Hindi Maaaring Paghiwalayin ang Kambal Dahil ang Isa sa Kanila ay Nanganganib ang Buhay, Anong Kapalaran ang Naghihintay sa Magkapatid?

“Pasensya ka na, Bando. Hindi kita mapagbibigyan ngayon. Ang usapan ay usapan, kung gusto mo pang makaulit sa susunod, magbayad ka ng tama,” wika ni Andoy sa lalaki matapos itong makiusap na kung maaari ay ipagpaliban na muna ang pagbabayad ng utang dahil nagkasakit ang anak nito.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Nang makaalis ang lalaki ay nilapitan ni Nora ang asawang si Andoy habang nagbibilang ng pera.

“Andoy. Sa tingin mo ba’y tama ang pinasok nating negosyo? Hindi ba’t panlalamang sa kapwa ang ginagawa natin?”

“Ano ka ba naman, Nora? Ano naman ang masama sa pagpapautang at pagbibigay ng kakaunting tubo. Hindi naman tayo mayaman para magpautang lang nang magpautang sa mga tao. Aba’y kailangan nating kumita dahil manganganak ka na,” anito.

Nang biglang makaramdam ng pananakit ng tiyan ang babae.

“Diyos ko, humihilab na, Andoy. Manganganak na yata ako!” sigaw ng asawa.

“Hayaan mo at susunduin ko si Aling Martha,” sabi ng lalaki at sinundo ang kilalang kumadrona sa kanilang lugar.

‘Di nagtagal ay ipinanganak ni Nora ang kambal na sanggol na sina Romina at Daniela. Limang taong ipinagdasal ng mag-asawa na magkaroon sila ng anak. Pero nang gabing isilang ni Nora ang mga anak ay may kakaibang nangyari sa kambal. Ang akala ng kumadrona ay wala nang buhay na lumabas sa sinapupunan ni Nora ang isa sa kambal nitong si Romina dahil hindi na ito humihinga at maputla na ang balat ngunit nang buhatin ito ni Andoy upang itabi sa kakambal na si Daniela ay muling huminga at gumalaw ang sanggol matapos muling makasama ang kakambal sa higaan.

“Anong kababalaghan ito? Hindi humihinga ang isang sanggol kapag nahihiwalay sa kanyang kakambal,” nagtatakang sabi ni Aling Martha.

Mabilis na lumipas ang panahon at walong taong gulang na ang kambal nina Andoy at Nora. Subalit nanatili ang tila sumpang bumabalot sa magkapatid. Walang araw na hindi nakalimot si Nora na paalalahanan ang mga anak.

“Daniela, anak. Huwag na huwag kang lalayo sa iyong kapatid ha! Lagi mong tatandaan na hindi kayo maaaring magkahiwalay sa isa’t isa,” nag-aalalang sabi ng ina.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Opo, inay,” sagot ni Daniela at sabay na lumabas ng bahay ang kambal para maglaro.

Sa kabila ng kakaibang kondisyon ng kambal ay pinilit nilang mamuhay ng normal gaya ng ibang bata subalit sadyang mahirap dahil sa dami ng limitasyon na pumipigil sa magkapatid gaya ng pakikipaglaro sa mga kaibigang bata. Pagsali sa mga aktibidad sa eskwela kung saan kailangan na magkahiwalay sila. Ngunit sa kabila noon ay unti-unti namang umangat ang kabuhayan ng kanilang pamilya dahil sa negosyo ng kanilang mga magulang na pautang ngunit sa kabila ng pag-asenso ng mag-asawang Andoy at Nora ay wala namang anumang halaga ang katumbas ng solusyon sa problema ng kanilang mga anak. Lumapit na sila sa mga mahuhusay na doktor, pari, maging sa mga albularyo ngunit hindi masagot ng mga ito ang problema ng kambal.

Mabilis na lumipas ang mga taon. At nasa tamang edad na ang kambal. Isang araw ay tinanong ni Andoy sa mga anak kung ano ang pangarap ng mga ito sa buhay.

“Mga anak, ngayong nalalapit na ang inyong pagtatapos sa high school ay nakapag-isipan niyo na ba ang kukuning kurso sa kolehiyo?” tanong ni Andoy sa mga anak.

“Ako itay ang gusto ko po ay maging abogado kaya kursong Abogasya po ang kukunin ko,“ sabi ni Romina sa ama.

“Magaling, anak! Ikaw, Daniela ano ang ambisyon mo sa buhay?” tanong naman nito sa isang kambal.

“Wala po. Babantayan ko lang po si Romina. Maaari po sigurong maging alalay ako ng aking kapatid kapag naging abogado na siya,” wika ni Daniela at nginitian ang kakambal.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Parang sinaksak ng punyal sa dibdib ang mag-asawang Andoy at Nora. Hindi lamang si Romina ang nagdurusa. Maging si Daniela. Bagama’t may kakayahan ang dalagita na huminga kahit mawalay sa kakambal nito ay hindi naman niya kailanman maaaring iwanan ang kapatid. Laking pasasalamat na lamang ng mag-asawa at si Daniela ay likas na mapagmahal sa kanyang kakambal. Tiwala sila na walang gagawin si Daniela na maaaring ikapahamak ni Romina.

Isang gabi, habang nakahiga sa kama ay may itinanong si Romina sa kanyang kakambal.

“Daniela, nahihirapan ka na ba sa sitwasyon natin?” seryosong tanong ni Romina.

“Ha? Hindi. Bakit mo naman naitanong iyan?”

“Kapag nawala ako, ipangako mo sa akin na lahat ng gusto mong gawin sa buhay ay gawin mo. Tuparin mo ang mga pangarap mo. Utang ko sa iyo ang bawat hibla ng buhay ko, Daniela. At mababayaran ko lamang ang mga inagaw kong panahon, kapag nawala na ako sa mundong ito,” sabi ng kakambal.

Napabalikwas si Daniela sa tinuran ng kapatid.

“Ano ba iyang mga pinagsasasabi mo? Hanggang sa dulo ng buhay ko ay magsasama pa rin tayo. Kapatid kita at kambal tayo. Mabubuhay tayo ng sabay.”

“Gusto kong mabuhay ka ng normal, Daniela. Ayokong ipagdamot sa iyo ang iyong kalayaan. Napakabuti mong kapatid. Alam mo ba na gabi-gabi kong ipinagdarasal sa Diyos na ikaw ang naging kakambal ko. Napakasuwerte ko at ikaw ang naging kapatid ko.”

“Mas masuwerte ako dahil ikaw ang naging kakambal ko, Romina dahil mula ng isilang tayo ay ikaw na ang naging karamay ko sa hirap at ginhawa.”

At nagyakap ang magkapatid. Hindi nila namalayan na nakatulog na pala sila nang magkayakap nang mahigpit sa isa’t isa.

Minsan habang naglalakad ang kambal papunta sa papasukan nilang unibersidad ay hinangin ang suot na sombrero ni Daniela. Tumakbo ito para kunin ang sombrero ngunit hindi nito napansin ang rumaragasang kotse na parating. Agad na nakita ni Romina ang parating na sasakyan. Hindi nagdalawang-isip ang dalagita at itinulak sa gilid ng kalsada ang kakambal at siya ang nahagip ng kotse. Nakaladkad si Romina hanggang sa bumulagta sa kalsada ang duguan niyang katawan.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Romina!!!” sigaw ni Daniela at nagmamadaling nilapitan ang naghihingalong kakambal.

“D-Daniela, salamat sa lahat. Mahal na mahal kita!” taniging nasabi ni Romina at binawian na ito ng buhay.

Nagluksa hindi lamang ang pamilya ni Andoy kundi ang buong baryo sa pagkawala ni Romina. Alam ng mga ito ang hirap na pinagdaanan ng magkapatid ng nabubuhay pa ang kakambal ni Daniela kaya halos bumaha ng luha sa burol ng dalagita.

Sinisi naman ni Andoy ang sarili sa pagkawala ng isang anak.

“Diyos ko, patawarin ninyo ako sa mga kasalanan at pagkukulang ko. Ipinapangako ko po na titigilan ko na ang panlalamang sa kapwa,” mangiyak-ngiyak na wika ng lalaki.

Napagtanto niya na tama ang asawang si Nora na may nakatakdang balik ang anumang uri ng panlalamang sa kapwa. Sa kabila ng kanilang marangyang pamumuhay ay ang buhay naman ng isa nilang anak na si Romina ang naging kapalit.

Habang patuloy namang pinagmamasdan ni Daniela ang wala ng buhay na kapatid sa loob ng kabaong ay wala pa ring patid ang pagdaloy ng kanyang luha at patuloy na nagpapasalamat sa ginawang pagliligtas sa kanya ng kapatid.

“Ang daya mo, Romina. Bakit mo ako iniwan? Okay lang naman sa akin kahit habang buhay na akong nasa tabi mo pero umalis ka pa rin ang iniwan akong mag-isa,” patuloy na pagtangis ni Daniela.

Nilapitan ni Nora ang anak at niyakap nang mahigpit para maibsan ang labis nitong kalungkutan. Nagpasalamat din ito sa anak na si Daniela dahil ito ang naging kakambal ni Romina. Si Daniela na walang ibang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang kapatid sa loob ng ilang taon.

Sa pagkawala ni Romina ay mag-uumpisa na si Daniela na ipagpatuloy ang sariling buhay na mag-isa. Tinupad naman niya ang hiling noon ni Romina na gawin ang lahat ng gusto niyang gawin. Nakapagtapos siya sa pag-aaral at isa ng ganap na Abogado. Siya ang tumupad sa pangarap ng kanyang kakambal dahil para sa kanya ay kasama pa rin niya ito sa tagumpay na iyon. Para kay Daniela, ang kapatid na si Romina ay nananatiling buhay sa kanyang puso at isipan sa pamamagitan ng pagtupad sa pangarap ng kakambal.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Saan ka man naroroon ngayon, alam kong masaya ka na dahil nagawa ko na ang gusto kong gawin, ang iyon ay tuparin ang matagal mo ng pangarap, Romina. Salamat aking kapatid. Alam kong magkikita ulit tayo at kapag dumating ang araw na iyon ay tiyak na hinding-hindi na tayo maghihiwalay pa,” wika ni Daniela sa puntod ng kapatid.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!