Gabi-gabi Pinipilit ni Misis ang Mister na Makipagniig sa Kanya, Laking Gulat ng Lalaki sa Dahilan ng Kanyang Asawa

Magsasampung taon nang kasal ang mag-asawang si Henry at Cathy. Hindi tulad ng sinasabi ng iba, lalo pang tumitibay at tumitindi ang pagmamahalan ng dalawa.

“Mare! Sampung taon na kayo ni kumpare. Swerte mo at hindi nagloloko iyang si Henry kagaya ng ibang mister, ano?” bati ni Teresa, kaibigan ni Cathy, nang magkasalubong sila sa palengke.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Aba’y siyempre! Ang tagal ko kayang nagpaligaw sa kanya noong araw. Sasayangin niya ba ang halos dalawang taong panunuyo niya sa akin masungkit lang ang matamis kong oo?” pabirong sagot naman niya.

“Pero kahit na mahal na mahal ka ni kumpare, nako mare h’wag mapapanatag ang loob mo. Basta tandaan mo ang mga payo ko sa’yo ha?” nakangiting sagot ni Teresa sabay paalam sa kaibigan.

Napangiti na lamang si Cathy nang maalala niya ang mga payo sa kanya ni Teresa noon.

“Alagaang maigi, at huwag na huwag gugutumin. Ipaghain palagi ng masasarap na pagkain,” bulong niya sa sarili.

Magmula nang ikasal sila, hanggang sa magbunga ang kanilang pagmamahalan, ay hinding-hindi kinakalimutan ni Cathy ang bilin ng kanyang kaibigan. Dahil na rin sa kagustuhan ni Henry, nanatili na lamang sa bahay si Cathy dahil sapat naman ang sinusweldo ni Henry bilang engineer upang bigyan sila ng masaganang pamumuhay. Kaya naman magmula noon ay walang araw na pumalya si Cathy sa paghahain ng masasarap na putahe para sa kanyang asawa’t anak.

Lumipas ang ilang buwan, at bigla na lamang napansin ni Cathy ang napapadalas na pagpapaalam ng kanyang asawa na gagabihin ito sa pag-uwi. Dala ng labis na pagkabahala, agad niyang tinawagan sa telepono ang matalik na kaibigan upang komunsulta.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Mareng Teresa! Diyos ko! Heto na ata ang kinakatakot ko,” paiyak nang sabi ni Cathy sa kaibigan.

“Ha? Bakit? Ano bang nangyayari sa iyo?” nag-aalalang tanong naman ni Teresa.

“Ang Pareng Henry mo, ilang gabi nang sunod-sunod ang pagpapaalam na gagabihin siya ng uwi. Hindi naman siya ganito dati. Kinakabahan ako na baka magkatotoo ang sabi ng iba. Na kapag matagal nang kasal ay nagsasawa na!” aniya.

Inusisa naman ni Teresa ang kaibigan kung sinusunod nito ang mga bilin niya noon dito.

“Oo naman! Araw araw ko siyang binubusog ng masasarap na pagkain, ano!” matapang nitong sagot.

“E ‘yong isa ko pang payo?”

“Anong isa pa?”

“Nako! Nakalimutan mo? ‘Di ba sabi ko sa’yo e bukod sa pagkain, dapat busog rin sa kama ang asawa mo? E baka kaya naghahanap na ng ligaya sa iba?” ani Teresa.

Nanlaki naman ang mata ni Cathy. Napaisip siya kung kailan na nga ba ang huling beses na may nangyari sa kanilang mag-asawa. Kaya naman agad na siyang nagpaalam kay Teresa at dumiretso sa pinakamalapit na mall upang mamili ng mga isusuot niya para sa kanyang pinaplano para sa asawa.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Mula nga nang araw na iyon, halos gabi-gabi nang inaakit ni Cathy ang kanyang mister na makipagsiping sa kanya. Agad itong ipinagtaka ni Henry dahil katunayan ay pansin niyang sumosobra na ang kanyang misis na tila ba hindi na normal.

Isang gabi, habang sinusubukan na naman ni Cathy na akitin ang asawa, hindi na napigilan ni Henry na kausapin ito.

“Honey, tama na muna, please?” ani Henry habang pinipigilan ang malilikot na kamay ng asawa.

“Ha? Bakit?! Henry, ayaw mo na ba sa akin?” paiyak nang sabi ni Cathy.

“Teka nga, anong ayaw? Honey, napapansin ko lang na napapadalas ang pagyayaya mo tuwing gabi. May dapat ba tayong pag-usapan?” tanong ng lalaki.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Eh kasi… Eh… Henry! May iba ka na ba? Ayaw mo na ba sa akin? Nagsasawa ka na ba?” hindi na napigilan ni Cathy ang luha sa kanyang mga mata.

Natulala na lamang si Henry nang makita ang kanyang humahagulgol na asawa.

“Ha? Ano ka ba? Mahal na mahal kita! Alam mo naman ‘yon e. Hindi mo ‘to kailangan gawin gabi gabi,” ani Henry.

Doon na napag-isipan ng dalawa na magkatapatan. Itinanong ni Cathy kung bakit napapadalas gabihin sa trabaho si Henry. Gulat na gulat naman si Cathy sa kanyang narinig na paliwanag.

“Kasi pinaplano ko ang muli nating pagpapakasal… Sorpresa ko sana iyon sa’yo, e kaso kung ano-ano na pala ang naiisip mo,” ani Henry habang hinahaplos ang ulo ng humihikbing asawa.

“Kasal? Bakit? Kasal naman na tayo ah?”

“Oo nga. Pero sampung taon na ang nakakalipas ‘yon. At isa pa, hindi kita nabigyan ng enggrandeng kasal noon dahil hindi pa ganoong kalaki ang ipon ko. Pero ngayon, nais kong ipakita ang labis kong pagmamahal sa iyo sa pamamagitan ng grandiyosong kasal na alam kong matagal mo nang pinapangarap,” ani Henry.

“Kaya Cathy, itatanong kong muli…”

Dahan-dahang lumuhod si Henry sa harapan ng asawa habang inilalabas ang isang maliit na kahon mula sa kanyang bulsa.

“Will you marry me… again?”

Napaiyak na lamang sa saya si Cathy. Hindi niya akalain ang sorpresang inihahanda sa kanya ni mister.

“Yes! Yes, honey, yes!”

Nang mahimasmasan ang dalawa, agad na humingi ng tawad si Cathy kay Henry sa paghihinala nito sa kanya.

“Sorry, honey, ha? Masyado lang akong natakot na baka ayaw mo na sa akin. Ang payo kasi sa akin ni Teresa…” hindi pa niya natatapos ang sasabihin nang sumabat si Henry.

“Teresa? Ano ka ba naman? Huwag ka sanang masasaktan dahil alam kong kaibigan mo ‘yon, pero alam mo namang nakaka-limang palit na ng asawa ang kaibigan mo. At sa kanya ka pa hihingi ng advice tungkol sa pag-aasawa. Hindi mo kailangang pagurin ang sarili mo gabi-gabi upang mapasaya ako. Dahil kahit wala pa iyon, pangako ko sa’yo na ikaw lamang ang babaeng mamahalin ko ng ganito,” wika ni Henry.

Nagtawanan na lamang ang dalawa habang mahigpit na magyakap. Natutunan ni Cathy na hindi kasangkapan ang pakikipagniig upang makasigurong tatagal ang samahan ng mag-asawa, dahil tanging respeto, tiwala at tapat na pagmamahal lamang ang kailangan upang lalong mapagtibay ang kanilang pagsasama.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!