Hindi na Kinikibo ng Tatay ang Anak Mula nang Tumigil Siyang Mag-aral, Ganito pa Pala ang Gagawin ng Kanyang Anak

Tatlo ang anak ng mag-asawang si Henry at Lyn. Panganay si Rico, pangalawa si May, at bunso naman si Lem.

Graduweyt ng kursong HRM si Rico, nagtatrabaho sa isang hotel at may sarili ng pamilya pero nakatira pa rin sa poder ng mga magulang.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Si May naman ay katatapos lang sa kursong Nursing pero nagpasyang magpahinga muna bago maghanap ng trabaho.

Si Lem naman ay matagal nang nahinto sa pag-aaral. Unang taon pa lang niya sa kolehiyo noon nang magpasya siyang tumigil sa pag-aaral. Ang totoo niyan, kung minsan ay tingin ni Lem sa sarili ay siya ang pinakabobo sa kanilang magkakapatid.

Naaalala niya noon na mga bata pa lamang sila ay inaasar na siya ng kanyang ate at kuya dahil mabagal siyang makaintindi. Kaya’t hanggang sa siya’y magbinata ay iyon na ang nakatatak sa isip niya. Pinilit pa siya ng kanyang mga magulang noon na bumalik sa pag-aaral.

“Sayang, kung nagtapos ka lang edi sana wala na silang masabi satin.”

“Sigurado ka bang ayaw mo na talaga mag-aral, anak?”

“Sayang, sana tatlo kayong nakapagtapos.”

Lahat yan galing sa nanay niya at masakit ito para kay Lem. Madalas kasi ay naikukumpara siya sa kanyang ate at kuya. Na kapag nakikipagkwentuhan ang mga kapitbahay o ibang kamag-anak sa nanay niya, ay ipinagmamalaki niya ang dalawang anak niyang nakapagtapos.

Pero pag si Lem na ang pinaguusapan ay parang hiyang-hiya siyang sumagot. Mas pinili kasing magtrabaho ng binata.

Kahit na nabobobohan siya sa kanyang sarili ay alam niya naman na siya’y madiskarte. Ginamit niya ito at nakakuha ng trabaho na pwedeng sa bahay lang.

Nakapagtapos man ang kanyang kuya ay mas malaki ang kinikita ni Lem kaysa kay Rico. Kung minsan pa nga ay nangungutang pa si Rico sa kanyang bunsong kapatid.

Kung lalabas at papasyal silang mag-anak, gustong-gusto nilang kasama si Lem dahil hilig niya ang manlibre. Ito kasi ang paraan niya para ibalik ang pag-aalaga na ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang.

Isang beses pa ay niregaluhan ni Lem ang kanyang mga magulang ng trip to Hong Kong para sa kanilang anibersaryo.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Naririnig rin ni Lem minsan na naiinis na ang kanyang nanay sa kanyang mga nakatatandang kapatid. Dahil madalas, si Rico ay nakaasa pa sa kanyang mga magulang. Ang ate naman niya ay ganoon din – ayaw pang maghanap ng trabaho, kesyo tinatamad pa raw siya dahil napagod siya sa pag-aaral.

Kaya ngayon, si Lem lang talaga ang nakakapagbigay sa kanyang mga magulang.

Pero sa araw-araw na lumilipas ay nararamdaman ni Lem na mas napapalayo ang loob sa kanya ng kanyang mga magulang. Lalo na ang kanyang tatay na simula ng magdesisyon siyang ‘wag nang mag-aral ay hindi na siya kinausap nito.

Kaya’t nagsikap ang binata. Nagsipag sa trabaho, nag-ipon at unti-unting nagpundar para sa kanyang sarili.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Isang araw, habang nasa loob ng kwarto si Lem at nagtatrabaho, biglang narinig niya ang isang malakas na sigaw galing sa kanyang nanay, “Henry!!!”

Napabalikwas sa pagkakahiga si Lem at agad na tumakbo palabas ng kanyang kwarto.

Nakahandusay ang kanyang tatay sa sahig – walang malay at pilit ginigising ng kanyang nanay.

Agad din namang dumating si Rico para tumulong sa pagbuhat sa kanyang tatay. Ang ate niyang si May ay agad na tumawag ng tricycle para maisugod ang tatay niya sa ospital.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Sa ospital nalaman ng pamilya na si Henry ay mayroong malalang sakit at gagaling ito sa pamamagitan ng maraming gamutan at therapy.

Nanlumo ang asawa niya dahil hindi nila malaman kung saan kukuha ng pera para dito.

Naiyak rin si May dahil hindi niya alam kung paano siya tutulong – maging si Rico.

Pero si Lem ang kaisa-isang umimik at nagsalita. Ang kanyang sinabi ay ikinagulat ng lahat.

“Ako na ang bahala kay papa. Huwag na kayong mag-alala.”

“Pero anak, paano?”

“Hayaan niyo ng ako ang mamroblema doon ma…”

Ang misis na si Lyn ang nag-alaga sa kanyang asawa habang si Lem ang sumagot ng lahat ng gastusin ng kanyang tatay.

Samantalang ang kanyang ate at kuya ay tumutulong-tulong sa pag-asikaso rin sa kanilang tatay.

Ngunit kung minsan ay hindi maiwasan ni Lem na sumama ang loob niya sa kanyang tatay, dahil hindi parin siya pinapansin ng kanyang ama – ni ha ni ho, wala.

Pero nag patuloy pa rin sa pagtulong si Lem dahil mahal niya ang kanyang tatay. Lahat ay gagawin niya para lamang gumaling ang kanyang ama – kasama na rito ang halos ‘di na matulog para lang magtrabaho at kumita pandagdag sa pagpapagamot ng kanyang tatay.

Isang araw, nagulat na lamang siya ng bigla siyang tawagin ng kanyang tatay habang inaayos niya ang pagkain nito.

“Anak, maaari ba tayong mag-usap?”

“Oo naman pa, ano po iyon?” sagot naman niya habang ikinukubli ang pagkagulat sa pagkausap sa kanya ng kanyang ama.

Nanghina si Lem ng makitang unti-unting umiyak ang kanyang ama.

“Patawarin mo ako anak. Halos itakwil kita dahil lang hindi ka nakatapos pero ikaw pa rin itong tumutulong sa akin…”

“Pa…”

“Sana bago ako mawala anak, mapatawad mo ako…”

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Pa, pinapatawad kita. Pero hindi ka mawawala, dahil alam kong gagaling ka… Nananalig akong gagaling ka.”

“Anak, babawi ako sayo paglabas ko ng ospital…” umiiyak na sabi ni Henry.

Ngumiti ang kanyang bunsong anak at sila’y nagyakapan ng mahigpit.

Nangibabaw pa rin ang pagmamahal at kapatawaran ng isang anak at isang ama.

Ilang linggo ang lumipas at sa tulong ng pag-aalaga ni Lem sa kanyang ama, tuluyan na nga itong nakalabas ng ospital. Agad naramdaman ni Lem ang pagbabago sa ugali ng kanyang ama at ang pagbawi nito mula sa mga pagkukulang niya noong tumigil ng pag-aaral ang anak.

Natutunan ni Henry na hindi sukatan ng pagiging mabuti at huwarang anak ang diploma sa kolehiyo, kundi ang pagiging marespeto nito at pagiging mapagmahal sa sariling pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!