Dahil sa Hindi Makabayad sa Utang ay Buhay ng Lalaki ang Gustong Kapalit ng Pinagkakautangan Niya, Hindi Niya Inasahan na May Magliligtas sa Kanya sa Tiyak na Kapahamakan

Ulila na sa mga magulang si Aries. Iniwan siya ng ina sa kanyang lolo at sumama sa ibang lalaki. Tanging ang mapagmahal niyang lolo ang naging pamilya niya. Pagiging sapatero ang ikinabubuhay ng kanyang lolo at siya naman ay nangangalakal at kargador sa palengke para makatulong sa gastusin.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Sa hirap ng buhay ay hindi na rin siya nakapag-aral, para sa kanya kuntento na siya at wala ng mahihiling pa basta’t kasama niya ang pinakamamahal niyang lolo. Ngunit isang malungkot na pangyayari ang dumating sa kanyang buhay. Nagkaroon ng sunog sa kanilang lugar at kasama sa natupok ang kanilang bahay. Masuwerte na nakaligtas si Aries, ngunit sinawing-palad ang kanyang lolo nang tangkain nitong pumasok sa bahay na nasusunog para isalba ang iba nilang gamit pero hindi na ito nakalabas pa at nasunog nang buhay kasama ng pagkatupok ng maliit nilang tirahan.

Labis na dinamdam ni Aries ang pagkawala ng kanyang lolo at sinisi sa Diyos ang matinding kamalasang nangyari sa kanila kaya unti-unting nawalan ng direksyon ang buhay niya at natutunang gumawa ng masama. Natuto siyang mangholdap, magnakaw at gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Nagkabaon-baon din siya sa utang matustusan lang ang kanyang bisyo.

Isang araw habang umiihi siya sa pader ay may narinig siyang kalabit ng gatilyo sa kanyang likuran.

“D-dado, kayo pala,” tangi niyang nasabi nang makita sa kanyang likuran ang apat na armadong lalaki at ang isa ay seryosong nakatitig sa kanya habang nakatutok sa kanya ang baril nito. Si Dado ang kilalang tulak ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar at malaki ang pagkakautang niya rito.

“D-Dado, huwag kang magbibiro sa baril, baka makalabit mo iyan!” wika ni Aries habang dahan-dahang itinataas ang mga kamay.

“Hindi ako nagbibiro, Aries, talagang ipuputok ko ‘to sa ulo mo kapag hindi ka nagbayad ng utang mong g*go ka!” galit na singhal ng lalaki.

“D-Dado naman, w-wala pa akong pera na pambayad sa iyo, e. Alam mo naman na matumal ang mga raket ko ngayon. Kahit itanong mo pa sa iba nating kasama,” aniya na lalong kinabahan at napalunok sa sariling laway.

“Wala akong pakialam, ang gusto ko ay magbayad ka ngayon din! Pu*ang I*a ka, lagi ka na lang nangangako pero hindi mo naman tinutupad! Nangungutang ka para bisyo mo tapos hindi mo naman kayang bayaran!” galit na sigaw ni Dado.

Lumapit pa ito ng kaunti at tinutukan nito si Aries sa sentido. Bigla nitong kinalabit ang gatilyo ng baril at napapikit na lang sa sobrang kaba si Aries. Buti na lang at hindi iyon pumutok, kundi ay katapusan na niya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Maawa ka sa akin, Dado. Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon, nakikiusap ako sa iyo!’ pagsusumamo niya habang tumatagaktak ang gabutil na pawis sa noo.

Biglang sinenyasan ni Dado ang tatlong lalaki na kasama nito na agad namang lumapit sa kanya.

“Alam niyo na ang gagawin sa tarantadong iyan!” anito.

Nilapitan ng tatlong matipunong lalaki si Aries at pinagtulungang bugbugin. Nang magsawa ang tatlo ay saka lamang siya nilubayan ng mga ito.

“Tandaan mo ang araw na ito, Aries. Bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon. Kapag hindi ka pa rin nagbayad sa akin sa loob ng isang buwan, sisiguraduhin kong paglalamayan ka na!” galit na singhal sa kanya ni Dado.

Nang makaalis sina Dado ay pinilit ni Aries na makabangon kahit na sobrang sakit ng kanyang katawan dahil sa mga sugat at pasang tinamo.

Mabilis na dumaan ang mga araw at dumating na ang itinakdang araw ni Dado kay Aries upang magbayad ng utang.

“Bossing, tapos na po ang palugit na ibinigay niyo kay Aries,” paalala ng isang lalaking alagad ni Dado.

“Alam ko!” maikli nitong tugon.

Nang bigla nitong dinampot ang baril sa mesa at sinipat-sipat iyon.

“Hayop ka talaga, Aries. Inuubos mo talaga ang pasensya ko. Humanda ka sa akin, tatapusin na kita! Tara na, mga bata! Ngayon natin buburahin si Aries na mundong ito. Alam niyo na ang gagawin niyo ha? At ayokong may papalpak sa inyo. Maliwanag?” pagalit na utos ni Dado sa mga kasama.

“Masusunod, bossing!” nakangising wika ng isa sa kanyang mga alagad.

Mabilis na nakarating ang grupo ni Dado sa iskwater kung saan nakatira si Aries, subalit napag-alaman nilang lumipat na pala ito ng tirahan. Maya-maya ay may lasing na lalaking lumapit sa kanila.

“Si Aries ba ang hinahanp niyo? Hik!” tanong ng lalaki.

“Oo, bakit alam mo ba kung saan lumipat si Aries?”

Napangisi ang lalaki at binulungan si Dado.

“Mukhang napakahalaga ng sadya niyo kay Aries, ha. E, kung sasabihin ko ba ay magkakapera ba ako diyan? Hik!” pabiro nitong tanong.

“Walang problema sa pera, kilala mo naman ako ‘di ba? Teka, maituturo mo ba talaga sa akin kung saan siya matatagpuan?”

“Oo naman, sasamahan ko pa kayo! Hik!” mayabang na sagot ng lalaki.

Sinamahan nito ang grupo ni Dado sa kinaroroonan ni Aries. Ang totoo ay sinadya talagang magtago ni Aries at lumipat ng ibang matitirhan dahil wala naman talaga itong balak na bayaran si Dado. Sa laki ng pagkakautang niya rito ay hindi niya alam kung paano siya makakabayad kaya minabuti na lang niya na pagtaguan ito. Ngunit ang hindi niya alam ay nasundan siya ng lasing na lalaki at nalaman kung saan siya naglulungga. Kilalang tsismoso ang lalaki at alam na alam nito ang buhay ng mga taong nakatira sa kanilang lugar kaya ang paglipat ni Aries ay hindi rin nakaligtas sa pangingin ng tsismosong lasenggero.

‘Di nagtagal ay narating ng grupo ni Dado ang lugar.

“Narito na tayo. Nakikita niyo ba ang abandonandong gusaling iyon? Diyan ang bagong pugad ni Aries. Diyan siya palaging naglalagi, hik!” sabi ng lalaki.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Agad na dumukot sa bulsa niya si Dado. Naglabas ito ng makapal na perang papel na tig-iisang libong piso. Kumuha ng ilan at iniabot sa lasing na lalaki.

“O, ayan ang limangpung libong piso. Ayos na ba sa iyo iyan?” tanong ni Dado.

Abot tainga ang ngiti ng lalaki sa ibinigay sa kanyang pera.

“Ayos na ayos, Dado. Maraming salamat, hik!”

“Salamat din. Kapalit na rin iyan ng katahimikan mo. Sige na, kami na ang bahala rito, maaari ka nang umalis,” nakangiting wika ni Dado sabay tapik sa balikat nito.

Maingat silang nakalapit sa abandonadng gusali at naispatan nga nila doon si Aries na natutulog sa lapag, pero may hawak-hawak itong baril na nakapatong sa tiyan nito.

Nang biglang sumenyas si Dado sa mga kasama.

“O, ano pang hinihintay niyo pasukin niyo na ang g*go!” utos ni Dado sa mga alagad.

Hindi pa man sila nakakalapit kay Aries ay nagising na ito at nag-inat. Bigla itong napabalikwas nang biglang pumasok ang tatlong armadong lalaki sa pinto at agad siyang pinaputukan. Tinamaan niya agad sa balikat ang isa, pero mabilis namang gumanti ng putok ang dalawa at tinamaan ng mga ito si Aries sa binti at balikat. Tinamaan din ang kamay ng lalaki kaya nabitawan niya ang hawak na baril. Nang akmang dadamputin na niya ang baril ay bigla siyang binaril sa kamay ng isa sa tatllong lalaki.

“Anak ng p*ta! Buwisit na buhay ‘to!” sigaw niya habang napahandusay sa lapag.

Malaya namang nakalapit sa kanya ang tatlong lalaki.

“Ano, masakit ba ha?” gigil na sabi ng isa sabay apak sa sugatan niyang kamay.

“Mga pu*ang I*a ninyo! Humanda kayo sa akin, gagantihan ko kayo!” namimilipit na wika ni Aries.

“Hindi na mangyayari iyon dahil dito ka na malalagutan ng hininga. Ano, Aries nasorpresa ka ba? Ikaw naman kasi ang tigas ng ulo mo, e. Binigyan na kita ng huling pagkakataon, pero anong ginawa mo? Pinagtaguan mo lang akong hayop ka!” wika ni Dado habang nilalaro-laro ang hawak na baril.

“M-magbabayad naman talaga ako, e. Kaso k-kulang pa ang pera ko,” palusot niya rito.

“Hindi na ako naniniwala sa mga palusot mo, gunggong! Ubos na ubos na ang pasensya ko sa iyo kaya dapat ka nang burahin sa mundo!” galit na sigaw nito sabay tutok sa kanya ng baril.

Kakalabitin na sana ni Dado ang gatilyo nang may biglang kumalabog sa may pinto, kaya naman napalingon silang lahat sa pinaggalingan ng ingay. Naramdaman ng mga kasama ni Dado na mayroon pang ibang tao bukod sa kanila sa gusaling iyon.

“Bossing, may ibang tao! May nakakita sa atin!” natatarantang sabi ng isa sa mga alagad niya.

“Buwisit! Tara, sibat na, bilis!”

Nagmamadaling lumabas ang grupo ni Dado at kumaripas ng takbo palayo sa gusali. Ipinagtaka naman ni Aries kung bakit hindi natuloy ang pagbaril sa kanya ni Dado. At mas lalo niyang ipinagtaka kung bakit may ibang tao sa gusaling iyon, gayung abandonado na ito. Kaya pinilit niyang makasandal sa pader upang tingnan kung may ibang tao nga ba sa loob.

Laking gulat niya nang may makita siyang imahe ng tao na nakatayo sa pinto ng gusali. Nakasuot ito ng mahaba at kulay puting damit. Mahaba rin ang buhok nito ay may balbas sa mukha. Parang gintong kumikinang ang suot nitong damit at seryosong nakatingin sa kanya. Nagliliwanag din ang lugar kung saan ito naroon. ‘Di nagtagal ay bigla itong naglaho sa paningin niya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Natulala si Aries sa kanyang nakita. Bigla siyang kinilabutan, nanginig ang mga labi at napahagulgol ng iyak.

“A-ang Panginoon! Iniligtas niya ako! Hindi ako maaaring magkamali, siya ang nagligtas sa akin!” sabi niya sa sarili habang patuloy na dumadaloy ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Hindi naman niya namalayan na unti-unti na siyang nawalan ng malay.

Pagmulat ng kanyang mga mata ay nakita na lang niya ang sariling nakahiga sa kama ng isang ospital. Agad siyang nilapitan ng nurse at tinanong ang kanyang kalagayan.

“Gising ka na pala. Ano, maayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong nito.

“P-paano ako napunta dito?” nagtataka niyang tanong sa kausap.

“Dinala ka dito na isang lalaking may balbas at mahaba ang buhok. Ang weirdo nga niya e, kasi ang haba-haba ng damit niya na kulay puti. Sinabi niya na tulungan ka raw namin,” sagot ng nurse.

“Panginoon ko, maraming salamat po sa lahat!” tangi niyang nasabi saka muling napaiyak.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Nang dahil sa pangyayaring iyon ay napagtanto ni Aries na mahal pa rin siya ng Diyos sa kabila ng lahat ng kanyang mga kasalanan. Binigyan siya nito ng pangalawang pagkakataon para ituwid ang kanyang buhay. Nang makalabas sa ospital ay unti-unti nang binago ni Aries ang sarili.

Tinalikuran na niya ang mga masasamang gawain at nagpa-rehab para tuluyang matigil ang pagkalulong niya sa ipinagbabawal na gamot. Nabalik-loob siya sa Diyos at nangakong magpapakabuti na para sa pagsisimula ng kanyang pagbabagong buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!