang pahalagahan ang nararamdaman ng mga ito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!